chapter two

4.7K 429 190
                                    

Mabagal akong bumaba mula sa sasakyan namin, ang mga mata ko'y nakapako sa apartment—o sa magiging tahanan ko rito sa Maynila.


Mula sa labas, meron itong itim na gate na may kataasan kaya hindi kita ang nasa loob. Binuksan ni Papa ang gate at tulad ng sinabi ni Mrs. Salvador, ang may-ari, may lima raw na apartment dito at ang nasa dulo raw ang akin.


"Tash, kunin mo pa nga itong bag na 'to," sabi ni Mama na may dalang bag na katamtaman ang laki. "Medyo sumasakit ang kamay ko."


Kinuha ni Tash ang bag kahit na may dala pa siyang maleta na malaki-laki rin. Halos lahat ng gamit ko ay dala na namin ngayong inihatid nila ako para hindi na magpabalik-balik si Papa dahil lang sa mga gamit. Maging si Papa ay may dala ring maleta.


Dala ko rin kasi ang mga libro kong madalas kong basahin, mga gamit pang-eskwelahan, damit, at ibang importante pang mga gamit kaya madaming maleta at bag ang dala namin ngayon.


"Good morning," nakangiting bati ng isang babae na nasa fifties na siguro. Nakatayo siya sa may pintuan ng lilipatan ko. "Sino sa inyo si Tate?"


"Ako po," sagot ko at nginitian din siya.


"Napaka-gandang bata." May ini-abot siya sa aking susi. "Ako si Mrs. Salvador at heto ang susi mo sa apartment. Makakasama mo rito si Jash. Nasa loob na siya, lumipat dito last week pa. Mabait ang batang 'yon at siguradong makakasundo mo."


"Salamat po, Mrs. Salvador."


Sinabi niya sa akin ang mga rules and regulations niya rito bago kami iwan at sinabing tumawag na lang ako kung may problema o kakailanganin ako.


Gamit ang susi na hawak ko, binuksan ko ang pinto at bumungad sa amin ang sa tingin kong si Jash na naka-upo sa may living area at nanonood ng TV. Ngumiti siya pagkakita sa akin at tumayo.


"Hi, I'm Jash," pagpapakilala niya at naglahad ng kamay. "You are... ahm, Tate? Right?"


Tinanggap ko ang kamay niya at nagpakilala rin. Hinayaan niya muna ako at ang pamilya kong makapag-ayos ng mga gamit at nagpaalam na papasok muna sa kwarto niya para mabigyan daw kami ng privacy.


Pinanood ko ang pagpatay niya sa TV at ang pagpasok sa kwarto niya. Mukhang makakasundo ko nga siya at mukhang mabait. May pagka-englishera nga lang base sa una niyang pakilala.


Iginugol namin ang sumunod na oras sa pag-aayos ng mga gamit ko. Pumasok kami sa kwarto ko na katapat lang ng kwarto ni Jash. Puti ang mga pader at merong sliding window na puti rin ang kurtina sa bandang kaliwa ng kama. Ang kama ay may kulay pink na comforter at mga unan na kahit sa unang tingin pa lang ay mukha nang malambot.


Sa tabi ng kama ay may maliit na puti ring drawer at nakapatong doon ang isang night lamp. Sa itaas na pader ng kama ay naroon ang bookshelf na maari kong paglagyan ng mga libro ko. Napangiti ako. Napakaganda no'n.


"Sus, ngiti ka na naman diyan," asar ni Tash na inilalabas ang mga damit ko sa maleta at inililipat ang mga 'yon sa kabinet na kulay dark brown, malapit sa sliding window. "Ewan ko ba't gusto mo may bookshelf. Nakakatakot kaya baka may mahulog na libro sa 'yo habang natutulog ka."

Apart but ChainedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon