kabanata xxiv. tamang pagkakamali

130 13 5
                                    

Takipsilim
Kyrian18

TAMANG PAGKAKAMALI

TUMATANGIS ANG KALANGITAN sa dis oras ng gabi. Tinakpan ng makakapal na ulap ang mga maningning na bituin na wari'y kaparehas ng aking malungkot na mga matang nakatingala at nakatitig sa kawalan. Hindi ko na rin maaninag pa ang buwan katulad ng aking misyon na natatakpan na rin ng mga agam-agam at ilang katanungan sa aking sarili. Nawawalan ng kalinawan ang aking pag-iisip. Palayo nang palayo ang distansiya ng aking misyon at ng aking nadarama.

Kay rami ng nangyari ngunit ni anino ni Henry ay wala akong nakita. Hindi ito nagpunta ng bahay. Hindi dumalaw ng ospital. Ni wala man lamang kumusta. Umaasa ako sa isang katiting na pag-alala sana na manggagaling dito pero kabiguan lamang ang aking natatamo.

Walang Henry.

Napapikit ako sa labis na kalungkutan hindi dahil sa sakit na aking maramdaman sana, kung 'di wala akong nararamdaman na kirot sa aking puso. Nakakabahala ang pagiging manhid kung si Henry na ang pag-uusapan. Walang panlulumo, galit, o panibugyo kahit nababatid kong may iniirog itong iba.

Niyayakap ang aking sarili habang nakatingala sa labas, kaharap ang buong pader na yari sa salamin. Blangko ang lahat. Ang gabi. Ang lamig ng silid. Ang maulap na kalangitan. At ang ang aking sarili para sa taong iyon.

Kailan ko pa ba ito nagsimula? Kailan pa ako nawalan ng pakialam? Hindi ako makasagot.

Tumatangis pa rin ang langit. Sa bawat pagbuhos ng ulan ay malaya nitong isinisigaw sa mundo na nalulungkot din si Bathala.

"Vincent?" istorbo ko sa lalaking nakaharap sa kaniyang laptop para sa kaniyang trabaho. "Iyong sinasabi ko patungkol sa nais mong makarating sa aming mundo o ang kahilingan mong huwag mahalin si Henry, hindi ba mga biro lamang ang mga iyon?"

"Bakit mo naman 'yan naitanong?" aniya habang nagtitipa pa rin sa keyboard ng laptop niya. "Hindi mo dapat binibigyan ng pansin ang mga bagay na ikagugulo lang ng 'yong utak. Gawin mo lang ang gusto mo. Susuportahan naman kita."

Palagi naman, subalit ano'ng klaseng suporta ba ang nais ko?

Muling ibinaling ang aking pokus sa labas ng bintana, sa gawing ibaba ng mahigit sa tatlumpong palapag. Samu't saring mga kulay ang aking nakikita sa mga ilaw ng kalsada, sa ibang mga gusali, at kung anu-ano pa.

"Buhay na buhay ang gabi kahit sa kalagitnaan ng ulan," mahina kong turan.  Inilapat ko pa ang aking palad sa salamin. "Sana ganito rin ang buhay ko."

"Buhay na buhay naman." Napagitla ako sa presensiya ni Vincent sa aking likuran. Hindi ko iyon naramdaman. Wala akong nadinig na kahit isang yapak na lumapit sa akin. "Mas pinili mo lang na huwag buhayin," dagdag pa niya.

Mas malapit ang kaniyang boses kumpara kanina.

Kaagad akong naalarma subalit hindi ko na lamang siya pinansin. Hindi ako lumingon. Pinagmasdan ko siya sa gilid ng aking mga mata. Bakit nga ba ako nagkakaganito sa kaniyang presensiya?

Ang utak ko'y nagugulumihan na kawangis ng puso kong hindi ko na rin maunawaan.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kalmado kong tanong. Mas pinili kong pagmasdan ang pagtulo ng ulan sa bintana.

"Hindi mo siya minamahal, 'di ba? Napilitan ka lang. Naniwala ka lang na mahal mo siya, pero hindi mo siya minamahal."

Napatigil ako sa ibinigkas ni Vincent. Kusa ko siyang nilingon at hinarap. Naramdaman ko ang kakaibang titig niya sa akin na para bang hinihimok niya ang aking mga mata na huwag lumingon sa ibang direksiyon.

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon