kabanata xxi. habilin ng multo

112 11 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

HABILIN NG MULTO

NANGANGATOG ANG AKING dalawang tuhod habang pinagmamasdan ang lalaking paunti-unti akong kinakalagan sa mga kamay, binti, at paa. Hindi ako makatingin nang direkta. Nakatarak pa rin ang kutsilyo sa may noo nito. Malayang tumatagaktak ang pulang likido nito sa katawan hanggang sa sahig. Ni isang beses ay hindi ko naisip na sa ganitong paraan ako makakataas.

Parang gusto kong masuka sa kahabag-habag na anyo ng bangkay na gumagalaw na naayon sa kagustuhan ni Annie.

Kapag ganito na kalakas ang isang kaluluwa ay mas matindi na ang pagkakapit nito sa masidhing poot at labis na kagustuhang makapaghigante. At kung hindi ito hihinto ay maglalaho na rin ang natitirang katinuan nito hanggang sa tuluyan nang kukunin ng kadiliman ang natitirang liwanag na mayroon.

"Tumakas ka na, Zatira," sambit ng lalaking kasalukuyang ginagamit ni Annie ang katawan. "Hindi kita makakalagan kung multo ako. Ako na ang bahala sa mga natira. Dumaan ka sa bintana."

"Annie--" pagdadalawang-isip kong tawag. "Kung ipagpapatuloy mo ito, maglalaho ang iyong kaluluwa sa oras na mahanap ka ni Kamatayan."

"Huwag mo na akong pangaralan pa kung matagal ko nang alam ang mga bagay na 'yan."

"Pero--"

"Wala na tayong oras!" paalala nito sa akin. Umaalingawngaw ang ingay habang sinisira ng dalawang pang lalaki ang pinto ng aking silid, sa utos na rin ni Aling Medring. "Mas kailangan mong mabuhay sapagkat buhay ka pa. Hindi katulad ko, matagal nang yumao at hindi matahi-tahimik. Hayaan mo na ako, Zatira. Ginusto ko ito. Pagod na rin ako. Gusto ko nang matapos ang lahat."

Akma ko pa sanang siyang debatehin subalit malakas ang puwersa nang pagkakatulak niya sa akin papalapit sa bintanang nakabukas. Napasubsob ako roon. Dama ko ang sakit na iniinda ko na lamang.

"Tumalon ka na, Zatira!" utos niya sa akin pero parang ayaw gumana ng mga tuhod ko. Nanginginig ang aking mga kamay at paa habang pinagmamasdan si Annie.

Nabutasan na ng mga nanloob ang pinto habang nakadungaw pa rin ako sa bintana. Tantiya ko ay dalawang palapag ang layo ko sa lupa. Napatigil ako roon habang kinabahan sa anumang mangyayari. Nagdadalawang-isip. Paano ako makababa ng ligtas?

"Magbabayad kayo!" sigaw ni Annie, kaharap ang mga ito. Dahan-dahang naglalakad ang bangkay papalapit sa dalawang taong rumehistro ang labis na pagkagulantang sa mga nagaganap. "Ang dapat sa inyo ay mamatay!"

Nasulyapan ko pang napaatras ang dalawang nanloob. Nanlaki ang mga mata nito habang nakatuon ang atensiyon sa naglalakad patungo sa gawi ng mga ito.

"J-Jeff! Jeff! Kami 'to! Huwag mo 'tong gagawin," pag-aalangang turan ng isa. "Sino ang may gawa sa 'yo niyan? Dadalhin na namin sa ospital."

"Paano ka nakakalakad pa, Jeff?" tanong naman ng isa pa. Katabi nito si Aling Medring na maluha-luha ba ang mga mata.

"Diyos ko! Ang apo ko! Ang apo ko!" sigaw ni Aling Medring na para bang nais nitong lapitan ang bangkay ngunit hindi magawa-gawa. "Ano'ng nangyari! Diyos ko! Jeff, apo ko!"

Napatigil ako sa bintana habang tinitingnan ko silang lahat sa kabilang sulok -- may nagdadalamhati at may uhaw sa hustiya.

"Marunong pa lang tumawag ng Diyos ang katulad mo?" ani Annie na napangiti ng pagak. "Hindi ka ba kinikilabutan, Aling Medring? Hindi ka ba nahihiyang tawagin ang ngalan Niya kung isa ka namang kampon ng mga demonyo? Hindi ba dapat kay Satanas ka ngayon hihingi ka ng saklolo?"

Kalmado ang boses ni Annie ngunit dama ng lahat na may lalim ang bawat linya ng salitaan nito. Kinuha nito ang iba pang punyal na nakatago sa mga bulsa nang ginagamit nitong katawan. "Ang mga katulad ninyong mga taong walang kuwenta ay nararapat lamang patayin."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon