Douglas Ilagan
NILILINIS ni Douglas ang kanyang Barrett M82 sniper rifle nang makarinig ng doorbell mula sa pinto ng pag-aaring apartment. Lumabas siya ng kuwarto para pagbuksan ang bisita.
"Sir," bati niya sa SCIU Chairman na si Tony Gonzalvo. "Hindi ko inaasahan ang pagbisita n'yo." Inanyayahan ni Douglas sa loob ang lalaki.
Nasa early fifties na nito si Tony Gonzalvo. Ito ang pangalawang chairman ng ahensya simula nang maitatag iyon.
"Gusto n'yo ba ng maiinom, Sir?" tanong ni Douglas nang makaupo sila sa couch.
Umiling si Tony. "No need. Nandito lang ako para kumustahin ka." Ngumiti ito. "Kumusta ang pagpasok sa SCIU? May mga napansin ka bang kakaiba?"
"Everything's normal when I first came. Naging abala kami sa iba't ibang serial killing cases at kung anu-ano pa."
Tumango-tango si Tony. "Hindi ba napapansin ng mga kasamahan mo ang tunay na dahilan ng pagpasok mo sa ahensya?"
"Sa ngayon hindi pa, pero siguradong hindi magtatagal ay malalaman nila kung sino talaga ako. Mahuhusay ang mga kasamahan ko sa team na binuo ni Morales," sagot ni Douglas.
Hindi siya isang simple at baguhang police officer lang. Ang totoo, matagal nang nakapag-training sa police force si Douglas. Bata pa lang siya ay nakilala niya na si Tony Gonzalvo na siyang tumulong para makapag-aral siya sa police force sa ibang bansa at makapasok sa iba't ibang trainings.
Si Tony ang nag-utos sa kanya na lumapit kay Director Antonio Morales para humingi ng tulong na pag-aralin siya kahit matagal nang nakatapos. Sa paraang iyon, magmumukhang baguhan pa lamang siya, magmumukhang walang kaalam-alam. Hindi rin magiging kaduda-duda ang pagpasok niya sa SCIU. Si Tony din ang gumawa ng paraan para mabura ang lahat ng records niya sa ibang bansa noon.
Kung bakit kinailangan niyang itago ang tunay na identity, ang tunay na kakayahan? Iyon ay dahil kailangan ni Tony ng mga susubaybay sa kilos ng mga taong nagtatrabaho sa SCIU. Alam niyang mayroon din itong inilagay na sumusubaybay naman sa mga nagtatrabaho sa NBI.
Tony Gonzalvo had been secretly investigating the Destroyer case. Iyon ang sinabi nitong dahilan kay Douglas bago siya ipinasok sa ganoong trabaho. At naniniwala si Gonzalvo na nasa loob lamang ng dalawang malaking ahensyang iyon ang serial killer na hinahanap.
Alam ni Douglas na mag-isa na lang sa buhay si Tony Gonzalvo. Ang asawa nito ay naging biktima noon ng Destroyer. Wala itong anak. Hindi na rin muling nag-asawa. Mahal na mahal siguro ng lalaki ang namatay na asawa kaya ganito na lang ang paghihirap para lang makahanap ng hustisya.
"Hindi ko kayo gustong idamay dito, Douglas," putol ni Tony sa takbo ng isipan niya. "Lahat kayo na mga pinili kong tulungan ay parang mga anak ko na." Napayuko ito. "Pero gusto ko siyang mahanap... ang taong pumatay sa asawa ko. Hindi ako titigil hangga't hindi napapagbayad ang demonyong iyon na kumuha sa nag-iisang babaeng nagmahal sa akin kahit alam niyang hindi ko siya mabibigyan ng anak."
"Hindi lang kayo ang nag-iimbestiga sa Destroyer," wika ni Douglas. "Sigurado ako na lihim na nag-iimbestiga rin ang mga kasama ko sa team na sina Ethan Maxwell, ang asawa niyang si Inspector Jemimah. Ganoon din ang profiler na si Mitchel Ramos. Ipinadala ko sa email niyo noon ang profiles nila. Aalamin ko kung hanggang saan na ang na-imbestigahan nila."
Tumango-tango si Tony. "Hindi tayo puwedeng magtiwala sa kanila kahit pareho lang ang misyon natin – ang mahanap ang Destroyer. Dahil hindi natin alam kung sino sa kanila ang mga nagpapanggap lamang."
"Kumusta ang NBI Headquarters?" tanong ni Douglas. "Wala bang makakatulong doon."
Nakita niya ang pag-igting ng mga bagang ni Tony. "Tahimik sila sa kaso ng Destroyer. Hindi ko alam kung nag-iimbestiga ba sila matapos nilang—" Napahawak sa batok ang lalaki. Ilang beses itong humugot ng malalim na hininga para kalmahin ang sarili.
Alam ni Douglas kung ano ang ikinagagalit ni Tony. Dating General ng Philippine Army si Tony Gonzales, katulad din ni Director Antonio Morales. Mas nauna nga lang itong nanilbihan sa Army. Umalis sa puwesto si Tony para magtrabaho sa NBI bilang Deputy Director Special Investigative Services noong namatay ang asawa pero inilipat na Chairman ng SCIU sa hindi malamang dahilan. Ang team ni Tony Gonzalvo noon ang may hawak ng Destroyer Serial Murder Case pero inalis dito para ipahawak sa mga mas nakatataas.
"Oo, malaking posisyon ang hawak ko sa SCIU," wika ni Tony. "Pero wala namang ginagawa ang posisyong iyon. Naghihintay lang ng reports. Ilang beses kong sinusubukang kunin ang kaso ng Destroyer sa NBI pero tuwing magkakaroon ng conference, tanging si Morales lang ang kumakampi sa akin. Hindi ako papayag na basta na lang mapatalsik sa kasong dapat ay sa akin."
"Huwag kayong mag-alala, Sir," ani Douglas sa seryosong tinig. "Gagawin ko ang lahat para magtagumpay ang misyon ko."
Tumingin sa kanya si Tony, mukhang nakahinga na naman ito ng maluwag. "Salamat, Douglas. Nagtitiwala ako sa kakayahan mo. At humihingi uli ako ng tawad. Isa kang asset ng SWAT sa States pero nandito ka at sinasayang ang kakayanan mo para sa isang pabor ng matandang katulad ko."
"Don't worry about that, Sir," sagot ni Douglas. "Desisyon ko ito at nage-enjoy naman ako."
Ilang sandali pa silang nag-usap ni Tony hanggang sa magpaalam na ito. Pagkaalis ng bisita, muling binalikan ni Douglas ang nililinis na sniper rifle.
Yes, he was indeed a SWAT agent in the US. Isa siya sa mga snipers. Eighteen years old siya nang pumasok sa police force ng Los Angeles. Pagkatapos niyon ay sunod-sunod na rin ang trainings na naranasan hanggang sa mapasama sa mga assets ng SWAT.
Douglas missed the action. Wala siyang ginagawa dito kundi ang magpanggap na walang alam, magpanggap na mahina. Pero unti-unti ay nage-enjoy naman siya sa ginagawa, nage-enjoy makisama sa team na kinabibilangan.
Hinaplos-haplos ni Douglas ang sniper rifle na nasa mesa. Destroyer. Masyado na siyang interesado sa serial killer na iyon para pakawalan ang misyong ito. Wala siyang pinagkakatiwalaang kahit na sino. Anyone could be a killer, a monster. Kasama na ang mga taong tumulong sa kanya.
Pumasok siya sa police force para makatulong sa mga taong nangangailangan, para makapagbigay ng hustisya sa deserving niyon. Hindi para sumunod sa mga utos. Pero ito ang kailangan niyang gawin para magtagumpay sa misyon, para hindi mapagdudahan.
Lumapit si Douglas sa cabinet na kinapapatungan ng .45 caliber gun. Ikinasa niya iyon bago ngumisi. Siya mismo ang tatapos sa kasamaan ng Destroyer na iyon.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Mystery / Thriller*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...