kabanata xxvi. tatlong araw

111 12 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

TATLONG ARAW
(Part 2)

NANGINGINIG ANG BUO kong katawan sa lamig. Tulala akong binabaybay ang mataong kalsada nang makalabas ako ng gusali. Alas-diyes na ng gabi subalit punong-puno pa rin ng sasakyan ang daan. Mabigat ang trapiko. Samo't saring ingay ang aking nadidinig sa buong paligid. Buhay na buhay ang gabi kahit na umaambon. Hindi katulad ko na wari'y nalalagutan ng hininga.

At sa gilid ng daan, matiyaga akong naghihintay ng masasakyan. Wala akong kakilala sa Manila, bukod kay Vincent na para bang wala na ring pakialam sa akin. Kaya imbes na hintayin ko ang aking kamatayan sa mga bisig niya na may pighati, mas maigi nang umuwi ako ng Leyte at makasama si Kuya Miel sa aking mga nalalabing araw.

Mugto ang aking dalawang mga mata habang nag-aabang doon sa may gilid ng pedestrian lane. Maganda ang mga ilaw sa bawat kanto ng kalsada. Maningning ang gabi sa bawat establisiemento na may kaniya-kaniyang paandar ng disenyo at kulay. Ngunit, imbes na matuwa, mas dama ko ang aking pag-iisa.

Sumulyap muna ako ng huling beses sa itaas ng gusali kung nasaan si Vincent at saka muling binabagtas ang daan. Ilang minuto rin ang aking hinintay ngunit wala man lamang dumaan na taxi.

"Mamang pulis, puwede hong magtanong?" bungad ko sa taong hindi ko kilala subalit kailangan kong kausapin, matapos ang ilang minutong paglalakad. Nakasuot ito ng uniporme na kulay asul na madalas kong pinapanood sa telebisyon. "Saan po puwedeng makasakay ng bus papuntang Leyte?"

"Leyte ba ako?" ulit niya, sabay pinagmasdan ako mula ulo hanggang paa. Tinititigan ko pa ang mukha niyang nagtataka. May kalakihan ang tiyan nito at makapal pa ang bigote. "Sigurado kang Leyte, Miss? Malayo iyon."

Tumango-tango ako.

"Naglayas ka ba?" usisa ng aking kaharap. "Alam ba ng mga magulang mo iyan? Mukha ka namang hindi mag-ta-trael. Ano ba ang sasakyan mo? Bus o eroplano?"

"Bus ho."

"Gano'n ba? Malayo-layong biyahe. Maghanap ka ng taxi. Nakita mo iyong kabilang kanto na iyon?" Tinuturo-turo pa ng pulis ang kasunod na kanto. "Nakita mo iyang mga sasakyan na may nakasulat na 'taxi'? 'Yan ang sasakyan mo muna at magtungo ka sa Pasay. Pagdating mo ng Pasay, sabihin mo sa driver na ibaba ka sa terminal ng mga bus. Bibili ka roon ng ticket pa-Leyte at sasakay ka na roon." Nakangiti siya sa akin pagkatapos ng kaniyang mahabang paliwanag.

"Salamat sa tulong," wika ko. Tumalikod na ako sa kaniya.

"Walang anuman. Serbisyo ko ang gabayan ka. Sana, hindi ka na lamang naglayas, mahal na Prinsesa."

Napagitla ako sa aking nadinig. Kaagad akong lumingon pabalik ngunit naglaho na roon na parang bula ang pulis. Nakapagtataka at may lumilipad pang mariposa sa gabi. Pinagmasdan ko muna ang paru-paro na nakakunot ang noo at saka ko napansin ang pamilar na pigurang nakatingin sa aking gawi.

Kahit bahagyang malayo pa ay nababatid kong si Vincent ito. Imbes na lapitan iyon, kaagad akong kumaripas ng takbo papalayo sa kaniya at papalapit sa sakayan.

Buo na ang aking pasyang iwanan ang mundo ng mga mortal . . . kasama siya.

"Zatira!" tawag niya sa akin sa kauna-unahang pagkakataon, sa tatlong araw na pananahimik.

Hindi ako lumingon bagkus ay mas nagpursige akong dagdagan pa ang distansiya naming dalawa. Ito naman talaga ang dapat mula sa umpisa pa lamang. Kahit si Vincent ay nababatid sa katotohanan na ito. Kaya mas ginusto niyang ibigay ang gayuma kay Henry.

"Zatira! Huminto ka!" utos niya sa aking likuran.

Kinaway-kaway ko na ang taxi na nakaparada sa hindi kalayuan. Sakto lamang ang aking oras nang binuksan ko ang pinto ng sasakyan.

"Miss, saan tayo?" tanong ng tsuper nang makaupo na ako sa loob ng taxi.

Napalingon kaming dalawa kay Vincent na hingal na hingal at kumakatok sa salamin ng aking sinasakyan. Mabuti na lamang at marunong na akong pindutin ang lock doon upang hindi niya ito mabuksan.

"Zatira! Zatira! Ang sabi ko bumaba ka r'yan!"

"Miss, sino iyang lalaki sa labas? Boypren mo na iyan?" usisa ng taong kasama ko sa loob.

"Hindi po, Manong," depensa ko. "Magkakakilala lang po kami pero hindi po kami magkaanu-ano."

Hindi ko na magawa pang buksan ang bintana. Nagkasya na lamang ako sa pagtanaw ko sa kaniya buhat sa loob. Malungkot ang kaniyang mga mata na sumasalamin ng sa akin. Inilapat ko ang aking kanang palad sa salamin. Iyon din ang ginawa niya sa labas. Ang liit lang ng distansiya. Sobrang lapit, ngunit kay layo pa rin.

Katulad ng mundo naming dalawa.

Nangungusap ang mga mata ni Vincent, na hindi ko na binasa pa.

Muli akong napasulyap sa gawi ni Manong, "Tara na po. Alis na po tayo."

Pinaandar na ang makina ng taxi. Nagpatuloy si Vincent sa pagkakalampag sa bintana. Kung sana pinaramdam niyang mahalaga rin ang buhay ko, sana bababa ako.

Nangingilid ang aking mga luha nang iniwasan ko na siya ng tingin. Subalit, pagod na pagod na akong saktan ang sarili ko. Sarili ko naman ngayon ang aking iisipin.

Sana sa susunod naming buhay, ipapanganak sana kami sa iisang mundo at bibigyan ng kalayaan ni Bathalang magmahal ng matagal na panahon.

"Salamat sa lahat-lahat," halos pabulong kong sambit sa hangin. "Paalam, aking mahal."






Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon