TAHIMIK na nakamasid si Felipe sa batang babae na sa tantiya niya ay mag-aanim na taong gulang na namimitas ng mga bulaklak sa hardin ng bahay-hacienda. Kahapon ng hapon pagkagaling sa escuela sa bayan, natanaw na niya ang bata na naglalaro sa veranda na may duyang rattan. Pero sobra ang pagod niya sa mahabang biyahe at siksikang jeepney na hanggang bubong ay may pasahero para pag-ukulan ito ng pansin.
Hindi birong sakripisyo ang ginagawa ni Felipe para lang magparoo't parito sa bayan at makapag-aral. Sa mga batang tumanggap ng educational trust fund mula sa mag-asawang Don Artemio at Doña Veronica, siya na lang ang nagpatuloy sa pag-aaral sa bayan. Halos hindi nakatapos ng unang taon sa mataas na paaralan ang mga kasama niya dahil nga sa mahabang biyahe sa umaga patungo roon at ganoon din sa hapon.
Hindi gustong sumuko ni Felipe. Isa pa, binawasan ng kanyang tatang at inang ang trabaho niya sa bahay nila. Kahit ang mga ito ay nagnanais na makapagtapos siya. Walang imposible kung pagsisikapan niya ang pag-aaral. Pagdating nga niya sa hapon, magsasaing at kakain na lang siya, pagkatapos ay matutulog na, kung hindi man mag-aaral ng leksiyon.
Kapag nakikita nina Tatang Ben at Inang May na nasa isang sulok siya ng kubo at nag-aaral ay hindi na siya pinapansin. Hindi na rin siya ginigising kapag tulog na dahil sa nakahahapong biyahe.
Pagdating ni Felipe kahapon ng hapon, inako niya ang pagluluto dahil Sabado naman kinabukasan at walang pasok. Tinanong niya kay Inang May ang tungkol sa batang babaeng natanaw niya sa malaking bahay. Ang sabi ng Inang, anak iyon ng mag-asawang Don Artemio at Doña Veronica na kasalukuyang nasa Kapitolyo dahil nasa ospital ang Doña.
Pinakatitigan ni Felipe ang batang babae. Napangiti siya. Ito na siguro ang batang nasa sinapupunan ni Doña Veronica noong araw na umalis ito papunta sa ibang bansa. Kulot ang buhok ng bata na parang bolang tumatalbog tuwing tumatakbo ito. Nabalitaan niyang dumating ang mag-asawa may ilang araw na ang nakalilipas.
Gusto sanang dalawin ni Felipe ang mga ito pero nahihiya siya. Lalo na si Doña Veronica. Pero sa tuwing nanaisin ay nauunahan siya ng kaba. May pag-aalinlangan sa kanyang isip na baka hindi na siya nito naaalala bagaman patuloy siyang nakakapag-aral dahil sa Doña.
Muling itinuon ni Felipe ang mga mata sa bata. Ayon sa mga trabahador ng hacienda, hindi raw ito marunong magsalita ng Tagalog. Laki ba naman sa ibang bansa, malamang na ganoon nga. Pero sana, tinuruan man lang ito ng mag-asawa na mag-Tagalog o magsalita kaya ng Ilokano.
Isang pilyong ngiti ang sumilay sa mga labi ni Felipe. Tinanggal niya ang sombrero at isinabit sa isang mababang halaman. Naglakad siya palapit sa bata. Marahan niyang tinapik ang balikat nito.
Nang lumingon ang bata, hindi agad siya nakapagsalita. Para siyang nakakita ng isang batang artista. Maganda ang mga mata nito—bilugan at may mahahabang pilik.
"What?" tanong ng bata na magkasalubong ang mga kilay. "Who are you?"
Ngumiti si Felipe. Ngayon lang yata siya nakarinig ng ganoong tono ng salitang Ingles. Parang napipilipit ang salita. "Ano ang pangalan mo?"
Umangat ang isang kilay ng bata at tinitigan siya mula ulo hanggang paa, pagkatapos ay muling ipinagpatuloy ang ginagawang pamimitas ng mga bulaklak.
"Hindi yata ako naintindihan," wika ni Felipe sa sarili. Napakamot siya ng ulo at inisip ang salin sa Ingles ng itinanong niya kanina. Marunong naman siyang magsalita ng Ingles at nakakaintindi rin. Muli niyang kinalabit ang bata. "What's your name?" tanong uli niya.
Humarap ito sa kanya at namaywang. "I'm Elleana and I don't talk to strangers!"
Gustong matawa ni Felipe sa batang kaharap. Para sa isang maliit na bata, akala mo ay matanda na kung makapagtaray. "Elleana... Ilana..." pag-uulit niya. Nakaramdam siya ng kasiyahan sa kaalamang iyon nga ang ipinangalan ng Doña sa anak. "Nakikipag-usap ka na sa akin. At hindi naman ako... stranger," sabi niya at in-Ingles ang sinabi. "I'm not a stranger. I live around here—"
BINABASA MO ANG
The Farmer And The Heiress
RomanceElleana Syquia lives the life every girl envies and dreams about. Dugong-bughaw na lang ang kulang, papasa na siyang maharlika. She was born and raised in London. Pag-aari ng mga magulang niya ang pinakamalaking plantasyon ng mais at tubo sa Ilocos...