Lily Martinez
INI-ANGAT ni Lily ang tingin nang bumukas ang pinto ng interrogation room na kinaroroonan. Nakita niya ang pagpasok ni Jemimah Remington, naupo ito sa katapat niyang silya.
"N-naka-set na ba ang date ng... ng trial ko?" tanong niya dito.
Ilang saglit na nakatitig lamang sa kanya si Jemimah, puno ng kaseryusohan ang mukha ng babae. "Lily," banggit nito sa kanyang pangalan.
Nagulat si Lily, mabilis na iniiwas ang tingin. "A-ano'ng... h-hindi ako... hindi ako si—"
"Hindi mo na kailangang magpanggap, Lily," putol sa kanya ni Jemimah. "Nakakulong na rin dito sa headquarters si Jasmine Cruz na nagpapanggap na ikaw. Wala ka nang dapat ikatakot."
Iniyuko ni Lily ang ulo at napaiyak na ng malakas. She never cried like this before. She had her pride ahead of her always. Pero hindi niya na napigilan ang sarili. Pakiramdam niya ay nawala ang lahat ng bigat na dinadala sa puso, sa isipan.
"Bakit, Lily?" narinig pa niyang tanong ni Jemimah. "Bakit kailangan mong akuin ang kasalanang hindi mo naman ginawa? Bakit nagpanggap kang si Jasmine?"
Tumingin siya sa babae. "T-takot na takot ako," garalgal na sagot niya. "Kaya niyang gawin ang kahit ano dahil wala siyang konsensiya. Galit na galit siya sa akin, sa amin. Sinabi niyang papatayin niya ako, si Mama at ang bagong pamilya namin kapag hindi ko siya pinagbigyan."
"Puwede ka namang magsabi sa amin," ani Jemimah. "Tutulungan ka ng team."
Ini-iling ni Lily ang ulo. "I never had the chance to do that," bulong niya. "H-hindi niya ako pinagbigyan na makakita ng liwanag hangga't hindi dumarating ang oras na natagpuan n'yo ako sa basement na 'yon."
Muli ay nanumbalik sa kanyang alaala ang sinapit sa kamay ng kakambal na si Jasmine Cruz. Lahat ng iyon ay ikinuwento niya sa babaeng nasa harap...
Kagagaling lang ni Lily sa opisina ng Internal Affairs nang gabing iyon. Pagod na pagod na siya at gustong magpahinga. Kanina, sumama pa ang pakiramdam niya nang makita ang bangkay ng isa sa mga biktima ng serial killer na si Heart – biktima na namatay dahil sa heart attack.
Napahawak siya sa tapat ng puso. Simula nang magkaroon ng heart transplant, naging normal na naman ang buhay ni Lily. Nagpapasalamat siya dahil hindi na nakakaranas ng paghihirap dulot ng sakit, hindi niya na rin nakikita ang pag-aalala ng inang si Jessica.
Bumaba si Lily ng sariling sasakyan para sana buksan ang gate ng bahay nila sa Sta. Mesa. Pero bigla na lang may tumaklob sa ibabang parte ng kanyang mukha na isang panyo mula sa likod. Sinubukan niyang manlaban subalit nanghina na ang katawan at nawalan ng malay...
NAGISING si Lily na nakahiga sa malamig na sahig. Maingat siyang naupo, napahawak sa ulo dahil sa pagkahilo. Iginala niya ang paningin sa hindi pamilyar na lugar. Nasaan siya?
Ibinaba ni Lily ang tingin sa puting dress na suot. Hindi ganito ang naaalala niyang suot. Ano'ng nangyari? Sino ang dumukot sa kanya?
"Nagustuhan mo ba ang damit na 'yan?" narinig niyang tanong, tinig ng isang babae.
Hinanap ni Lily ang pinanggalingan ng tinig at nakita ang babaeng nakaupo sa silya hindi kalayuan sa kanya. Nanlaki ang kanyang mga mata. She was looking at herself! Parehong-pareho ang itsura nila ng babae!
Tumayo ang babae, lumakad palapit sa kanya. Nakasuot ito ng pulang dress na hapit na hapit sa katawan, pulang-pula rin ang mga labi. "Naaalala mo pa ba ako?" tanong ng babae.
Hindi makapaniwalang nakatitig lamang siya dito. "J-Jasmine..." banggit ni Lily sa pangalan ng kakambal na matagal ding hindi nakita.
Lumuhod si Jasmine at marahang hinaplos ang buhok niya. "Mabuti at naaalala mo siya," anito. "Pero Heart ang pangalan ko. Ang kakambal mong si Jasmine, nagtatago. Mahina kasi siya."
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...