kabanata vii. misteryosang lola

160 11 2
                                    

Takipsilim
Kyrian18

MISTERYOSANG LOLA

"BAKIT DIYAN KA natulog?"

Nagmulat ako ng mga mata habang umalingawngaw ang boses ni Vincent sa kabuuan ng sala. Umaga na pala. Kay bilis naman ng oras sa mundong ito.

"Nagsabi ka sana na matutulog ka sa sofa para nakakuha ako ng unan o kumot mo man lang," segunda pa niyang sambit.

Napabalikwas ako sa aking pagkakahiga sa malambot na sofa.

Inayos ko ang aking buhok upang maibsan ang pagkabuhaghag, kinalikot ang mga mata upang magtanggal ng muta, at hinila ang laylayan ng aking palda na kulay asul. Tumayo. At humarap ako sa kaniya.

"Ayaw kong matulog sa kuwarto na iyon," matamlay kong wika. "At nababatid mo kung bakit."

"Sa susunod, katukin mo ako sa kuwarto. Kung 'di mo kayang matulog do'n, puwede ka naman sa kuwarto ko."

Napangiwi ako sa suhestiyon niya. "Magkasama ang babae at lalaki sa iisang silid? Hindi pa naman ako nawawalan sa katinuan."

"Ang berde ng utak mo, Zatira."

"Berde?" kunot-noo kong tanong. "Kailan pa naging berde ang utak ng mga tao?"

Pinaglalaruan ba ako ng isang ito?

"Hays," pailing-iling niyang reaksiyon, na hindi ko maunawaan. "Ang ibig kong sabihin, kung natatakot kang mag-isa sa kuwarto, puwede kang matulog sa kama ko at do'n na lang ako sa sahig."

Hindi na ako kumibo pa bilang hindi pagtugon. Walang masama sa suhestiyon ni Vincent subalit mas mainam na huwag magtiwala sa isang estranghero lamang kahit na nagbigay pa ito ng kabutihan sa akin.

"Pasensiya ka na kahapon," ani Vincent, na bigla na lamang nagbago ng paksa. "Limang taon na simula nang nangyari ang trahedya kay Ate Annie. Nakakatandang kapatid ko siya."

"Puwede ko bang malaman kung ano ang nangyari sa kaniya?" Napuno ako ng kuryosidad.

"Hindi ko rin alam," mabilis niyang sagot. "Maayos kami ni Ate. Kaya 'di ko maintindihan kung bakit niya 'yon ginawa. Nakita ko na lang ang walang buhay niyang katawan na nakalambitin sa kisame ng kuwarto niya."

Kagaya ng aking nakita . . .

"Kung may rason man ito upang magkaganiyan," pahayag ni Elliott. Huminto ito sa pagsasalaysay at tiningnan ako ng mariin. "Depresiyon daw ang kaniyang sakit. Iyon din ang paliwanag ng doktor at mga pulis. Nagpakamatay daw si Ate dahil sa matinding kalungkutan."

Isang sakit na pala ng mga mortal ang masidhing emosyon na iyon. Ang rurupok ng mga nilalang na ito, hindi lamang pala katawan ang mahihina sa kanila kundi pati ang pag-iisip at emosyon.

"Gusto ko sana na makausap si Ate at--"

"Hindi ako gusto ng ate mo sa pamamahay na ito," pagtigil ko sa anuman sasabihin pa niya. "Huwag mo na lamang siyang itanong pa sa akin sapagkat ayaw niya akong manatili rito. Mas maigi kung ibigay mo na lamang ako kaagad kay Henry at nang hindi na ako pagmumultuhan pa ng iyong kapatid."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon