"SEÑORITA Elleana?"
Nilingon ni Elleana ang pinanggalingan ng tinig. "Yes?" aniya na hinagod ng tingin ang kabuuan ng may-edad nang babae sa kanyang harap na marahil ay nasa singkuwenta pataas. Nakapusod ang buhok nito at may hawak na sombrero.
"Ako po si Mrs. Abella. Ako po ang naatasang sumundo sa inyo."
Kinuha niyang muli ang cell phone at tinawagan ang ama. "Dad, there's a woman here claiming she's the one who's going to bring me to hacienda. Her name is Mrs. Abella."
"Yes, hija. Kaibigan namin siya ng mummy mo. Sumama ka sa kanya at dadalhin ka niya sa hacienda."
"Talk to her to be safe. I don't want to be taken," sabi niya sa ama at iniabot sa babae ang cell phone.
"H-hello, Don Artemio?... Opo... Sige po," wika ng babae. Ilang minuto pa itong nakipag-usap sa don bago ibinalik kay Elleana ang cell phone.
"Be nice to her, hija. Mabait na tao si Mrs. Abella," sabi ng daddy niya mula sa kabilang linya.
"'Kay, Dad," walang kabuhay-buhay niyang tugon. "Cheerio," paalam niya sa ama at ipinasok ang cell phone sa bag.
Kinuha ng matandang babae ang dala niyang bagahe. "Ako na ho ang magdadala nire."
Tumango si Elleana at sinundan ang babae nang magsimula itong maglakad. Huminto ito sa isang red pickup.
"Dito po tayo sasakay, Señorita Elleana," nakangiting wika ng babae.
"You can call me 'Elle' or 'Ellie.' Only my dad calls me 'Elleana' and that is if he's angry."
Sandaling natahimik si Mrs. Abella. Tila ba inulit nito sa isip ang mga sinabi ni Elleana, bago tumango na lang. "Ah, sige po."
Hinagod ng tingin ni Elleana ang sasakyang tinutukoy ng babae. Kumurap siya at muling hinangod ng tingin ang pulang pickup. She grimaced. Inaasahan niya na isang kotse o van ang maghahatid sa kanila. Pero sa halip, isang kinakalawang na pulang pickup ang nakikita niya. May palagay siyang isang sagi o lubak lang sa daan ay mahahati na ang pickup sa limang piraso.
"I was expecting a car, not a piece of rusty can," she mumbled.
"Ano ho 'yon?" tanong ni Mrs. Abella.
She rolled her eyes. Naalala niya ang bilin ng kanyang ama na huwag mag-Ingles. "Wala po bang ibang masasakyan? A car... I mean kotse."
Napakamot ng ulo ang babae. "Pasensiya na ho, Señorita. Ito lang kasi ang dala kong sasakyan."
Sinilip ni Elleana ang loob ng sasakyan. Wala namang driver na nakaupo roon. "Who's—Sino ang nag-drive?"
"Ako po," sabi ng babae. "Pero parating na ho si Felipe. Siya na po ang magmamaneho. Mas mabilis po tayong makakarating kapag siya ang nagmaneho."
Hindi naitago ni Elleana ang bahagyang paghanga sa sinabi ng babae na ito ang nagmaneho ng pickup. Hindi lang basta simpleng pickup iyon kundi farm pickup truck. May hawig sa farm pickup sa movie na Superman. Still, she did not want to be in that pickup.
"I'll call my dad," sabi ni Elleana, kinuha uli ang cell phone at tinawagan ang ama. Hindi siya papayag na sasakay sa kalawanging latang ito! Malay niya, baka matetano pa siya.
"INANG! Natutuwa akong makita kayong muli." Mula sa likuran ay niyakap ni Felipe ang kanyang Inang May.
Marahan nitong tinapik-tapik ang kanyang braso na nakayakap sa leeg nito. "Batang 'to, o. Pagkalaki-laki mong damulag, kung makayakap ka, akala mo bata."
Ngumisi si Felipe at pinisil ang magkabilang pisngi ni Inang. "Hindi ka na nasanay sa pinakapaborito mong anak na guwapo at simpatiko!" Napalingon siya sa pickup. "Uy! Gumagana pa pala ire," sabi niya at tinapik ang hood ng sasakyan.
Tinapik ni Inang May ang kanyang braso. "Magtigil ka nga. Ikaw lang naman ang anak namin ng tatang mo!" Nilingon nito ang pickup. "Akala ko nga'y ititirik ako sa daan kanina. Kinabahan ako. Akala ko ay hindi ka na darating."
"Tinawagan ko lang sandali si Carlos at may mga inihabilin ako."
Tumikhim si Elleana. "Excuse me—" Napasinghap siya nang makita ang lalaking kausap ng matandang babae. Umangat ang isang kilay niya nang makita ang mukha ng lalaki. Hinubad niya ang suot na shades at ipinaramdam dito nang buo ang inis niya. "You?!"
Si Felipe ay namangha rin pagkakita kay Elleana. Nagliwanag ang kanyang mukha at ngumiti sa babae. "Uy! Aba, akalain mong magkikita uli tayo, Binibini." Nilingon niya si Inang May. "Magkakilala kayo?"
Tinapik siya ng kanyang inang. "Siya si Señorita Elleana—Elle. Anak siya ni Don Syquia."
Sandaling tila ba huminto ang oras sa sinabing iyon ni Inang May. Humakbang si Felipe palapit sa nakairap pa ring si Elleana. Hindi niya maitago ang magkasamang tuwa at pagkabigla sa narinig. Gusto niyang tumawa nang malakas at humiyaw sa galak. He settled with grinning, saka inilahad ang kamay. "Kay tagal kitang hinintay, Ilana." Tiningnan niya si Elleana mula ulo hanggang paa. "Para kang idinapa sa mama mo."
Tama ang hinala kanina ni Felipe. Unang pagkakita pa lang niya sa babae, mukha na ni Doña Veronica ang nasa isip niya. Walang ipinagkalayo ang mukha ni Elleana sa mama nito, maliban lang marahil sa kulay ng balat. Nagniningning sa kaputian si Elleana habang ang mama nito ay kayumanggi ang balat, marahil dahil na rin sa pagtatrabaho sa bukid.
Gustong hagkan ni Felipe si Elleana sa pagnanais na maramdamang nahagkan na rin niya si Doña Veronica. Ang kasabikan at pangungulila sa Doña, kailanman ay hindi na magmamaliw sa kanyang puso.
If Elleana were good in reading faces, she would see happiness or divine contentment on his face as he gazed at her. His coffee brown eyes sparkled brilliantly. Hindi naawat ni Elleana ang sarili na maapektuhan sa mga titig ng lalaki. Hindi niya maipaliwanag kung bakit dumadagundong ang kanyang dibdib tuwing tinititigan siya nito. Ngunit hindi niya gustong panatilihin sa sarili ang ganoong reaksiyon.
Agad na umismid si Elleana sa lalaki, pagkatapos ay ibinaling ang atensiyon sa ibang direksiyon. Hindi siya makapaniwalang makakaharap niyang muli ang antipatikong ito. Humalukipkip siya at hindi pinansin ang kamay ng lalaki.
"Hindi ba kaugalian sa lupaing kinalakhan mo ang pakikipagkamay, Ilana?" He captured her eyes with his.
Matagal bago rumehistro sa isip ni Elleana ang sinabi ng lalaki. Marunong naman siyang mag-Filipino at nakakaintindi, pero bakit parang hindi niya agad naiintindihan ang mga salita ng lalaking ito?
"Elleana not Ilana!" she snapped.
"Ah, Señorita Elle, siya si Felipe. Pagpasensiyahan mo na at sadyang makulit 'yan. Siya ang magmamaneho para sa atin," nababaghang putol ni Inang May sa usapan nila.
Felipe.
Pakiramdam ni Elleana, biglang may kung ano siyang naalala sa pangalang iyon. Like something settled inside her. His name sounded familiar. Nagkibit-balikat siya. Marahil ay dati niyang kasamahan sa pagmomodelo. Pangkaraniwan naman nang pangalan iyon. She reluctantly reached his hand and shook it.
Hinagod ni Elleana ng tingin ang lalaki. Matangkad ito at kung hindi siya naka-heels ay hanggang balikat lang siya nito. Naka-faded jeans at simpleng black T-shirt. Nang mapadako ang tingin niya sa mga paa ni Felipe, nakatsinelas lang ito na leather. Umangat ang kilay niya. Malinis ang mga kuko nito sa paa at de-klaseng tsinelas ang suot.
Umangat ang paningin ni Elleana sa mukha ng lalaki. Ngayon lang niya napansin na nakapusod ang buhok nito. Man bun kung tawagin at iilang lalaki lang ang talagang binabagayan. Isa na ang lalaking ito. Oo at maputi ang mga ngipin nito, pero bakit ba ito laging nakangiti?
"Pumasa ba ako sa iyong maingat na pagsusuri, Sweetheart?" tanong ni Felipe na maluwang ang pagkakangiti.
Naniningkit ang mga matang binawi ni Elleana ang kamay nito. "You're too full of yourself if you think I was ogling you, Mister. And I'm not your sweetheart!" she hissed.
Ngumisi si Felipe. "'Yon, o! Nosebleed!" Inabot niya ang bagahe ni Elleana at isinakay iyon sa pickup. "Tara na't humayo, mahal na prinsesang Inglesera."
BINABASA MO ANG
The Farmer And The Heiress
RomanceElleana Syquia lives the life every girl envies and dreams about. Dugong-bughaw na lang ang kulang, papasa na siyang maharlika. She was born and raised in London. Pag-aari ng mga magulang niya ang pinakamalaking plantasyon ng mais at tubo sa Ilocos...