1

30.3K 920 240
                                    

SERENITY ARACELI'S

Niyakap ko ang aking sarili dahil sa lamig ng hangin na tumatama sa aking katawan. Makulimlim ang kalangitan at rinig ko rin ang malakas na dagundong ng kulog. Kanina ay mataas pa ang tirik ng araw, pero ngayon ay nagbabadya nang bumuhos ang ulan.

Muli kong naramdaman ang malamig na hangin kaya mas lalo akong napayakap sa sarili kong katawan. Kasabay ng paghangin ay ang tuluyan na pagbagsak ng malakas na ulan sa lupa kasabay ang pagkidlat nang malakas.

Mabuti na lang ay may malaking trapal kaya hindi kami nababasa ng ulan. Kahit rinig ko ang buhos ng ulan ay mas nangingibabaw sa akin ang ingay na naririnig ko galing sa mga taong narito at nagluluksa.

Rinig ko ang iyakan ng mga taong nakapaligid sa 'kin. Ang iyak nila na may halong hinagpis at hindi matanggap ang pangyayari.

'Yung puso ko ay parang tinutusok. Halos mawalan ako ng lakas dahil sa pagbalik ko sa bansang kinalakihan ko ay naabutan ko na lang na nakahiga na ang pinakamamahal kong lolo sa kanyang kabaong.

Ang sakit, sobrang sakit!

His death is the most painful for me. Hindi ko matanggap ang nangyari sa Lolo Armagon ko. Ang lolo ko na palaging nagtatanggol sa akin. Ang lolo ko na laging nariyan para sa akin. Ang lolo ko na mahal na mahal ko at lagi akong dinadamayan sa mga problema ko.

Hindi pa rin matanggap ng buong sistema ko na wala na siya. Na tuluyan na siyang lumisan at hindi na babalik kailanman.

Mariin akong napapikit, naninikip ang aking dibdib. Kasabay niyon ay ang pagtulo na naman ng aking luha. Lagi na lang akong umiiyak. Hindi ba puwedeng time out na muna? Hindi ba pwede na maging masaya naman ako kahit saglit man lang? Pero ano ang magagawa ko? Nangyari na. Wala na siya.

Huminga ako nang malalim at pinagmasdan ang puting kabaong. Mahimbing at payapa siya kung titingnan. Para lang siyang natutulog.

Nang malaman ko ang nangyari kay lolo ay agad akong umuwi sa Pilipinas. Binalita sa akin ni Mommy na nabaril si Lolo Armagon dahil pinasok daw ng mga magnanakaw ang Hacienda niya sa Cebu. Walang awa nilang binaril ang lolo ko na walang kalaban-laban. Mga hayop sila, mga walang puso!

Galit at lungkot ang namuo sa puso ko. Hanggang ngayon ay ramdam ko pa rin 'yon dito. Gustong-gusto kong magbayad ang mga may gawa nito sa kanya, lalo na ang mga bumaril sa kanya. Gusto ko silang singilin. Buhay kapalit ang buhay na kinuha nila, ngunit hindi naman ako masahol na tao tulad nilang mga demonyo.

Masunog sana ang mga kaluluwa nila sa impiyerno. Gusto kong maranasan din nila ang sakit na nararamdaman namin sa mga sandaling ito. Pero wala akong magawa. Batas na ang bahala sa kanila. Dapat silang magbayad sa loob ng kulungan. Nagtangka na nga silang magnakaw, pati lolo ko ay pinatay pa nila.

Naiyukom ko na lang ang kamao ko dahil sa galit. Mas lalong lumakas ang palanghaw ng mga taong malalapit sa lolo ko, lalong-lalo na sina Daddy at ang iba pa naming mga kamag-anak. Alam ko na mas naapektuhan sina Dad sa pagkawala ni Lolo Armagon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mangungulila sa pagkamatay ni lolo. Hindi ko alam kung paano ko ito matatanggap dahil masakit sa dibdib.

I sighed deeply. Mabilis ko lang na pinunasan ang luha ko bago ko nilingon ang taong umakbay sa 'kin. Ramdam ko rin ang mainit niyang bisig na yumakap sa akin.

"Alam ko na kasama na niya ang lola mo, Serenity. Your grandfather was a good man. Malaki ang respeto ko sa kanya. Ang mahalaga ay nabigyan siya ng katarungan," malumanay na bulong ni Yuan sa akin.

IDLE DESIRE 3: MY ENTICING PROTECTOR [UNDER EDITING]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon