kabanata vi. ikatlong mata

132 11 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

IKATLONG MATA

"NAKITA MO SIYA?" seryosong bungad sa akin ni Vincent. "Nakita mo si Ate, 'di ba?"

Kunot ang aking noo at salubong ang dalawang kilay habang nakikinig sa sunod-sunod nitong katanungan.

Ate?

Kapatid ba niya ang babaeng iyon?

"Kaya ba narinig kitang tumitili sa kuwarto? Kaya ba nakita kitang namumutla?" dagdag pa nitong turan, kahit hindi pa ako sumasagot sa nauna.

Ito kaagad ang kaniyang unang bungad habang kumakain kami ng hapunan. Dalawa lamang kami sa mahabang parihaba na mesa. Kung hindi ako nagkakamali, yari ito sa Narra, na inukitan ng magandang disenyo.

Napayuko ako. Bukod pa sa pinagmasdan ko ang pabilog na lagayan ng pagkain, hindi ko rin alam kung paano gagamitin ang sinasabi nilang kutsara't tinidor. Paano ba ako kakain gamit ang mga ito?

"Zatira," tawag nito sa aking pangalan. "Nakikinig ka ba?"

Napagitla ako at tiningnan ko siya sa kaliwang bahagi ng mesa. Mahigpit kong hinawakan ang kutsara. Nakakawala ng gana kapag ganito ang paksa habang nasa harapan ng hapag-kainan.

"Naniniwala ka pala sa multo?"

"Bakit hindi?"

Mariin ko siyang pinagmasdan ngunit nasasalamin sa dalawa niyang mga mata ang pagiging seryoso nito.

"Bakit mo ba sa akin pinagpipilitan na kapatid mo ang itim na multong iyon? Sana man lang nagpasabi ka na may nagmumulto sa kuwartong iyon at nang hindi ako magulantang."

"Ibig sabihin, nakita mo nga si Ate?" paggigiit niya. May kung anong bahid ng kalungkutan ang kaniyang mga mata pero kaagad din namang naglaho.

Baka nga, guni-guni ko lamang iyon.

Hindi ko lubos-akalain na napakamanhid ng mortal na kaharap ko. "Kakain ba tayo o guguluhin mo ako?"

Natahimik siya sa aking tinuran. Imbes na kamustahin niya ako sa nangyari, mas nauna pa talagang sisiyasatin niya ako patungkol sa multong iyon.

Sa kabilang banda, napapahinuha rin ako. Totoo kayang kapatid niya ang nagpakatiwakal na babaeng iyon? At bakit kaya nito kinitil ang sariling nitong buhay?

"Kumain ka na muna," patutsada niya. "May pag-uusapan tayo mamaya."

Napataas ang kilay ko habang wala pang nilalagay sa kahit anong pagkain sa plato ko.

Hindi pa ba ito pag-uusap para sa kaniya?

Wala na akong ganang kausapin pa si Vincent pagkatapos ng hapunan.

"Wala ba kayong prutas?" pag-iiba ko ng paksa. "Mga prutas lamang ang nais kong kainin."

Kasi iyon lamang ang karaniwan naming kinakain sa kaharian ng mga engkantado. Subalit hindi ko na iyon kinakailangan pang bigkasin.

"Hindi mo ba nagustuhan ang adobong manok ni Aling Medring?" pagtatakang wika ng aking katabi. "Ni hindi mo nga sibukang tikman ang ulam."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon