kabanata xxxii. ikaw at ako

99 13 1
                                    

Takipsilim
Kyrian18

IKAW AT AKO
(Part 2)

"HINDI MO NA kailangan pang mag-abala." Maiksi ngunit makahulugan ang aking ibinigkas na mga salita.

Magkaharap kaming dalawa sa gilid ng ilog. Naririnig ko ang marahang lagaslas ng tubig-tabang subalit mas nananaig ang lakas ng kabog ng aking puso na wari'y lalabas na sa aking dibdib. Hindi ko na kailangan pang sambitin kung sino ang isinisigaw nito.

Sa kaniyang mga titig pa lamang ay natutunaw na ako. Seryoso ang dalawa niyang bilugang mga mata na nakapokus sa akin. Naglaho ang ngiti sa mapupula niyang mga labi. Katulad ng hangin, malamig .

"Iyon ba ang naiisip mo kapag magkasama tayong dalawa? Na isa kang malaking abala? Seryoso, Zatira?"

Napahalumikipkip ako sa kaniyang harapan. "Hindi ba totoo? Muli kong sasabihin ito sa 'yo, hindi ka na dapat nag-abala pa."

"Iyan talaga ang pinaniniwalaan mo? Na isa lang abala sa buhay ko?" Kalmado pa rin ang kaniyang boses subalit bahadyang tumataas na rin ang boses ni Vincent. "Sa tingin mo talaga ay gano'n kababaw ang tingin ko sa 'yo?"

"Kung hindi mababaw, sige . . . pabigat."

Nagpakawala si Vincent ng buntong-hininga. "Kailangan ko bang magsabi sa 'yo kung ano ang takbo ng puso't isipan ko? Kailangan ko bang ilahad 'yan sa 'yo isa-isa?"

Natigilan ako sa sunod-sunod niyang tanong. Humakbang siya papalapit sa akin. Napaatras ako.

"Zatira," mahinahon niyang tawag sa aking pangalan. "Mahirap magsabi ng mga salita kung nakasanayan ko nang maging ganito. Mahirap bang magtanong? Sasagutin ko naman 'yan. Pero ni minsan, hindi ka nagtanong." Rumehistro sa mukha ni Vincent ang kalungkutan.

Sa unang pagkakataon, napagmasdan ko siyang mahina at nawawalan ng kompiyansa sa sarili. Nasasalamin sa kaniyang mga mata ang kaparehang paghihirap na mayroon ako ngayon. Nais ko sanang abutin ang kaniyang kamay ngunit mas pinili kong titigan ang madilim na kalangitan.

"Sa dinami-dami nating napagdaanan, kailan ka pa naging abala sa 'kin?" mahina niyang sambit. "Simula nang dumating ka sa buhay ko, no'ng makita kita sa bus papuntang Manila at pinayagan na tumira sa bahay ko, lahat iyon ay ginusto ko at hindi abala. Ginusto kong makasama ka. Ginusto kong magkaro'n ng sakit ng ulo dahil wala kang kamuwang-muwang sa kalakaran ng mundo ng mga tao. Kahit lagi kitang nasisermunan at nasusungitan pero ginusto ko pa ring turuan ka at mamulat sa desisyon mong maging mortal. Hindi ka naging abala, sapagkat ginusto kong maglaan ng oras ko -- minu-minuto, segu-segundo -- na kinalaunan ay nakasanayan ko na pala. Hindi ka pabigat."

"Vincent--"

"Alam mo kung bakit hindi kita pinapakinggan sa tatlong araw na 'yon? Dahil ni minsan . . . ni isang beses ay 'di mo ko naitanong kung maayos ako. Kung masaya ba ako. Kung nasasaktan na ba ako. Sa tatlong araw na hindi kita pinapansin, 'di mo alam kung paano ako mabaliw sa kuwarto. Nasasaktan ako sa bawat tawag mo ng pangalan ko ngunit 'di mo naririnig ang malakas na paghiyaw ng puso ko para sa 'yo. Hindi ako ang nawalan ng halaga para sa 'yo. Ikaw 'tong naging manhid sa akin, mahal ko."

Halos napanganga ako sa kaniyang winiwika. Umurong ang aking dila habang nanatiling nakatingala sa kaniyang mukha. Malulungkot ang kaniyang mga mata na halatang ilang araw nang walang matinong tulog. May kaunting balbas na din ito.

Wala akong magawa nang hinila niya ako sa kinabig sa matipuno niyang dibdib. Marahan niya akong niyayapos. Sa malamig na simoy ng hangin na malayang sumasayaw sa aming dalawa. Napasinghap ako sa paglapit ng kaniyang katawan sa akin. Pakiwari ko'y hindi naman pala ganoon kalayo ang aming mundo.

Ang init ng kaniyang katawan, kumpara sa akin. Mabigat ang aking loob, subalit nakaramdam ako ng kagaanan ng loob sa kaniyang mga bisig.

"Hindi ako galit sa iyo sapagkat hindi mo nagawa ang ating plano," muli nitong pag-uumpisa. Halos ay pabulong na lamang ito sa aking mga tainga. Hinimas-himas pa ni Vincent ang aking buhok. "Galit ako sa sarili ko, Zatira, dahil wala akong maitutulong sa problema mo. Galit ako na hindi ako ang kailangan mo. Hindi ko 'yon matanggap at kahit ilang beses kong pinagdikdikan ka kay Kuya Henry, ako 'tong unang nadudurog. Ako 'yong unang nasasaktan. Hindi ko kayang maglaho ka nang  gano'n-gano'n lang. Kahit labag man sa 'kin, alam kong 'yon ang tama."

Hinayaan ko siyang magsalita nang magsalita at ilabas ang sariling saloobin, na hindi niya kadalasang ginagawa, na baka ngayon ko na lamang madidinig. Hinayaan ko ang aking sarili na tangayin ng kaniyang winiwika na wari'y rumaragasang ilog na ginusto kong malunod kasama siya.

Naramdaman ko ang mas lalong paghigpit ng pagkapulupot ng kaniyang braso sa akin. Ang lalong pagdiin. Ang mabigat niyang pagbuntong-hinga. Nais kong magtagal ang init na hatid ng kaniyang presensiya na nababatid kong pansamantala lamang.

Napapikit ako. Nakasandal ang aking baba sa kaniyang kanang balikat. Nananahimik. Nakikinig. At ninanamnam anh bawat sandali.

"Ikaw," aniya. "Ay parang magandang takipsilim na pinipilit na huwag kakabigin ng kadiliman. At ako . . .  ako ang iyong dilim pagkatapos ng takipsilim, na siyang magbibigay sa iyo ng walang kasiguraduhang hinaharap. Hayaan mong yakapin kita ngayon, at masabi ang mga bagay na hindi nasasabi sa 'yo dati,  sapagkat baka ito na ang huli . . . baka wala ng susunod."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon