kabanata v. pansamantalang tirahan

151 10 3
                                    

T A K I P S I L I M
Kyrian18

PANSAMANTALANG TIRAHAN


NAPAHALUMIKIPKIP AT NAKANGUSO ako nang pinasakay ako ni Vincent sa sasakyang yari sa tingga na mayroong apat na gulong. Kulay puti ito at nakalagay ang salitang 'Taxi'. Mas maliit ito kaysa sa bus na sinakyan namin paalis nang Leyte. Kasya lamang ang dalawa sa harapan at mga tatlong tao sa may gawing likuran, kung saan ako'y pansamantalang nakaupo.

Mas malamig ang simoy ng hangin sa loob, kumpara sa labas na patirik na ang araw. Nanunuot ang lamig sa aking balat, subalit mas nanaig ang init ng ulo ko sa naging pasya ng dalawang magkaibigan.

"Bakit kailangan kong sumama sa iyo? Hindi ikaw ang nais kong samahan!" Naninikip ang aking dibdib habang tinitingnan ko si Henry na papalayo sa aming gawi. Hindi pa rin ako makapaniwala. "Si Henry! Gusto kong sumama kay Henry!

Hindi ako nagagalak sa mga nangyayari. Gusto kong magdabog. Kasama ko na ang mahal ko kanina at ngayo'y kay layo na naman ng pagitan naming dalawa. Nagkasya na lamang ang aking huling sulyap sa taong iyon buhat sa bintanang yari sa salamin.

Nakaupo rin si Vincent sa likod ng sasakyan, katabi ko.

Nanahimik siya at nakatingin sa kabilang dako ng salamin na tila ba'y kay laro nang nilalakbay ng kaniyang pag-iisip.

"Wala na! Hindi ko na siya makita!" pagrereklamo ko nang mapansing lumiko si Henry sa kabilang kanto. "Henry! Kunin mo ako sa kaniya kapag magkita tayong muli!"

Nakanguso. Nanghihina. Nanlulumo. Halos yakapin ko na ang ang malamig na salamin upang masundan ko lamang ng tanaw si Henry.

"Umupo ka nang maayos," mahinang utos sa akin ni Vincent. "Hindi rin kita gustong dalhin at isama. At mas lalong ayokong magsama ng isip-bata. Napilitan lang din ako. Baka akalain sa bahay ay nagpulot ako ng nakatakas sa Mental Hospital."

"Tampalasang mortal!" singhal ko. "Hindi ko rin nais na makasama ka."

Heto na naman silang dalawa.

Napalingon ako sa kaniyang gawi. Nagtama ang aming mga mata. Umirap ako habang salubong pa rin ang aking mga kilay.

"Ang ingay mo, Zatira. Kung hindi ka mananahimik, itatapon kita sa high way."

Itatapon?

Nagpantig ang aking tainga sa nadinig.

Ang kapal naman ng mukha ng mortal na ito!

"Kahit ang dumi ng hayop ay nagiging pataba ng lupa. Nagagamit. May saysay. Tapos itatapon lamang ako? Hindi ako basura para itapon lang!"

Ramdam ko ang pang-iinit ng aking dalawang pisngi. Mas mabilis din ang pintig ng aking puso dahil sa labis na pagkayamot.

Kunot-noo akong umupo nang maayos sa malabot na upuan. Mas mainam na ipokus ko na lamang ang aking tingin sa labas ng sasakyan.

Nakapangalumbaba.

"Ganiyan din nagsimula ang aking lola at lolo ko," sawsaw ng may kaedarang tsuper na hindi nalalayo sa singkuwenta anyos. "Pagkatapos ng bangayan, lampungan na ang susunod. Ikanga, the more you hate, the more you love."

"Oy, Manong. Maghunos-dili ka. Masamang biro 'yan," mabilis na kontra ng aking katabi. "May awa naman ako sa sarili ko."

Napahagikhik ang nagmamaneho ng taxi. Rinig na rinig ko iyon kahit may musikang pinapatugtog pa ang taong ito.

"Kung alam mo lang Manong kung gaano 'yan kasakit sa ulo, ma-tu-turn off ka," dagdag pa niyang turan.

"Ano'ng turn off?" Pinandilatan ko siya ng mata. "Mas nais kong makasama ang mahal ko! Hindi ikaw! Hindi ikaw!"

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon