AGAD na binati sina Jemimah at Mitchel ng isa sa mga psychiatric nurses ng mental institution kung saan nakakulong si Jasmine Cruz.
"Kumusta na ang pasyenteng si Jasmine Cruz?" tanong ni Mitchel.
"Maayos naman po ang naging performance niya mula nang i-admit siya dito," wika ni Irene – ang nakatokang nurse kay Jasmine. "She's been following rules. Nakikisali rin siya sa ibang mga activities na makakapagpa-relax sa utak nila."
Tumango-tango si Mitchel. "May mga bumibisita ba sa kanya dito?"
"Minsan pong bumisita rito ang psychiatrist niyang si Samuel de Villa," sagot ni Irene. "Once a week lang po siya pinayagang magkaroon ng therapy session with Ms. Cruz dahil hindi naman siya opisyal na nagtatrabaho sa institution na ito."
"Kumusta naman sila?" tanong ni Jemimah.
Nakita nila ang biglang pamumula ng mukha ni Irene, napayuko ito. "A-alam naman po namin na magkarelasyon silang dalawa, si Doctor Samuel at si Heart. K-kaya... kaya minsan h-hindi na kami nakikialam sa session nila sa kuwarto ni Heart."
"Session?" natatawang ulit ni Mitchel. "I see. Hindi naman natin mapipigilan ang dalawang lovebirds. They're in a relationship so there's nothing wrong with it."
Nakaramdam ng awkwardness si Jemimah nang maisip kung ano ang ibig sabihin ni Mitchel.
"Base po sa observation ng isa sa mga doctors namin dito na tumitingin din kay Jasmine Cruz, malaki ang naitutulong ni Doctor Samuel sa mental state ng pasyente," imporma pa ni Irene. "Sumusunod si Heart kay Doctor Samuel. Nakakatuwa nga rin po silang tingnan minsan. Actually, nandito po siya ngayon."
"Si Samuel de Villa?" tanong ni Jemimah.
"Opo. Gusto niyo po ba siyang makausap, Inspector?"
Tumango siya. Sinabi ng nurse na tatawagin lang nito si Samuel. Sina Jemimah at Mitchel naman ay naupo sa lounge area.
"Heart is in love with Samuel," wika ni Mitchel, seryoso. "Ang mga taong katulad niya na ngayon lang nakaramdam ng pagmamahal ay puwedeng maging obsessive. They will keep on missing this other person. Malulungkot sila kapag hindi ito nakita kahit sandali lang."
"Masama ba 'yon?" curious na tanong ni Jemimah.
"There's a negative side on it too," sagot ni Mitchel. "Pero psychiatrist si Samuel. Alam kong alam niya kung ano ang kailangang gawin. Kailangan niya lang intindihin si Heart, tulungan itong matakluban ang lahat ng kasamaan ng nakaraan. It won't be easy but there's nothing impossible when it comes to love, right? Napapagbago ng pag-ibig ang isang tao." Tumingin pa sa kanya si Mitchel at ngumiti.
Alam ni Jemimah na isa si Ethan sa mga tinutukoy nito. She knew it won't be easy to make Ethan forget the pains of the past. Pero ang kailangan niya lang namang gawin ay intindihin ito at mahalin ng walang inaasahang kapalit.
Napatingin sila sa harapan nang marinig ang mga yabag papalapit. Magalang na bumati sa kanila si Samuel de Villa.
Tumayo si Mitchel para kamayan ang lalaki. "Nandito kami para kumustahin ang lagay ni Jasmine."
"Heart," pagtatama ni Samuel. "Si Heart pa rin siya hanggang ngayon."
"Hindi pa rin ba bumabalik si Jasmine?" tanong ni Jemimah, tumayo na rin. "Kahit sandali lang."
Umiling si Samuel. "Heart is a stronger personality than Jasmine."
"Dahil sa'yo," ani Mitchel. "Sino ba ang mahal mo sa dalawa, Samuel?"
Direktang tiningnan ni Samuel si Mitchel. "Alam mong iisa lang sila, Mr. Ramos. Ginagawa ko ang lahat para mapilit si Heart na magkasundo silang dalawa ni Jasmine."
"Is it working?" muling tanong ni Mitchel.
"Heart decided to let go of everything, including the past," imporma ni Samuel. "Basta raw tutulungan ko siya. Iyon ang hindi magagawa ni Jasmine. Nakakulong pa rin siya hanggang ngayon dahil iniisip niyang mahina siya at walang kuwentang babae." Humugot ng malalim na hininga ang lalaki. "Sisimulan na ang hypnosis therapy ni Heart."
"Ibig sabihin kailangan niyo nang mamili?" Napuno na ng interes ang boses ni Mitchel. "What do you think, Samuel? Alam ko na hindi magtatagal ay aalisin ka na bilang psychiatrist ni Jasmine o ni Heart. Hindi puwedeng maging doktor ka niya kung may personal feelings ng involved, tama?"
Mahabang sandaling hindi nagsalita si Samuel. Ikinuyom nito ang mga kamao. "Hindi man ako ang maging psychiatrist niya, tutulong pa rin ako sa abot ng aking makakaya."
Tumango-tango si Mitchel. "Isa kang kilalang psychiatrist, Mr. De Villa. Posible rin naman na hingin ang opinyon mo. I want to hear that opinion as someone who's been studying the human mind as well."
"Naaawa ako kay Jasmine," sagot ni Samuel. "Lalo na nang marinig ko mula kay Heart kung ano'ng pinagdaanan niya. Pero napakahina ng personalidad na iyon. Kapag siya ang nanatili, tatanggapin niya lang uli ang kinahinatnang ito nang hindi man lang susubukang lumaban." Nagtagis ang mga bagang nito. "Hindi ko papayagang mangyari 'yon. Kailangan niyang mabuhay kahit gaano kasakit pa ang naranasan noon."
"So you're choosing Heart?" tanong ni Jemimah. Nakaramdam siya ng kalungkutan sa kaisipang mawawala ang katauhan ni Jasmine at ang katauhan ni Heart ang mananatili.
"Mas may will si Heart na mabuhay," ani Mitchel. "Kahit ako ang maging doktor, siya rin ang pipiliin ko. We need to save the one with hope."
"Pero hindi naman natin kailangang mag-alala," ani Samuel. "Iisa lang sina Jasmine at Heart. Parte ni Jasmine si Heart na nalaglag sa kanyang isipan. Iisa lang ang katawan nila. Iisa lang ang puso nila."
"Sana gumaling na siya ng tuluyan," ani Jemimah. "Katulad nga ng madalas sabihin ni Mitchel, walang imposible sa pag-ibig. You love her, both Jasmine and Heart. Alam kong minamahal mo ang dalawang personalidad niya at gusto mo talaga silang tulungan."
Ngumiti naman na si Samuel. "Ipinapangako ko na gagawin ko ang lahat para maiayos ang buhay ni Heart, ni Jasmine. Hindi ako titigil hangga't hindi siya nagiging normal na taong katulad natin."
Nagpasalamat sina Jemimah at Mitchel sa lalaki. Kitang-kita naman ang sinseridad sa mga mata ni Samuel de Villa.
"Babalik kami dito para kumustahin siya," ani Jemimah bago nagpaalam kay Samuel.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...