kabanata xxvi. tatlong araw

118 11 4
                                    

Takipsilim
Kyrian18

TATLONG ARAW
(Part 1)

NAPAKUYOM ANG AKING mga kamao habang nakaupo sa isang maliit at malambot na upuan sa sala. Tatlong araw na ang nagdaan magmula nang bumisita sila Henry at Yllaine sa condo ni Vincent. Tatlong araw na rin kaming hindi nagkikibuan ng taong iyon. Sa tatlong araw na ilang beses akong nagpapaliwanag, ilang beses akong lumalapit, at ilang beses akong nagsusumamo na ako'y kaniyang pakinggan, subalit nanatiling sarado ang pag-iisip ni Vincent sa anumang salita na bibitiwan ko.

Mabigat ang aking loob. Bagsak ang dalawang balikat at hindi ko na mabilang pa kung ilang beses na akong nakapagbuntong-hininga. Ilang oras na rin akong ganito -- nakatulala, nakamasid sa kawalan, at nanghihina.

Ganito pala ang magmamahal ng tunay -- mas madaling malungkot, mas marupok, at binibigyan ko ang iba ng pagkakataong saktan ako.

Napapikit ako sa kirot na namumuo sa aking puso. Kung may nais mang sisisihin sa lahat ng naganap ay wala ng iba kundi ang puso kong wala man lamang pagbigay ng babala na ito'y magmamahal pala ng iba. Pakiwari ko ay nalinlang ako ng sarili kong damdamin. At ngayon ay pinaparusahan ako nang sobra-sobra.

"Vincent," tawag ko sa kaniyang pangalan nang matanaw ang pigura sa may awang ng pintuan. "Nakauwi ka na pala."

Hindi niya ako pinansin na para bang wala itong nadinig. Nag-alis lamang siya ng sapatos at inilagay sa may gilid at dire-diretsong naglakad papunta sa kaniyang kuwarto.

Mistula akong sinakluban ng langit at lupa dahil sa kaniyang mga malamig na pagtrato at kakaibang pakikitungo.

Mayroon na lamang akong apat na araw upang mabuhay. Mabilis naubos ang tatlong araw na iyon sa pighati at sama ng loob.

Awtomatikong napatayo ako sa aking kinauupuan at walang imik na sinundan ko siya. Ramdam ko ang kaniyang sama ng loob. Dama ko ang bigat ng kaniyang emosyon dahil may isa siyang bagay na hindi niya nagustuhan.

"Vincent!" muli kong tawag sa kaniyang pangalan. Naghintay ako ng ilang segundo habang nakatayo sa harapan ng nakasaradong pinto ng kaniyang silid, ngunit walang sumasagot. "Hindi mo ba talaga ako naiintindihan? Kung bakit sinadya kong sagiin ang orange juice ni Henry?"

Wala pa ring pagtugon.

Ito na naman ako. Muli kong binuksan ang paksang ayaw na ayaw niyang madinig subalit dito kasi kaming dalawa'y hindi nagkakaunawaan.

"Ito ba ang talaga ang nais mo? Iyong hindi ako kikibuin? Iyong hindi mo kakausapin? Iyong ayaw mo akong pakinggan?" Isinandal ko na ang aking noo sa pinto. Nakayuko. Nagsusumamo.

Wala pa ring epekto. Nagkukulong na naman siya sa kaniyang kuwarto kagaya ng mga nakaraang araw.

"Hindi mo ba ako mapapatawad?" halos mapiyok na ang boses ko sa aking isinambit. "Hindi mo ba ako mapapatawad?"

Umaalingawngaw pa rin ang katahimikan ng buong paligid. Mas masakit pa ang nangyayaring ito kaysa isipin na hindi ako kayang mahalin ni Henry noon.

"Vincent," tawag ko na naman. "Patawad kung ang puso ko'y nagmamahal ng iba at hindi kay Henry."

Hindi na ako makahinga. Nanginginig ang aking buong katawan sa labis na kalungkutan.

Mabigat ang aking pakiramdam na pumasok sa kabilang kuwarto at isinubsob doon ang aking mukha sa malambot na unan. Nag-uunahang pumatak ang mga luha sa aking mata. Hinayaan kong mabasa ng luha ang dalawa kong pisngi. Hinayaan ko ang aking sarili sa ganoong sitwasyon nang ilang oras. Hinahayaan kong yakapin ng dilim ang anumang positibo pa sa aking pananaw.

🍁🌺🍁

WALA AKONG MAANINAG nang iminumulat ko ang aking mga mata. Napako ang aking tingin sa kisame na halos ay hindi ko na maaninang pa sa labis na dilim. Dahan-dahan akong bumalikwas sa higaan at napatingin sa pinto na may kaunting awang. Hindi ko pala naisara kanina.

Inilapat ko ang aking mga paa sa malamig na sahig at walang ganang naglakad papalapit sa pinto. Bukas ang ilaw sa labas. Sinipat-sipat ko pa buhat sa may awang na iyon si Vincent ngunit wala ito roon. Baka muli na naman itong nagkulong sa kaniyang kuwarto.

Kailan kaya niya ako kakausapin? Kapag naubos na isang linggo? Kapag patay na ako?

Napabuntong-hininga ako ng malalim. Napakuyom ang aking kamao sa dilim. Hinangad ko na nasa maging masaya at may saysay ang natitirang isang linggo ng buhay ko kasama siya ngunit ito'y mistulang isang magandang panaginip na lamang.

Binuksan ko ang ilaw at sinisipat-sipat ang hindi kalakihang itim na back pack sa nakasabit sa dingding. Tama na ang kahangalan na ito. Sinasaktan ko lamang aking aking sarili.

Kinuha ko iyon saka binuksan ang maliit na drawer na pinaglagyan ko ng mga importanteng gamit -- pera, mga natira pang mga ginto, at kasama ang ATM na nakapangalan sa kaniya. Mabilis kong inilagay ang mga iyon sa aking sisidlan at maingat na naglakad palabas ng aking silid.

Palinga-linga muna ako -- kaliwa't kanan -- at saka dire-diretsong naglakad papunta sa may sala. Nanlaki pa ang aking mga mata nang makita ang malapad na likod ni Henry na nakatayo roon na wari'y may kinakausap sa kaniyang cellphone.

Kaagad akong nagkubli sa isang dingding na nilagyan ng malaki at mamahaling vase sa may gilid at palihim na nakinig sa usapan.

"Na-i-book mo na ba ang plane ticket ko?" wika ni Vincent. "It's urgent. Huwag mo kalimutan ang details na binigay ko sa 'yo."

Napatakip ako ng bibig sa pagkagulantang. Hindi ako nakapaniwalang may balak pa lang umalis si Vincent nang hindi man lamang nagsabi sa akin. Ni wala ngang binanggit paalam sa akin na iiwanan niya ako sa condo na ito.

Bakit pakiramdam ko ay hindi na ito makatarungan para sa akin?

"I want it by morning. Hindi mo na kailangan pang alamin kung bakit. You're just my secretary. Just do what I say. And please, e-mail it to me as soon as possible."

Nanlambot ang aking mga tuhod. Pinigilan kong huwag umiyak. Bukas na ang alis niya. Ang bilis. Alam ko naman na wala lamang ako sa buhay niya. Alam kong galit na galit siya dahil hindi ko naigayuma si Henry. Pero, bakit naman ganito? Sapat ba ang galit na iyon upang iwanan niya ako nang tuluyan sa ere? Kung sa tingin niya ay pagkakamali ang pagpili ko sa kaniya kaysa sa aking sariling kaligtasan, sana huwag naman ang huling mga araw ko ay ganito kapait.

"Oo nga pala, pakisama sa e-mails ang aking sched for the whole week. Thanks."

Hindi ko na napakinggan pa ang mga pinagsasabi niyang iba sa kaniyang sikretarya. Ayaw kong namnamin ang sakit subalit wala akong magawa. Kusa itong nanunuot sa aking nagdurugong puso na abot hanggang kaluluwa.

Hindi niya ako iniibig, sapagkat walang nilalang na magbibigay ng ganitong kaparusahan sa taong kaniyang pinakamamahal.

Nanatili ako sa gilid ng pader. Napaupo. Napasandal. Nanlulumo sa aking buhay na para bang nawawalan na ng halaga. Kailangan ko nang makalayo sa lugar na ito. Kailangan ko nang huminga.

Ang malas ko pa lang magmahal . . .

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon