Introduce
Semestral break pa rin nang mapalingon ako sa nag-uusap-usap na mga kumare ni mama sa sala.
Dahil nga bakasyon ay siguro niyaya ni mama ang mga ito para sa isang simpleng merienda. May lemon juice at mainit na tinapay. Kumakain din ako ng akin ngunit hiwalay sa kanila, sa kusina. Kahit pa may harang na humahati sa pagitan namin ay sa lakas ng boses ng ilang kapit-bahay na nanay ay dinig ko ang pinag-uusapan na lagi namang ganoon ang sitwasyon. Hindi ko intensyong makinig ngunit dahil madalas mag-isa lang ako at walang kausap ay nauunawaan ko pa rin ang pag-uusap ng mga matatanda.
"Balita ko bibisita ang Mayor dito sa atin, a. Dahil nga bago pa lang nahalal ang Mayor natin mukhang may pampalakas. Kasama pa ata ang anak niya. Magbabahagi raw ng grasya..."
"Oh, talaga?" Si mama na mukhang interesadong nakikinig.
"Oo nga. Ang ilang baryo nga ay napuntahan na raw nila at tayo naman ang susunod."
"Aba, maganda! Ano naman kaya ang biyayang iyon?"
"Dinig ko sa mga kakilala ko sa kabilang baryo ay bigas daw, mga bayong na ang laman ay mga de-lata't panghanda sa Undas."
"At n'ong nakaraan, kita niyo 'yang trapo na inilalatag sa labas? Mukhang bago ipamahagi ay may munting programa pa."
"Ay naku, kung madalas tayo napapamahagian ng ganyan tuwing may okasyon ay baka kada halalan kong iboto iyang si Mayor!"
Nagtawanan ang mga nanay at kasama na roon si mama.
"Sinabi mo pa!"
"Baka naman malugi niyan si Mayor at maubos ang pondo!" Muling nagtawanan ang matatanda.
Bigla naman mabilis na sumagi sa isip ko kung gaano kalayo ang agwat namin ni mama pagdating sa pakikipagkapwa. She's very sociable while I'm here like a snail hiding on its own shell. Maagap din nawala ang pagsagi ng isip ko doon nang muling nagbalik sa narinig na usapan.
"Natawa pa nga ako kung paano kiligin 'yung pinsan ng anak kong dalagingging dahil sa unang pagkakakita doon sa anak ni Mayor. May itsura naman talaga si Mayor at malakas ang dating kaya naman hindi na kataka-taka kung mamana iyon ng anak niya."
"Ah, iyon ba ang sasama't pupunta rin dito sa atin, Fel?"
"Jusko, may extrang grasya pa pala ang hatid nila!" Muling naghalakhakan ang matatanda.
Nakuha ko ang kahulugan ng sinabing iyon. Kahit na matatanda pala'y napupunta pa rin sa mga ganitong paksa ang usapan.
"Basta ako, magpapa-picture ako kay Mayor, matipuno e!"
"Labas kayo, kumare ha, sama mo anak mo sa pagsisimula ng programa."
"Oo nga! Hindi ko nakikita iyang anak mo na lumalabas! Kaya ang puti, e."
Hindi ko alam kung kami ang tinutukoy pero nakumpirma ko iyon nang dinig ko ang pagsagot ni mama.
"Pasensya na, mahiyain e."
"Gan'on?"
Hindi ko alam ang itsura ko pero unti-unti kong nililigpit ang mga pinagkainan at planong aakyat na. Hindi ko gustong naririnig ang sarili kong masama sa topic nila.
Mahaba-haba pa ang naging oras nila sa pag-uusap at inabala ko na lang ang sarili sa ibang bagay. Sa kwarto, tanaw ko nga ang pag-aayos sa trapo at maliit na stage. Simple hindi gaya noong nagpista ngunit pinaghahandaan para sa pagdating ng Mayor.
Naalala ko 'yung sinabi kanina. Hindi ako lalabas ng bahay 'no. Baka magkita pa kami ni...
Mabilis na umusad ang sumunod na mga araw. Noong tanghali pa lang ay fully-prepared na ang mga tao para sa pagbisita ng Mayor at ng anak daw nito. Sa labas ay dinig din ang pag-mic test ng siguro'y magiging emcee para sa programa. Malakas ang tunog ng microphone dahil malalaki ang speakers na inihanda. Saan naman kaya sila nakakapag-provide nito?
BINABASA MO ANG
Gwyneth and Gale
Teen FictionMalamyos na huni ng mga ibon, maingay na sigawan sa utak. Tahimik at kalmadong mga bulaklak, nagwawalang puso sa dibdib na animo'y gustong makaalpas. Hanggang kailan ka magtatago? Hanggang kailan ka tatakbo? Hindi mo mamamalayang sa direksyong iy...