Chapter 26

1 0 0
                                    

Sobrang familiar ng picture na ito sa akin, hindi ko maalala kung saan ko nakita pero sigurado akong nakita ko na siya. Pwedeng nakasalubong ko sa daan? Pero parang hindi.

Kinuha ko ang picture at pinagmasdan ng maigi, saan ko nga ba siya nakita?

Teka nga muna, sino ba 'tong lalaki na 'to?

"Ikaw ba si Gardy?!" Tanong ko sa picture.

Alam kong hindi ito sasagot pero malay mo kausapin ako ng kaluluwa niya.

Pero imposible! Kung si Gardy talaga ang nasa picture na ito, at kung somewhere nakita ko na ang taong ito, malamang buhay si Gardy? Sigurado ako na nitong taon ko lang nakita ang lalaking 'to. Posible kayang si Gardy nga ang nasa picture? O baka naman kaibigan, kamag-anak, o kakilala niya lang itong nasa picture?

Haaay! Hindi ko na alam!

Akala ko pa naman makakatulog na ako ng ayos ngayong gabi, hindi pa din pala!

At dahil gusto kong matulog ng walang bumabagabag sa isipan ko. Binuksan ko pa ang ibang mga drawer.

Sorry Gardy, papatayin ako ng curiosity ko kung hindi ko gagawin 'to.

Yung isa pang drawer ay walang laman, yung isa naman may photo album. Sakto!

Kinuha ko ang photo album at agad na inusisa ito. Simula pagkababy hanggang sa pagtanda niya ay silang dalawa lang ni papa Bert ang nasa bawat picture. Ngayon, sigurado na akong si Gardy nga ang nasa picture na nakita ko kanina. Ang kailangan ko nalang alalahanin ngayon ay kung saang lupalop ng mundo ko nakita yung lalaking kamukhang-kamukha ng nasa picture ni Gardy.

Teka bakit ba pino-problema ko pa 'to? Nakalibing na ang bangkay ni Gardy kaya imposible itong iniisip ko! Baka nga matagal ko ng nakita si Gardy pero hindi ko alam na siya pala 'yun kaya ngayon na nakita ko ang mga pictures niya, ngayon ko lang naalala na siya nga si Gardy. Hay ewan, posibleng ganun nga lang.

Binalik ko na sa drawer lahat ng kinuha ko at natulog na ako sa kama.

Kinaumagahan, pagdilat ng mga mata ko sa study table agad ako napatingin. Tinitigan ko ito ng mga ilang minuto. Ewan ko ba pero para kasing may part sa sarili ko na gustong-gustong tignan lahat ng gamit ni Gardy kahit na nangako ako sa kanya dati na hindi ko gagalawin ang mga pag-aari niya.

"No, Eya. Hindi pwede 'tong iniisip mo." Bulong ko sa sarili ko.

Bumangon na ako at naligo. Pagtapos ko mag-ayos ng sarili ay lumabas na ako ng pintuan, medyo nanibago ako kasi wala ni isang rosas sa may pintuan.

Agad akong nag text kay Officer Chen na papasok na ako sa trabaho at kinamusta ko siya pero walang reply. Tinago ko nalang sa bag ang cellphone ko.

"Goodmorning, Eya ko!"

Isang pirasong pulang rosas ang bumungad sa harapan ko, hawak-hawak ni Officer Chen at nakangiting inaabot sa akin.

Hindi ko maipaliwanag yung kasiyahan ko, napangiti ako at agad ko siyang niyakap. Kagabi lang naman kami hindi nagkita pero sobrang na-miss ko siya.

Kinuha ko ang rosas at hinalikan siya sa pisngi.

"Bakit sa pisngi lang?" Tanong niya.

Pinandilatan ko siya ng mata at nagtawanan kami. Hinatid niya ako sa restaurant kaya naman todo asar sa akin si Bea at papa Bert na tinatawanan ko lang.

"Hoy, wag nga kayong ganyan!" Pagsaway ko sa kanila dahil hindi sila natigil sa pang-aasar.

Naging close friend ko na din si Bea dahil mabait naman siya at matulungin. Hindi siya nakatuloy ng kolehiyo gaya ko dahil wala din siyang pera, kumpleto naman ang pamilya niya 'yun nga lang ay kapos talaga sila sa pera. Kung kaya ko lang siya pag-aralin gagawin ko, ayoko kasing may ibang tao na nahihinto ang pangarap dahil lang sa hindi makapag-aral, ayokong magaya siya sa akin.

"Eya." Tawag sa akin ni Bea.

"Bakit?"

"Diba six months na kayo ni Officer Chen?"

Tumingin ako sa kanya at napakunot ang noo. Kailan pa 'to naging curious sa amin ni Officer Chen?

"Oo, bakit?"

"E kasi naman! Six months na nga kayo ni Officer Chen pero may manliligaw ka pa din!"

"Ha? Anong sinasabi mo?"

"Ayan oh!" Sabay turo niya sa may likuran ko. Tumingin ako sa likuran ko at nakita ko si Nathan, may hawak na tatlong pirasong rosas.

"Ang haba talaga ng hair mo!" Pang-aasar ni Bea.

Pinatigil ko siya sa pang-aasar at hinila ko naman si Nathan palabas ng restaurant. Hindi iyon napansin ni papa Bert dahil busy siya sa mga customer.

"Anong ginagawa mo dito?"

"Obvious ba? Ibibigay ko sayo 'tong flower."

"Para saan naman 'yang flower na 'yan?"

Hindi ako mapakali, tumingin-tingin ako sa paligid namin dahil baka makita kami ni Officer Chen. Hindi niya kasi alam ang tungkol kay Nathan.

"Oh," Inabot niya sa akin ang roses, kinuha ko nalang para umalis na siya. "Alam kong may boyfriend ka, pero hayaan mo na akong gawin 'to." Paliwanag niya at pinamulsa ang mga kamay niya.

"Hindi pwede! Hindi mo kasi naiintindihan--"

"Naiintindihan ko," Pagpuputol niya sa sinasabi ko. "Buong buhay ko palagi nalang akong naba-busted, lahat ng niligawan ko tinatapon nila lahat ng binibigay ko, ikaw lang kasi ang natatanging nagbigay halaga sa mga binigay ko sayo. Hayaan mo nalang akong gawin 'to."

Ramdam ko sa boses niya ang pagkalungkot niya. Huminga ako ng malalim. Kung patuloy niya akong bibigyan ng bulaklak, paano ko 'to ipapaliwanag kay Officer Chen?

"Alis na ko." Walang emosyon na sabi niya at saka lumakad palayo.

Ibang Nathan ang nakikita ko ngayon. Hindi ko alam na sa kabila ng kakulitan at kadaldalan niya, may malungkot na storya palang nagtatago doon.

Tinitigan ko ang mga rosas. Hindi ko naman pwedeng itapon nalang ito dahil sa mga sinabi niya kanina.

Pumasok ako sa restaurant at saka inilagay sa vase ang mga rosas.

"Hindi ba alam nung lalaki na 'yun na may boyfriend ka na?" Usisa ni Bea pagpasok ko ng kusina.

"Alam." Tipid na sagot ko.

"E bakit patuloy pa din sa panliligaw? Dapat patigilin mo na! Sige ka, baka pag-awayan niyo pa 'yan ni Officer Chen."

Hindi ako nakapagsalita. Kahit na anong pagtitigil naman ang gawin ko hindi pa din siya titigil, siguro hahayaan ko na nga lang siya pero sana alam niya ang limitasyon niya. Gaya ng sabi ni Bea, ayokong umabot sa puntong pag-aawayan namin 'to ni Officer Chen dahil posible iyong mangyari.

WhisperWhere stories live. Discover now