kabanata xx. multo at katotohanan

114 9 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

MULTO AT KATOTOHANAN
(part 1)

"BLACK OUT BA?!" tanong ng kanilang lider nang mapagtantong napapalibutan ng kadilinan ang kabuuan ng bahay. Dinig na dinig ko pa ang mabibigat nitong mga yabag na pababa ng hagdanan. Ginamit nito ang kakapirangot na ilaw ng hawak nitong cellphone upang maaninagan ang sala. Hindi masyadong malakas ang ilaw na iyon ngunit sapat na upang magkitaan sila ng kani-kanilang mga mukha. "Bakit nawalan ng ilaw? Pakihanap ang breaker ng kuryente! Putang ina! Sa kamalas-malas, bakit ngayon pa?"

Dama ko ang init ng ulo ng mga lider ng mga magnanakaw dahil sa kawalan ng kuryente. Gano'n pa man ay palimhim akong nakangiti. Ang kanilang kamalasan ay kaluwagan ng aking pag-agam-agam sa sarili.

"Boss, mukhang dito lang ang walang kuryente. Tingnan mo," sabay turo sa poste na may ilaw na direktang nakikita sa labas ng bintana. "May nadinig din akong pumutok kanina. Baka fuse 'yon. Nag-short curcuit yata."

Sa kanilang panibagong problema, naabutan nila ang isa sa kanilang mga kasama na wari'y natutuliro at wala sa sarili. Palinga-linga ito sa dilim nang maaninagan sa ilaw ng flashlight.

"B-Boss! Nakita mo ba? May itim na babaeng nakalutang sa ere!" taranta nitong turan habang nanginginig pa. "Ang mga mata . . . mapupula at manlilisik. Nakakatakot."

"Gago! Walang multo! Tantanan mo 'yan kung ayaw mong ikaw ang magiging multo sa susunod!" singhal ng boss nila habang paikot pang nakatingin sa bawat sulok gamit ang cellphone upang makasigurado. "Ikaw!" sigaw nito sa kasama niya sa itaas. "Hanapin mo ang breaker. Baka nag-trip lang ang fuse gaya ng sinabi mo. Bilisan mo at wala na tayong oras!"

Walang imik akong pinagmamasdan silang lahat na nawawalan ng kompiyansa at pokus. Sa dilim ay lihim kung pinagmamasdan ang pangatlong lalaki na nakakita ng multo.

Si Annie.

"Ikaw, babae!" bulyaw na tawag sa 'kin ng kanilang tinatawag na boss. Itinuon nito ang ilaw sa aking mukha. Nasisilaw ako sa liwanag. Napapikit ako. Iniiwas ang tingin sapagkat masakit sa aking mga mata. "Alam mo ba kung nasaan ang breaker?"

Napailing-iling ako sa tanong nito. Hindi ko batid kong ano ang breaker na itinuturan nito at mas lalong hindi ko sasabihin kung alam ko man iyon.

"Hindi ko alam," matigas kong wika. Nakayuko pa rin ang aking ulo habang nanatiling nakatuon ang flashlight nito sa aking mukha.

Pinagmasdan ko ang mga paa nito buhat sa ibaba na naglalakad papunta sa aking gawi. Bago pa man ako makahuma ay walang alarmang hinawakan nito ang aking leeg na siyang dahilan upang mapaangat ako ng tingin. Pahigpit ito nang pahigpit na tila ba'y nasisiyahan pa sa aking paghihirap. Nahihirapan na rin akong makahinga sa pananakal nito.

"Hindi mo alam o ayaw mong sabihin?" tanong nitong makahulugan. "Huwag na huwag mo akong paglalaruan, babae. Nais mo pang mabuhay, 'di ba?"

Hindi ako makakilos. Sa labis na talas ng mga mata nito, pakiramdam ko ay hindi na tao ang aking kaharap.

Naramdaman kong niluwagan nito ang pagsakop ng mga daliri nito sa aking leeg nang mapansin na nahihirapan akong magsalita -- nahihirapan akong sagutin.

Napaubo-ubo pa ako sa sakit ng aking lalamunan.

"Hi-hindi ko nga alam!" giit ko, kahit na namumuo na ang sakit sa aking leeg. "Bago lamang ako sa mga pamamahay na ito."

"Wala kang silbi!" bulyaw ng lalaking sumakal sa akin. Malakas ang aking pagbagsak sa sofa nang tumama sa aking mukha ang mabigat nitong kamay. "Sa oras na makukuha na namin ang lahat, kamatayan mo ang isusunod namin. Naiintindihan mo?"

Pananakot ba ito o katotohan? Ayaw ko na itong alamin pa. Nanunuot ang sakit nang pagbuhat nito ng kamay sa aking pisngi. Hindi na ako gumalaw pa roon. Sa tanang buhay ko, ngayon ko lamang ito naranasan.

"Maghanda na kayo ng lubid!" Nadinig ko pang utos nito sa hindi kalayuan. "Iwasan niyo nang may mabasag pang mga gamit sa loob para hindi tayo madale."

"Dating gawi ba, Boss?" tanong no'ng isa. "Sayang ang ganda ng isang ito. Kailangan ba natin siyang paslangin?"

"Sumunod ka na lang," patutsada ng boss nila.

Wala na sa aking gawi ang ilaw ng kanilang flashlight. Muling nag-uusap ang tatlo ukol sa panibago nilang plano.

Maya-maya pa'y nadinig namin ang ingay na nanggagaling sa kusina. Naririnig ko ang kalimbang ng mga kaldero, bagsakan ng mga plato na sinadyang basagin sa sahig, at kung anu-ano pa na wari'y may kasalukuyang labanan doon at hindi namin alam kung sino ang may gawa.

Muling nagbago ang ihip ng hangin -- mas malamig at lumalakas. Nanunuot ito sa aking balat. Batid kong hindi lamang ako ang nakakaramdam ng lahat ng ito.

"May iba pa bang tao bukod sa dalawang ito?" tanong ng isa sa tatlo. Kaniya-kaniya silang labas ng mga kutsilyo, punyal, at baril.

"Multo! Multo ang may gawa, Boss!" argumento ng isa.

"Tarantado! Tumigil ka na nga sa kahibangan mo!"

Napagdesisyunan ng tatlo na bagtasin daan papuntang kusina upang alamin ang mga nangyayari na siyang ikinahinga ko nang husto.

Gamit ang dilim, mas malaki ang tiyansa nang pagtakas at pagligtas ng aking sarili, at pati na rin si Aling Medring. Inipon ko ang aking natirang lakas upang makatayo sa sofa. Mabilis kong inihakbang ang aking mga paa papalabas ng bahay habang abala ang mga ito sa kusina.

Parang kanina lang, natutuwa ako habang papunta sa opisina ni Vincent. Parang kanina lang, naiinis pa ako nang maiwan ang ginawa kong keyk at ibang babae ang nakapagbigay sa may kaarawan. At parang kanina lang, kausap ko pa si Vincent sa cellphone. Kay layo ng mga naganap na ito kumpara sa mga nangyayari sa maghapon.

Walang lingunang tumatakbo ako papalapit sa may malaking pinto. Nanginginig pa ang aking mga daliri nang pihitin ko ang tarangkahan kahit pa nakatali pa rin ang dalawa kong mga kamay.

Nakadama ako ng pag-asa nang tuluyan kong mabuksan iyon at maaninag ang liwanag buhat sa labas.

Subalit bago pa man ako makahakbang muli, may kung sinong humihila sa aking mahabang buhok papasok sa bahay. Hindi ako makalaban sa labis na pananakit ng aking anit at sa tindi nang pagkakahila nito. Puwersahan akong pinaglakad paatras, papasok ng bahay. Nang maramdam nito na nagpupumiglas ako, roon ako hinila ng isahang bagsakan na punong-puno ng puwersa. Napasubsob ako sa sahig. Nauna ang aking ulo at likod sa malakas pagbagsak.

Hindi ako makahinga nang magtama ang aming mga mata. Nagulantang ako sa katotohanan na ayaw ko sanang paniwalaan.

"Aling Medring," tawag ko sa matandang paunti-unti ko nang pinagkakatiwalaan. "Bakit ho, Aling Medring?"




Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon