CHAPTER EIGHTEEN

34.2K 938 106
                                        


NILAPITAN ni Felipe si Inang May na kasalukuyang naghuhugas ng pinagkainan nila. Iniwan niya si Elleana at ang boyfriend nito sa may veranda. Dinampot niya ang isang plato at pinunasan iyon.

"Silahis 'yong Niccolo, Inang."

Siniko siya ng Inang niya at tinapunan ng masamang tingin. "Ikaw bata ka, kung ano-ano ang mga sinasabi mo sa kasintahan ni Elleana. Napakaguwapo ni Niccolo para mapagkamalan mong silahis!"

"Pihong silahis 'yon! Hindi mo ba nakikita kung paano ako titigan? Mas malagkit pa sa ginagawa mong biko at sapin-sapin!" Inilapag ni Felipe ang platong napunasan, muling kumuha ng isa pa at ipinagpatuloy ang pagpunas.

Natawa si Inang May sa sinabi niya ngunit agad ding nagsalita na may kasamang sermon. "Tumigil ka, Pepe! Tigilan mo ang kasintahan ni Señorita Elleana. Kung hindi ko pa alam, nagseselos ka lang."

He snorted. "Ako, maninibugho? Masyado akong guwapo para manibugho!" puno ng kumpiyansa sa sariling sagot ni Felipe.

"Kilala kita, Felipe! Bata ka pa lang, gusto mo nang pakasalan ang anak ng Don!"

Umiling si Felipe. "Inang, inaasar ko lang si Elleana noon. Napakataray kasi, akala mo kung sino. Kulot naman."

"Hanggang kailan ba si Niccolo rito?" pag-iiba ni Inang sa usapan.

"Narinig ko kanina na hindi rin ito mananatili nang matagal. Uuwi rin sa makalawa."

Napailing si Inang May. "Ang mayayaman nga naman. Kayang maglustay ng salapi kahit kailan nila maibigan."

Hindi kumibo si Felipe. Bakit nga ba sinundan ng Niccolo na iyon si Elleana? Kanina habang kumakain sila, bukambibig ni Niccolo ang hacienda. Puro papuri ang naririnig niya. Ano ang alam nito sa mga pag-aari ni Elleana? Kitang-kita niya sa mukha ng Niccolo na iyon ang kakaibang interes sa hacienda.

Inilapag niya ang kitchen towel at nagpaalam sa Inang niya.

"Huwag mong asarin ang Señorita, Pepe. Nakakahiya sa mga bisita natin," pahabol na wika nito.

Pagdaan ni Felipe sa hallway, napansin niyang bukas ang silid ni Elleana. Dahan-dahan siyang humakbang palapit doon. Hindi naman niya ugaling makinig sa usapan nang may usapan ngunit sa pagkakataong iyon, hindi talaga maganda ang kutob niya sa kasintahan ni Elleana na mapagpanggap—sa kasarian at intensiyon!

Nagsalubong ang kanyang mga kilay, kasabay ng pagtiim ng mga bagang nang marinig na inaalok ng kasal si Elleana ng kasintahan nito. Lalong nagdikit ang kanyang mga kilay nang tila pumapayag naman si Elleana sa mga pinagsasabi ng Niccolo na iyon. Hindi man lang ba ito nag-iisip na baka nanloloko lang ang lalaki? Baka ang habol lang ay ang mamanahin ni Elleana.

Akmang hahawakan na ni Felipe ang doorknob para awatin si Elleana, ngunit siya rin ang umawat sa sarili.

"He's one of dad's farmers here."

Sino nga ba siyang hamak na magsasaka at pinakikialaman si Elleana sa kung ano ang gusto nitong gawin sa buhay? He sighed. Nilisan niya ang kinatatayuan at lumabas ng mansiyon.

DALAWANG linggo na ang ginugol ni Felipe sa pagtatrabaho sa tubuhan at maisan. Sa loob ng dalawang linggong iyon, dalawang beses na niyang nakita ang mga bisita ni Elleana na palakad-lakad sa malawak na tubuhan at maisan na animo'y ang mga ito ang may-ari.

Tinanggal ni Felipe ang sombrero at naglakad papunta sa dalawang lalaki. Hindi niya mapigil ang mapailing dahil mas malimit pa niyang makitang magkasama si Niccolo at ang bodyguard kaysa kay Elleana. Binati niya ang dalawa nang makalapit siya. Hindi nakaligtas sa kanya ang kakaibang tingin ng kasintahan ni Elleana.

The Farmer And The HeiressMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon