IMINULAT niya ang mga mata at nagtaka pa nang makitang nakahiga sa sahig ng kanyang apartment. Maingat na umupo ang babae, tiningnan ang suot na dark blue lingerie. Bakit siya nakasuot nito?
Sinubukan niyang tumayo pero agad ding napabagsak ng upo nang makita ang lalaking nasa ibabaw ng kama. Nakagapos ang mga kamay at paa nito sa bawat poste ng four-poster bed na naroroon. Nakabukas ang mga mata, nakaawang ang mga labi at hindi na humihinga.
Natutop niya ang sariling bibig. Sino na naman ang lalaking iyon? Nakapatay na naman ba siya? Hinakot ng babae ang natitirang lakas at muling tumayo.
Humakbang siya patungo sa bedside table at nagulat pa nang makita kung ano'ng date na. Ang huling natatandaan niya ay nang makita ang bangkay ng nobyong si Ray. Matagal din siyang nawala at pinalitan ng halimaw na babaeng iyon. Wala siyang maalala. Wala siyang maalalang kahit na ano sa ginawa nitong nakaraang mga linggo.
Isinubsob ng babae ang mukha sa dalawang kamay at napahagulhol ng iyak. Hindi niya alam kung gaano karaming kasalanan na ang nagawa niya. Tiningnan niya muli ang bangkay ng lalaking nasa ibabaw ng kama.
Hindi niya alam kung sino ito. Humakbang siya palapit sa lalaki para kalasin ang pagkakagapos sa mga kamay at paa, nangangatal pa ang mga kamay. Pagkatapos ay mabilis niyang ipinulupot ang puting bedsheet sa katawan nito.
Ginawa ng babae ang lahat para mahila ang bangkay palabas ng apartment patungo sa kinapaparadahan ng sariling sasakyan. Ipinasok niya ang bangkay sa trunk bago nagtungo sa driver's side.
Pinaandar niya ang sasakyan hanggang sa pinakamalapit lang na tambakan ng basura, doon iniwan ang bangkay, bago muling bumalik sa kanyang apartment.
Mabilis na tinungo ng babae ang shower para linisin ang sarili, walang tigil din sa pagpatak ang kanyang mga luha. Ano na bang nangyayari sa kanya? Naalala niyang tinawagan ang psychiatrist na si Samuel noon. Nagpunta ba ito? Pinatay niya rin ba ang lalaki?
Ini-off niya ang shower at nakatulala nang humakbang patungo sa tapat ng salamin doon. Hindi na dapat siya nabubuhay sa mundong ito. May halimaw na namumuhay sa loob niya. Kailangan niyang mamatay para mamatay din ang halimaw na iyon.
Tinitigan ng babae ang sariling repleksyon sa salamin. Nanlaki ang mga mata nang makita ang masamang tingin ng babaeng naroroon.
Walanghiya ka! Malakas na sigaw ng babae na sa pagkakaalam ay Heart ang pangalan, galit na galit. Sinabi kong manatili ka na lang nakatago. Hayup ka! Wala kang karapatang bumalik at sirain ang lahat ng nagawa ko!
Marahas na ini-iling ng babae ang ulo, pinipilit huwag pakinggang ang boses na iyon sa isipan. "H-hindi... hindi na ako makikinig sa'yo," iyak niya.
Palabasin mo ako dito! Wala kang silbi sa mundo kaya maglaho ka na lang. Walang tatanggap sa isang katulad mo!
Napahagulhol na siya ng iyak. "T-tama na... tama na..." pagmamakaawa niya. "A-ayoko na..."
Alam ko na kung nasaan sila... ang mga taong umiwan sa'yo...
Ibinalik ng babae ang tingin sa salamin, nakangisi na ang repleksyong naroroon.
Wala kang magagawa nang ikaw lang... Patuloy ka lang magdurusa sa mundong ito na hinding-hindi ka matatanggap...
Pabagsak siyang napaupo sa sahig, nakayuko. Tumigil na rin sa pag-agos ang kanyang mga luha. Hindi niya na gustong mabuhay.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...