NAKANGITING pinagmamasdan ni Veronica ang batang lalaking nagdidilig ng mga halaman sa kanyang hardin. Manaka-naka ay naririnig niya itong umaawit at kinakausap ang kanyang mga tanim. Kapansin-pansing nasa tono ang bata at maganda ang boses. Ilang araw na niyang napupunang ito na ang nagdidilig ng kanyang mga halaman. Gayunman, ngayon lang niya ito lubusang napagtuunan ng pansin.
Noong nakaraang araw, sadyang nanatiling nakamasid si Veronica nang marinig na kinakausap ng bata ang mga tanim niya kasabay ng pag-awit. Akala niya noon, may kung sino lang itong kinakausap. Hindi pa ito pumalya sa pagdidilig ng kanyang mga halaman sa nakalipas na mga araw mula nang magsimula ang bakasyon sa paaralan.
Si Veronica naman ay nanatiling nakapanungaw sa bintanang nakukurtinahan kaya siguro hindi rin siya napapansin ng bata. Anak siguro ito ng isa sa mga tauhan ng hacienda at dahil bakasyon ay naroroon at nagdidilig.
Natutuwa siya rito dahil kung ibang bata iyon, paglalaro ang inaatupag. Nang matapos ang bata sa pagdidilig at mailigpit ang hose na ginamit, lumabas si Veronica sa balkonahe at tinawag ito.
"Naimbag a bigat kanya yo," nakangiting pagbati ng bata ng magandang umaga.
"Anya ti nagan mo balong?" tanong niya sa pangalan nito nang makalapit.
"Felipe po."
Ngumiti si Veronica at tinanong ang edad nito. "Manu ti tawen mon?"
"Walo po."
Ngumiti siya. "Aba, mahusay kang mag-Ilokano!"
Humagikgik si Felipe. "Ang totoo, iyon lang po ang mga alam ko. Nagsasanay pa lang po ako. Tinuturuan ako ni Tatang Ben."
Tumango si Veronica. Hindi taal na taga-Ilocos ang mag-asawang Ben at May ayon sa kuwento ng mga ito. Siguro doon na lang din natutong mag-Ilokano. "Halika, maupo ka rito." Marahan niyang tinapik ang upuang kahoy sa kanyang tabi. "Hindi ba ikaw 'yong batang kasama ni May noong isang araw?" Ngayon lang niya nakita nang malapitan ang bata kaya sinamantala na niyang makakuwentuhan ito.
Tumango si Felipe. "Si Inang May po ba na asawa ni Tatang Ben? Ako nga po."
Nakaramdam ng bahagyang paninibugho si Veronica sa isiping sa kabila ng katandaan ay may anak ang mag-asawa kahit isa. Samantalang siya ay nangangambang baka hindi pa niya maisilang ang bata sa sinapupunan dahil sa maselang kalagayan. Marahan niyang hinaplos ang tiyan, kasabay niyon ay ang mahabang buntong-hininga.
"Bakit mo kinakausap at kinakantahan ang mga halaman?" tanong ni Veronica at sandaling napatitig sa magagandang mga mata ng bata.
Tila nahiyang yumuko si Felipe. Nagkamot muna ito ng ulo bago sumagot. "Ang sabi po kasi ng guro namin, maganda raw na kinakausap ang mga halaman. Minsan naman ay kakantahan para mabilis daw tumubo."
Tumango-tango si Veronica. "At naniniwala ka roon?"
Nagkibit ng mga balikat ang bata. "Posible po. May buhay po ang mga halaman, eh."
"Mukhang mahilig ka sa halaman, ah."
"Opo. Paglaki ko, gusto kong maging gaya ni Tatang Ben."
Nagsalubong ang mga kilay ni Veronica. "Magsasaka? Gusto mong lumaking isang magsasaka?"
Buong kumpiyansang tumango si Felipe. "Gusto ko pong nagtatanim. May tanim nga po akong kalamansi do'n sa dampa namin nina Inang May. Tumutubo na nga po, eh! Inaabangan kong mamulaklak!"
Mahinang tumawa si Veronica sa excitement sa boses ng bata. "Mahusay," sabi niya at marahang hinimas ang kanyang tiyan.
Nahiling niya na sana ay maging kagaya ng batang ito ang kanyang magiging anak na mahilig sa halaman at sa pagtatanim para naman may mamahala sa mga tubuhan at maisan nila ni Artemio.
BINABASA MO ANG
The Farmer And The Heiress
RomanceElleana Syquia lives the life every girl envies and dreams about. Dugong-bughaw na lang ang kulang, papasa na siyang maharlika. She was born and raised in London. Pag-aari ng mga magulang niya ang pinakamalaking plantasyon ng mais at tubo sa Ilocos...