MARAHAN at maingat ang mga hakbang ni Felipe habang papalapit sa puntod ni Doña Veronica. Bitbit ang kanyang diploma, pinagmasdan niya ang lapida at binasa ang pangalang nakaukit doon. Isang bagay na hinding-hindi niya pagsasawaang basahin. Halos tatlong taon na ang nakalilipas mula nang mamatay ang Doña. Pero para sa kanya ay tila bagong sugat pa rin iyon sa kanyang puso.
"Paano kita mapapasalamatan? Paano kita mayayakap? Gusto kitang hagkan at sabihin ang aking buong pasasalamat sa 'yo," mahinang sambit ni Felipe, pilit na pinipigilan ang pagbagsak ng namumuong luha sa gilid ng mga mata.
Nakapagtapos siya ng senior high school dahil kay Doña Veronica—ang babaeng hindi nagdalawang-isip na tulungan siya; ang babaeng nakakita ng halaga niya sa kabila noong paslit pa lang siya. Ipinangako ni Felipe sa sariling magtatapos siya. Hindi lang basta para makatapos kundi pagbubutihin niya ang kanyang pag-aaral. Gusto niyang suklian ang kabaitang ibinigay ng Doña. Kung hindi man sa materyal na bagay ay sa pamamagitan ng pag-aaral nang mabuti at hindi pagsasayang sa ibinigay nitong pagkakataon na magkaroon siya ng magandang edukasyon.
Napakurap si Felipe nang mapansin ang isang bungkos ng bulaklak sa ibabaw ng puntod. Mamasa-masa pa iyon at mukhang kalalagay lang. Inilibot niya ang tingin sa kabuuan ng lugar at baka sakaling makita ang sinumang naglagay ng bulaklak. Imposibleng si Don Artemio ang may gawa niyon dahil wala namang balita na umuwi ito sa kanila.
Dinampot ni Felipe ang bulaklak. Hindi iyon basta simpleng bungkos ng bulaklak. Minsan na niyang nakita iyon sa kuwarto ni Doña Veronica, sa isang painting na nakasabit sa dingding. Hindi niya maalala kung kaninong pangalan ang nakasulat sa dulong kanan ng painting.
"Mukhang may nakaalala sa inyo, Doña Veronica," sabi ni Felipe sa sarili. Muli niyang ibinalik ang bungkos sa ibabaw ng puntod. "Sana'y naroroon ka sa aking pagtatapos. Malamang nahapo ka na sa kapapanhik-panaog sa pagsasabit ng aking mga medalya." Suminghot si Felipe para huwag tuluyang dumaloy ang mga luha. Ngunit sadyang hindi niya napigilan. Hinubad niya ang mga medalya at inilapag sa ibabaw ng puntod.
Iniluhod ni Felipe ang isang tuhod sa lupa at muling tinitigan ang pangalang nakaukit sa lapida. Hinding-hindi niya ito malilimutan. Nakaukit na sa kanyang puso si Doña Veronica—sinlalim ng pagkakaukit ng pangalan nito sa puntod.
"Kung ang bawat medalyang ito ay katumbas ng iyong buhay, aabutin ko ang lahat ng puwedeng igawad sa akin para lang bumalik ka, Doña Veronica."
Ilang minuto pa ang lumipas bago tumayo si Felipe at nagsimulang maglakad pabalik sa kanilang bahay. Habang tinatahak ang daan pabalik, nahagip ng kanyang mga mata ang isang lalaki na nagmamadaling naglakad palayo sa lugar na iyon. Hindi niya maipaliwanag ang biglang pag-ahon ng kaba sa kanyang dibdib. Posible namang isa iyon sa mga caretaker ng sementeryo. Pero bakit parang iba ang kutob niya?
Muli niyang nilingon ang puntod ni Doña Veronica.
"May dahilan ba kung bakit dito sa Ilocos mo piniling mahimlay?" tanong ni Felipe na hindi na mabibigyan ng kasagutan kailanman.
MULA sa malayo ay nakatanaw si Miguel sa puntod ni Veronica. Makailang beses niyang ipinipikit ang mga mata para lang maawat ang mga luhang gustong-gusto nang bumagsak. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nagmamaliw ang sakit na nararamdaman niya. Marami siyang nagawa at napagdesisyunan na hanggang ngayon ay pinagsisisihan pa rin niya. Kung kaya lang niyang ibalik ang oras upang muling maituwid ang mga pagkakamaling iyon ay ginawa na niya.
Pero huli na ang lahat para doon. Wala na ang babaeng una at huling minahal ni Miguel. Ang mga luhang kanina pa pinipigil ay tuluyan nang naglandas sa kanyang mga pisngi habang unti-unting bumalik ang mga alaala na tila kahapon lang nangyari...
BINABASA MO ANG
The Farmer And The Heiress
RomanceElleana Syquia lives the life every girl envies and dreams about. Dugong-bughaw na lang ang kulang, papasa na siyang maharlika. She was born and raised in London. Pag-aari ng mga magulang niya ang pinakamalaking plantasyon ng mais at tubo sa Ilocos...