kabanata xxii. salapi at pagkakilanlan

145 10 0
                                    

T A K I P S I L I M
Kyrian18

SALAPI AT PAGKAKILANLAN

SA ILANG ARAW na nagdaan sa aking buhay bilang isang tao, may iilan akong napagtanto sa aking sarili.

Una, ang lahat ay naiikot at nabibili sa tinatawag nilang pera na yari sa papel o nikel. Hanggang ngayon ay hindi ko pa mawari kung bakit gano'n kababaw mag-isip ang mga mortal sa sinasabi nilang kayamanan.

Pangalawa, hindi nila pinapahalagahan ng tama ang mga bagay na mas kinakailangan ng respeto at pagmamahal -- hangin, tubig, lupa, at lahat ng kalikasan na biyayang hatid ni Bathala.

"Samahan mo ko sa labas." Napagitla ako nang madinig ang boses ni Vincent sa kaliwang bahagi ng hilera ng mga rosas.

Natagpuan niya akong nagdidilig ng mga bulaklak sa kaniyang hardin. Ito na ang isa sa mga libangan ko habang abala si Vincent sa pagtatrabaho.

Napahinto ako sa pagdidilig at hinarap siya. "Saan tayo pupunta? Kay Henry ba?"

"Iyong ilan mong ginto, ipapalit natin sa pera para makagalaw-galaw ka. Kapag may pera ka na, mabibili mo na ang gusto mo."

"Kapag may pera na ba ako, mabibili ko na ba si Henry?"

Umiiling-iling siya sa aking harapan. "Hindi nabibili ng pera ang pag-ibig."

Nag-iwas ako ng tingin at nagpokus sa mga bulaklak.

"Kulay kalimbahing mga rosas," ani ko na malayo sa paksa. "Sana katulad ng mga mga rosas, iisa lamang ang kulay ng aming kagustuhan."

"Na hindi nangyayari," mapaklang turan ng katabi ko. "Bakit ka ba kasi naghahabol kay Kuya Henry?"

"Para mabuhay . . . "

"Bakit? Iisa lang ba ang daluyan ng inyong mga hangin sa ilong? Nagsalo ba kayo ng iisang puso? Zatira, hindi ka mamamatay kung mawawasak ang puso mo. At hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan mong sundin ang bawat pintig niyan. Kaya nga tayo ay may utak para makapag-isip. Gamitin mo 'yan minsan at maalala mo na mas mahalaga pa pala ang ibang mga bagay kaysa sa pag-ibig."

"Magkaiba tayo, mortal. At batid kong hindi mo alam ang ibig kong sabihin. Mamamatay ako kung hindi niya ako mamahalin." Mas madiin ang paghawak ko ng tubong may tubig. "Hindi katulad niyo na kahit ilang beses kayong magmamahal ay ayos lamang."

Minsanan lang kami kung magmahal lalo na kapag mga babaeng engkantong katulad ko.

"Baka nakalimutan mo, Zatira, na tao rin si Henry. Hindi lang kayo nag-iiba ng pagkatao, pati na rin sa pakiramdaman."

Hindi na ako makapagsalita pa laban sa maanghang niyang mga salita.

Kapag ba magpapaliwanag ako, magagawa ba niya akong intindihin?

Sa labis kong inis, pinukos ko ang aking hawak na tubo sa gawi ni Vincent at patay-malisyang binasa ko siya kasama ng mga rosas.

"Zatira! Ano ba!" singhal niya sa 'kin. "Hindi ka ba tumitingin ng maayos? Magdilig ka nga ng mabuti. Basa na tuloy ang T-shirt ko."

"Huwag ka kasing paharang-harang."

Inirapan ko siya kahit napansin ko na ang pagkaapaw ng kaniyang pagkayamot sa akin sabay napangisi ako nang palihim.

Buti nga sa kaniya!

"Sinadya mo 'to! Tsk."

Talaga . . .

"Magbihis ka na rin pagkatapos mong magdilig," madiing dagdag nitong pagkakabigkas.

Nagkibit-balikat lamang ako.

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon