Chapter 38.1

1.2K 55 0
                                    

Jemimah Remington

NAKATAPAT ngayon sina Jemimah sa isang abandonadong bahay sa Nueva Ecija kung saan doon dating nakatira ang ama nina Lily at Jasmine. Madilim na ang paligid ng mga oras na iyon. Siya, si Ethan at Douglas lang ang nagtungo doon, sina Mitchel at Paul ay naiwan sa SCIU Headquarters.

Lumakad sila patungo sa pinto. Inabot ni Jemimah ang seradura pero agad na napatigil nang makitang bahagyang nakaawang na ang pinto. Napatingin siya kina Ethan at Douglas. Sabay-sabay silang nagbunot ng mga baril.

Pinatabi siya ni Ethan para ito ang unang pumasok sa loob ng bahay. Pinindot nito ang switch ng ilaw at agad na lumiwanag ang paligid.

Hindi inaasahan ni Jemimah na konektado pa rin sa kuryente ang bahay gayong mukhang abandonado na. Pumasok sila sa loob at naghiwa-hiwalay. Hindi ganoon kalaki ang bahay kaya agad ding nalibot.

Ibinaba ni Jemimah ang kamay na may hawak na baril nang muling masalubong si Ethan. "Walang tao pero mukhang may gumagamit pa rin sa bahay na 'to," aniya.

Sabay silang napatingin ni Ethan kay Douglas nang nagmamadali itong lumapit sa kanila. "M-may... may kailangan po kayong makita," humihingal na wika nito.

Mabilis silang sumunod kay Douglas palabas sa backdoor ng bahay. Dinala sila ng lalaki sa isang parte kung saan medyo nabungkal na ang lupa.

"N-naglalakad po ako dito kanina nang matalapid ako sa isang 'to." Itinutok ni Douglas ang dalang flashlight sa isang parte ng lupa.

Nagulat si Jemimah nang makita ang isang buto doon. Sigurado siyang buto iyon ng tao.

"Kaya binungkal ko po ang lupa dito at nakita nga ang mga butong ito," pagpapatuloy ni Douglas.

Inilipat ni Jemimah ang tingin sa nabungkal na lupa. There were human bones there as well. Lumuhod si Ethan para kunin ang dalawang bungo na naroroon.

"Matagal na siguro ang mga ito," ani Ethan. "Tawagan mo ang malapit na police department dito para magpa-dispatch ng back-up."

Agad namang sumunod si Jemimah. Ilang sandali lang naman ay naririnig na nila ang sirena ng mga police cars. Binigyan niya ng utos ang mga pulis na naroroon sa kung ano'ng gagawin sa mga butong nakita.

Pagkatapos ay naging abala na naman sila sa paghahanap pa ng maaaring lihim ng bahay na iyon. Pumasok si Jemimah sa loob ng isang kuwarto. Napatigil siya sa paghakbang nang mapansin ang isang handle sa sahig.

Tinanggal niya ang carpet na naroroon. She was shocked when she realized that the handle leads to a basement door. Tinawag niya sina Ethan at Douglas na agad namang nagpunta sa kinaroroonan.

Binuksan ni Jemimah ang trap door na iyon at isa-isa na silang bumaba sa basement. Napahawak siya sa ilong dahil sa masamang amoy na bumabalot sa silid. Kinapa niya ang dingding para hanapin ang switch ng ilaw.

Nang magliwanag ang paligid, ganoon na lang ang pagkagulat ni Jemimah nang tumambad sa kanila ang isang shelf na naglalaman ng mga garapon. Sa loob ng mga garapong iyon ay nakalagay ang puso ng tao.

"Jemimah," tawag sa kanya ni Ethan.

Tiningnan niya ang kinaroroonan ng lalaki at nakitang kaharap nito ang isang babaeng nagsusumiksik sa sulok. Nakasuot ang babae ng puting damit na hanggang tuhod ang haba, medyo madumi na nga lang. Kamukhang-kamukha ito ni Lily Martinez.

Humakbang siya palapit sa babae na punong-puno ng takot ang mukha. "Heart?" tanong niya, bago umiling. "J-Jasmine. Jasmine Cruz?"

Napaiyak na ng malakas ang babae. "T-tulungan n'yo ako," garalgal na wika nito. "T-tulungan n'yo ako."

Marahang lumuhod si Jemimah para pakatitigan si Jasmine. Mukhang ilang araw na itong hindi nakakaligo, hindi nakakakain. "Ssshhh... 'wag kang matakot," mahinahong wika niya. "Nandito kami para tulungan ka."

Nagulat si Jemimah nang lumapit sa kanya ang babae at niyakap siya ng mahigpit. "A-alisin n'yo na ako dito. A-ayoko na... a-ayoko na."

Tinapik-tapik niya ang likod ni Jasmine. Hinayaan niya lang itong umiyak ng umiyak. Napatingin siya kay Ethan nang hawakan nito ang babae para mailayo sa kanya.

"Kailangan mo nang sumama sa amin, Ms. Cruz," anito. "Dadalhin ka namin sa headquarters para doon magpaliwanag."

Hindi na naman napigilan ni Jemimah ang mga pulis na nagposas kay Jasmine at inilabas ito ng basement. She didn't know why her heart was breaking at the sight of the woman. Parang hindi ito isang kriminal na gumawa ng kasamaan sa maraming lalaki.

[Completed] Cold Eyes Saga 2: One Heart, Two HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon