HALOS isang oras na rin nilang binabagtas ang daan papuntang bahay-hacienda. Isang may-kalaparang daan iyon na may mga tanim na mais sa magkabilang gilid ng daan.
Tinanaw ni Felipe ang kalangitan. Madilim na ang langit at nagbabadya ang ulan. Kailangan na niyang magmadali dahil nagpuputik ang daan tuwing bubuhos ang ulan. At diskumpiyado siya sa kakayahan ng sasakyang minamaneho kapag nangyari iyon.
Nilingon niya si Elleana. Kasalukuyan itong nakatanaw sa mga mais na nakatanim sa malawak na lupain.
"Ang mga mais na 'yan ay pag-aari ng iyong ama, gayon din ang mga tubo sa banda roon," wika niya.
Hindi siya nilingon ni Elleana.
Napangiti si Felipe at napailing, torn between amusement and irritation. Mukhang hindi pa nagmamaliw ang galit ng prinsesa ng unos. Hindi na siya magtataka kung ito ang nagpadala ng parating na sama ng panahon. Hindi naman niya maipaliwanag kung bakit aliw na aliw siyang panoorin na nagagalit si Elleana. Lalo na kapag nagsasalubong ang mga kilay nito sa mga sinasabi niya. Kahit sa kabila ng galit na galit na ito ay poised pa rin. Maliban na lang sa pagtinis ng boses kapag galit at ang paglalim ng punto na litaw na litaw ang pagka-Briton.
Ipinagpatuloy ni Felipe ang pagmamaneho hanggang sa tuluyan nang pumatak ang ulan. Ilang sandali pa, tuluyan nang bumuhos ang napakalakas na ulan at noon lang natinag si Elleana.
Nilingon siya ng dalaga. "Are we there yet?"
Umiling siya. "Malayo pa."
"But you told me those cornfields are ours. The mansion should be somewhere near by now."
Muli ay isang iling ang itinugon ni Felipe. "Ang bahay-hacienda ay mga isang oras pa mula rito. Ang mga natatanaw mong 'yan ay taniman lang. Ang bahay-hacienda ay nandoon pa sa likod ng bundok na 'yon." Itinuro niya ang bundok na natatanaw nila sa harapan.
Umungol si Elleana at tinanaw ang malakas na ulan. "This is awful. Could you drive a bit faster?"
"Mahal na señorita, pickup itong minamaneho ko at hindi bullet train. Kanina, gusto mong bagalan ko. Ngayon nama'y pinagmamadali mo ako. Labo mo naman, ha." Pagkasabi niyon ay biglang namatay ang sasakyan. Pinihit ni Felipe ang susi sa ignition ngunit hindi umandar ang sasakyan. "May balat ka ba sa puwit?" nakangiting tanong niya kay Elleana.
Ngunit hindi siya narinig ni Elleana. Abala ito sa frantic na pagmuwestra sa dashboard. "I told you this is a worthless piece of junk! Now what?" She tossed her head and gave an irritable tug at her top.
Itinaas ni Felipe ang kamay sa harap ni Elleana nang makita niyang maghihisterya na naman ito. "Kumalma ka at huwag kang maghisterya. Pakiwari ko ba'y may pinapalong lata sa tapat ng tainga ko."
Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Elleana at pilit na iniintindi ang mga narinig, pagkatapos ay napalitan ng iritasyon ang mukha. "Why wouldn't I be hysterical? We are in the middle of nowhere in this junk. And you're asking me to... to... kumalma?" galit na bulalas nito na may kasamang paniningkit ng mga mata.
Isang nakalolokong ngiti lang ang itinugon ni Felipe, pagkatapos ay muling sinubukang paandarin ang sasakyan ngunit tuluyang namatay ang makina. Binuksan niya ang pinto at lumabas para tingnan ang makina.
Pabalyang muling sumandal si Elleana sa upuan. "Why am I stuck with this... ugh!" mahinang wika nito. "And why am I here in the first place! Oh, Daddy!" Ibinuhos niya ang kaninang pinipigil na inis—sa sitwasyon at sa lalaking antipatiko na kanina pa siya iniirita.
"Mukhang hindi na aandar ang sasakyan ni Superman," wika ni Felipe nang makabalik sa loob ng sasakyan na basang-basa.
Nagliwanag ang mukha ni Elleana nang marinig ang salitang Superman. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon siya ng interes sa mga salitang lumabas sa bibig ng lalaking ito. "What did you say?"
BINABASA MO ANG
The Farmer And The Heiress
RomanceElleana Syquia lives the life every girl envies and dreams about. Dugong-bughaw na lang ang kulang, papasa na siyang maharlika. She was born and raised in London. Pag-aari ng mga magulang niya ang pinakamalaking plantasyon ng mais at tubo sa Ilocos...