Heart
SINULYAPAN ni Heart ang maliit na orasang nakapatong sa bedside table ng kanyang kuwarto. Mahigit dalawang oras nang late sa usapan nila ang bagong lalaki na bibiktimahin ngayong gabi – Floyd Gonzales ang pangalan. Habang hindi pa sinasagot ni Samuel ang hiling niya, patuloy niyang ipapakita sa mga tao na hindi pa siya tapos.
Naiinis na napabuntong-hininga si Heart. Sinubukan niyang tawagan si Floyd subalit unattended na ang number nito. Galit na galit niyang ibinato ang cell phone sa sahig. Hindi ba siya sisiputin ng lalaking iyon? Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito sa kanya.
Tumayo siya at nagdesisyon na lamang na linisin ang kuwarto. Napatigil si Heart sa paglilinis nang makarinig ng pagkatok mula sa front door. Lumakad siya patungo sa pinto. Sisiguraduhin niyang maghihirap ang lalaking ito dahil sa paghihintay niya ng matagal. Subalit biglang tumalon ang puso ni Heart nang makita si Samuel, may dala itong isang paper bag ng isang kilalang restaurant.
Mabilis niyang hinila papasok ang lalaki. "Mabuti naman at naisipan mong dalawin na ako."
Inilapag ni Samuel ang paper bag sa malapit na mesita. "Nag-aalala ako sa'yo," anito. "Heart, hindi ko alam kung tamang—"
Hindi naituloy ng lalaki ang sinasabi nang maupo si Heart sa kandungan nito. "Huwag kang mag-alala, mananatili pa rin ako sa mundong ito. Mananatili pa rin ako sa tabi mo, Samuel. Sisiguraduhin ko 'yon."
Itinaas ni Samuel ang isang kamay para marahang haplusin ang mahabang buhok niya. "Napakaganda mo," anito sa magaspang na tinig.
Gumuhit ang isang ngiti sa mga labi ni Heart. Marami na ang nagsabi niyon sa kanya. Iyon ang dahilan kaya madali niyang nakukuha ang gusto. Ang kagandahang ito na lang ang mayroon siya.
Ipinasok ni Heart ang mga kamay sa loob ng polo na suot ni Samuel at pinaglandas iyon sa matipunong katawan nito. She missed him already. Hindi niya maitindihan kung bakit nagkakaganito dahil lamang sa lalaking ito. Pero wala na siyang pakialam. Her will to stay with this man was the reason she was getting stronger. Balang-araw, maaangkin niya na ang katawang ito. Hindi na maaagaw sa kanya ng mahinang babaeng iyon.
Namungay ang mga mata ni Samuel, hindi inaalis ang pagkakatitig sa mukha niya. "Do you want me, Heart?" tanong nito.
Inilipat ni Heart ang mga kamay sa mukha ng lalaki. "I do," tugon niya. "I want you so much."
"Or you want me because you need me?" sunod na tanong ni Samuel. "Kailangan mo ako para manatili ka sa mundong ito."
Natigilan si Heart. Mahabang sandaling nakatitig lamang siya sa binata. Oo, noong una, gusto niyang akitin si Samuel dahil kailangan ito. Isa itong psychiatrist at magagawa nitong patulugin o patayin ang orihinal na may-ari ng katawang ito. At siya, si Heart, na isang personalidad lamang ay mananatili na sa mundong ito habang-buhay.
Pero nag-iba na ngayon. Hindi lang dahil kailangan niya si Samuel para manatili sa mundong ito, gusto niya itong makasama habang buhay. Ang lalaki na ang dahilan kung bakit ayaw niya nang maglahong muli.
"Hindi, Samuel," tugon ni Heart, nakayuko na. "Gusto kong manatili sa mundong ito para makasama ka. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman kong ito. Isa lang akong personalidad, alam mo 'yon. Ginawa lang ako para makaiwas sa isang nakaraan. Ako ang nagdadala ng lahat ng sakit, galit at kalungkutan ng nakaraan ng babaeng iyon. Iyon lang ang mga damdaming ipinakilala niya sa akin. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit nakakaramdam ako ng mga hindi pamilyar na damdamin para sa'yo."
Mahabang sandaling katahimikan ang bumalot sa paligid. Nagulat na lang si Heart nang mahigpit siyang yakapin ni Samuel. Isinubsob ng lalaki ang mukha sa leeg niya.
BINABASA MO ANG
[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two Hearts
Misterio / Suspenso*Won 2016 PHR Novel of the Year 1st Runner-Up* Inspector Jemimah Remington wanted her team, the Cold Eyes team to be the best in SCIU. Kaya lang, hindi magkaisa ang kanilang samahan dahil dalawa sa miyembro ng team ay may gusto sa kanya. Ang isang p...