epilogo

137 14 0
                                    


Pinaghalong kalayaan at kahangalan, napayakap ako sa aking sarili habang nakatayo sa gilid ng mahaba at lumang tulay na gawa sa kahoy. Kagaya ng dati, naninibago pa rin ako. Malayo sa nakagisnan. Malayo rin ang aking tingin – kasing layo ng aking kagustuhang makarating sa puso niya – na siyang dahilan kung bakit ako nandito nang pansamantala . . .

Unang sulyap ang aking pinukaw sa isang lalaking matatagpuan sa tabing-ilog. Nakatayo ito roon na para bang kay layo ng kaniyang iniisip. Hindi ko na kailangan pang magkubli. Iisa lamang ang p'wedeng makakita sa ganito kong anyo. Ipinapagaspas ko ang aking mga pakpak papalapit sa kaniyang gawi. Huminto ako at tumayo sa malaki at malapad na bato na matatagpuan sa pinakagitna ng ilog. Maganda ang kulay ng tubig na repleksiyon ng iba't ibang mga kulay ng ulap sa kalangitan.

Katulad ng aking sapantaha, napalingon siya sa akin. Ang kaniyang mga matang dismayado na nababalutan ng kalungkutan ang siyang nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang magpakita pa. Masakit man kung iisipin subalit masaya pa rin ako na kahit papaano ay kaya na naming tandaan ang isa't isa.

Ang nais ko lamang ay maging kaniyang abian na handang gumabay at prutektahan siya sa anumang oras. Iyon na lamang ang tangi kong magiging papel sa buhay ni Vincent. Kahit ano pa man ako sa buhay ng mortal na ito, ikinalulugod kong tatanggapin. Kung isang takipsilim man ang aking katauhan para sa mortal na aking iniibig, pipilitin kong maging liwanag sa dilim kasama siya.

Nagtama ang aming mga mata. Kay raming nais kong sabihin subalit nanatili akong nakatayo roon at pati rin naman siya. Ganoon pa rin ang kaniyang epekto sa puso kong nangungulila sa kaniyang pagmamahal.

Mapait ang aking mga ngiti habang ikinakaway ang aking mga kamay bilang tanda ng pamamaalam. Isang tipid lamang na ngiti ang kaniyang isinukli. Marahil ay matagal pa bago maghilom ang mga sugat at bago makamit ko ang inaasam kong kapatawaran. Kahit iyon muna. Kahit wala na iyong pagmamahal.

Laking gulat ko nang nanatili pa ring nakatayo roon si Vincent at biglang inilahad ang dalawa niyang mga kamay sa akin. Napagitla ako. Napatigil. Nakapokus ako sa dalawa niyang mga palad na nasa ere. Hindi ako makapaniwala. At sa mga oras na iyon, mas tumagal ang ngiti sa kaniyang labi.

Wala akong magawa. Agarang bumilis ang tibok ng aking puso. Kusang gumalaw ang aking katawan dahil na rin sa kagustuhan nitong makalapit kay Vincent. Muli kong ipinapagaspas ang dalawa kong mga pakpak. Nakangiti habang tumutulo ang mga luha sa aking mga mata. Lumipad ako papunta sa kaniyang gawi . . .  papalapit sa kaniya.

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon