Chapter 2

25.2K 322 22
                                    

Chapter 2

NANG makasakay ng jeep si Cassandra, bitbit niya pa rin ang mabigat na pinamili. Pabalik siya sa paaralan upang sumama kay Colin para mapuntahan ang rerentahan na bahay. Sa kalagitnaan ng payapang paglalakad ni Cassandra, bigla siyang napatigil dahil sa mahigpit na pagkakahawak sa kanyang braso.

"Tay!" bulalas niya.

"Aba, at napakarami mong pinamili! Bakit hindi mo iuwi iyan sa akin?! At may bago ka pang damit?" anito at marahas na hinablot ang plastik ng mga pagkain.

"Tay! Huwag po! Sa akin ito!"

"Ano'ng sa'yo?! Akin ito! May pera ka at hindi mo ako pinapakain?!" Muling hinatak ng kanyang ama ang braso niya at mabilis na kinuha ang kanyang pitaka.

"Tay! Huwag! Pera ko po iyan!"

Binuksan nito ang pitaka at mas lalong nagningning ang mga mata sa ilang libong piso. "Aha! Sa akin ito! Nagtatago ka ng pera sa akin?! Ama mo ako!"

"Tama na! Akin na sabi!" bulalas ni Cassandra. Hindi siya nagwagi dahil gamit ng kanyang ama ang kamao. Dumapo iyon sa kanyang pisngi.

"Hoy! Magnanakaw ito! Hulihin natin!" sigaw ng mga kalalakihan na nakapansin sa diskusyon na nagaganap. Nakahiga lamang si Cassandra sa kalsada habang ang kanyang paningin ay umiikot. "Miss! Miss! Naku, mukhang napuruhan yata ito!"

Maagap ang mga kalalakihan at tinulungan siyang maitayo. "P're! Estudyante siya ng Madrigal University! Halika at dalhin natin siya roon!"

Agad sumaklolo ang mga guwardiya at dinala sa clinic ng paaralan si Cassandra. Ang balitang ito ay nakaabot kay Colin. Mabilis nitong pinuntahan ang kaibigan at naabutan ang kalunos-lunos na sinapit ni Cassandra.

Ilang minuto ang nakalipas ay tuluyang nagising si Cassandra dahil sa bangungot.

"Ma!" sigaw niya. Nagulat ang mga tao sa loob ng clinic. Walang humpay sa paghagulhol si Cassandra kaya napatakbo papalapit ang kaibigan niya. "Colin, baka balikan ako ni Tatay!" ngawa niya at niyakap si Colin.

"Hindi na! Ipinaabot namin ni Dean sa pulisya ang lahat ng nangyari. Sa katunayan, gusto naming ipaabot sa'yo ang kaunting tulong." Ibinigay ni Colin ang isang puting envelope at ang laman niyon ay pera.

"Hindi na. Nakakahiya."

"Tanggapin mo. Lahat kami ay boluntaryo at taos sa puso na tumulong sa'yo. Hindi makakalapit ang tatay mo sa'yo dahil naka-blotter na siya. Isang pagkakamali, aarestuhin na siya."

Tumango si Cassandra at muling hinagkan ang kanyang kaibigan.

Kalaunan, payapang naihatid ni Colin si Cassandra sa pabahay na sinabi nito.

"Cassy, huwag ka na lang maingay kay Mama. Alam mo naman iyon, eh."

"Oo. Maraming salamat uli sa tulong n'yo sa akin."

"Walang anuman. Sige na at matulog ka na."

Sa pagsasara ni Cassandra sa pinto, napasandal na lamang siya sa likuran niyon at unti-unting gumuho.

"Matutupad ko pa ba ang pangarap kong maging isang nurse? Makakaya ko pa bang tapusin ang isang taon na ito bago makamit ang diploma?"

Kinuha niya ang tatlong libong piso na nalikom ng mga gustong tumulong sa kanya. Pinaghiwalay niya ang kakailanganin para sa trabahong papasukan.

Kinagabihan, lumabas ng bahay si Cassandra upang bumili ng pagkain sa karinderya. Pinagtitinginan siya ng ilang kumakain dahil sa laki ng pasa niya sa pisngi malapit sa bibig. Dagdag pa ang mga sugat sa kamao dahil sa pagpaso ng kanyang ama gamit ang sigarilyo.

EL ASESINO MAFIA: Don Vito ValentinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon