Humangin ng malakas at gininaw ako na naging dahilan upang magising ako. Nakatulog pala ako. Sa tingin ko, alas dose na ng hating gabi.
Huminga ako ng malalim.
Ano na ang gagawin ko sa buhay ko ngayon?
Tatapusin ko na ba?
Wala na akong iba pang pagpipilian. Wala na.
Tumayo ako at naglakad lakad. Giniginaw ako kaya yakap-yakap ko ang sarili ko, wala akong kahit na anong gamit.
Nakarating ako sa may tulay at sinilip ang ilalim nito. Napakalalim, madali lang siguro mawawala ang buhay mo kung tatalon ka mula rito.
Napakatahimik sa lugar na ito, madilim at walang sino man ang maaaring makakita kung tatalon ako. Ito nalang ang naiisip kong paraan upang matapos na ang kahirapan kong ito.
Nag simula na akong humakbang palapit sa railings.
Naiiyak ako. Patawarin niyo po ako sa gagawin ko, wala na akong iba pang naiisip na dahilan upang mabuhay pa. Wala namang nagmamahal sa akin, walang nakakaalala at walang malulungkot kung mawala man ako sa mundong ito.
"Eya"
Tila kinilabutan ako nang marinig ko ang boses na iyon. Tumingin ako sa paligid ko at wala ni isang tao. Bumilis ang tibok ng puso ko at lumayo ako sa railings.
Si lord ba ang tumawag sa pangalan ko? Pero impossible naman. Kung anu-ano na ang naririnig at nai-imagine ko. Binatukan ko ang sarili ko at napailing nalang. Nababaliw na ba ako?
Ipinag kibit balikat ko nalang ang takot na naramdaman ko at lumakad ulit pabalik sa bench kung saan ako nakatulog kanina.
Napakadilim sa paligid. Natatakot na ako. Tumaas ang balahibo ko ng may maaninag akong puti na naglalakad mula sa kadiliman ngunit agad rin itong nawala.
Kinusot ko ang aking mata. Huminga ng malalim at sinubukan kong huminahon.
Huwag mo nga takutin ang sarili mo, Eya! Kaya mo 'yan! Isa pa, mas nakakatakot ang mga buhay kesa sa patay.
Sa puntong ito, sumagi sa isip ko si papa. Nakakain na ba siya? Naglalasing nanaman ba siya?
Pinunasan ko ang luhang tumulo sa kanan kong mata. Hindi dapat ako nalulungkot ngayon dahil masama siyang tao, hindi ko dapat siya inaalala.
Tumayo ako at naglakad pauwi sa bahay.
Nang ma-realize kong hindi ko dapat gawin ito, bumalik ako sa bench. Dapat panindigan ko ang pagtakas ko.
Pero kahit na ganon si papa, mahal na mahal ko parin siya. Pinagluluto ko siya ng pagkain bago siya makauwi, nililinis ko ang bahay at ang kwarto niya. Ayokong nakikita siyang nalalasing dahil nahihirapan ako. Kailangan kong magtago at i-lock ang sarili ko sa kwarto bago pa man magdilim ang paningin niya sa akin. Pero naniniwala ako na mapagbabago ko siya. Naniniwala ako na magbabago pa siya, hindi pa huli ang lahat.
Tinakpan ko ang mukha ko at humagulgol ng iyak. Parang hindi ko kayang iwanan si papa ng ganun-ganun nalang.
"Eya"
Napatayo ako dahil sa narinig ko nanaman ang boses na tumawag sa pangalan ko kanina, tila bumalik ang mga luha ko sa mata ko. Pinikit ko ang mata ko at nagdasal.
Sino ba kasi ang tumatawag sa pangalan ko? May nanti-trip ba sa akin? Pero gabing-gabi na kaya imposibleng may tao pa dito.
"Eya"
Mismong sa tenga ko nanggaling ang boses na iyon kaya halos mapatalon ako sa gulat. Tumingin ako sa paligid ko ngunit wala talagang tao. Hindi na ako nag dalawang isip pang tumakbo at halos sumisigaw na ako sa takot.
"Please tigilan mo ko!" Sigaw ko pa habang tumatakbo.
Sa tingin ko maraming bangkay ang tinapon sa lugar na ito dahil ang creepy talaga at bilang na street lights lang ang gumagana sa lugar na ito, dahilan para maging madilim ang daanan.
"Please lang wag mo kong sundan!" Sigaw ko sa takot na baka hindi na ako tigilan ng kaluluwa na iyon at sumunod na sa akin kung saan man ako magpunta.
Habang tumatakbo ako may nakita akong mga pulis na nagroronda, huminto sila sa harapan ko ang binuksan ang bintana ng kotse.
"Miss, may humahabol ba sayo?" Tanong sa akin ng isang pulis.
Tumingin ako sa likuran ko at pilit na hinahabol ang hininga ko.
Kung sasabihin ko bang tumatakbo ako dahil may multo, maniniwala kaya sila?
"Opo" sagot ko nalang.
"Sumakay ka sa kotse at hanapin natin ang humahabol sayo." Sabi ng isa pang pulis at binuksan ang pintuan ng kotse kaya umupo na ako sa loob nito.
"Wag na po, sa tingin ko po malayo pa siya dito." Sabi ko nalang at tumango ang dalawang pulis.
Pinaandar nila ang kotse at hininto sa malapit na police station.
"Uminom ka muna."
Pinaupo nila ako sa isang bench at inabutan ng kape.
"Salamat po." Sagot ko at humigop ng kape. Bigla akong nakaramdam ng gutom dahil noong tanghali pa ang huli kong kain.
"Anong ginagawa mo sa lugar na iyon sa dis oras ng gabi?" Tanong sa akin ng pulis. Humigop ako ng kape at nag-isip ng pwedeng idahilan. "Naglayas ka ba sa bahay niyo?" Dagdag pa niya.
Natigilan ako at natulala sa hangin. Ayokong sabihin na lumayas ako sa bahay dahil malalaman nila ang dahilan ko. Ayokong hulihin nila ang papa ko.
"Sa tingin ko nga naglayas ka, tama ba?" Ani ng isang pulis. "Ikaw!" Sabay turo niya sa akin. "Bakit kayong mga kabataan, ang hilig mag layas ng walang dahilan?" Aniya.
Yumuko ako dahil sa kahihiyan. Hindi naman ako naglayas dahil trip ko lang maglayas. I have a valid reason.
"Chief tama na yan, baka naman may dahilan yung bata." Ani ng isang pulis. "Bakit ka ba naglayas?" Tanong niya naman sa akin. "Teka, kumain ka na ba?"
Inangat ko ang tingin ko at nakita ko ang mukha ng isang tatay na tila nag-aalala sa kaniyang anak.
YOU ARE READING
Whisper
FantasySa oras na marinig mo ang boses ko, sana pakinggan at kausapin mo ako.