Chapter 56

1.5K 45 1
                                    

Paul Morales

NAIINIS na pinagbuksan ng pinto ni Paul ng kanyang kuwarto ang kanina pang kumakatok doon. Agad niyang nakita ang amang si Antonio Morales. Tinatamad siyang bumalik sa kama para maupo doon, napahawak sa ulo. Mayroon pa siyang hangover. Hindi na tanda ni Paul kung paano nakauwi kagabi dahil sa matinding kalasingan.

"Paul, hanggang kailan ka pa ba magkakaganito?" pagpapagalit ng ama. "Ilang linggo ka nang walang inintindi kundi ang pag-inom ng alak. Pasalamat ka at may mga taong nagmamabuting-loob na ihatid ka pauwi."

"Huwag n'yo na lang akong pakialaman, Papa," malamig na tugon niya.

Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng ama. "Is this because of Jemimah and Ethan? Anak, kailangan mong tanggapin na may mga bagay na hindi mapapasa'yo. Maging masaya ka na lang para sa kanilang dalawa."

"Masaya?" sarkastikong ulit ni Paul. "Bakit ba gustong-gusto n'yo si Ethan, Papa?"

"Mag-isa na lang si Ethan sa buhay nang mawala ang pamilya n'ya," sagot ni Antonio. "Wala namang masama kung humanap siya ng taong makakapagbigay sa kanya ng kasiyahan, 'di ba? Maging ako nagulat din nang malamang ikakasal na siya kay Jemimah. But I'm happy for them. Kailangan ni Ethan ng makakasama at makakapagbalik ng kulay sa buhay niya."

Mahabang sandaling nakatitig lang sa kawalan si Paul. "I envy him... a lot. Nakuha niya ang atensyon niyo ni Jemimah nang walang ginagawang kahit ano. Ipinagmamalaki niyo siya. Alam ko... alam kong napakahirap ng pinagdaanan niya. And he deserves to have happiness too." Humugot siya ng malalim na hininga. "Pinipilit ko namang intindihin, Papa. Kailangan ko lang ng oras."

"Anak kita at ipinagmamalaki din kita, Paul," mahinahong sabi ng ama. "Hindi mo lang makita 'yon dahil ang tinitingnan mo ay kung ano'ng mayroon kay Ethan." Humakbang palapit sa kanya si Antonio. "Get rid of that envy, Paul. Hindi makatutulong sa'yo 'yan."

Ikinuyom ni Paul ang mga kamay. "I should leave the team," aniya. "Sa paraang 'yon, makakalimutan ko na ang lahat. Magpapakalayo na rin ako. Baka sakaling makahanap din ako ng sariling kasiyahan."

Naramdaman niya ang pagtapik ni Antonio sa kanyang balikat. "It's your decision, son. Pero sinasabi ko sa'yo, walang maitutulong ang pagtakbo sa problema. Kailangan mo 'yong harapin kahit na masakit." Tumingin ito sa kanya. "You're my son and you're very precious to me. Siguradong makakahanap ka rin ng sariling kasiyahan kahit hindi ka lumayo."

Isinubsob ni Paul ang mukha sa dalawang kamay. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na sinabi ng ama na mahalaga siya dito. Sapat na iyon para mabawasan ang bigat na nararamdaman sa puso ngayon.

Pero kailangan niya pa ring lumayo kahit sandali. Para maghilom ang sugat sa puso. Hinihiling ni Paul na sana dumating ang araw na matanggap niya na ang lahat. Ang pagkatalo kay Ethan Maxwell. Ang katotohanang hindi na magkakaroon ng chance kay Jemimah kahit na ano pang gawin.

[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon