kabanata xix. planadong kasakiman

90 10 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

PLANADONG KASAKIMAN
(Part 1)

BAGSAK ANG AKING dalawang balikat nang makauwi ng bahay. Napagod ako sa malayong biyahe. Matatagpuan ang bahay ni Vincent sa Maynila at nakarating kami ng Laguna. Hindi ko lubos-akalain na mas mabigat pa pala ang trapiko kapag uwian na.

Kabaliktaran man ang nangyari sa nais ko sanang maganap ay masaya na rin ako kahit paano para kay Vincent. Kung masaya siya ay nagagalak na rin ako. Iyon naman talaga ang importante. Nakakatawa at may ganito akong emosyon ngayon. Nasanay akong maging mas makasarili lalo na at isa akong prinsesa. Ngunit nabago niya ito nang hindi pinipilit o sinasadya.

Napabuntong-hinga ako bago ako bumaba ng sasakyan. Nauna pa akong nakababa kaysa kay Aling Medring. Hindi ko na siya hinintay pa at dumiretso akong naglakad patungo sa aking kuwarto.

Kami lamang ang umuwi sapagkat nagpaiwan doon si Vincent kasama ang babaeng iyon na nagbigay ng cake. Ang sabi ni Aling Medring ay mauuna na raw kaming umuwi dahil mag-iinuman pa raw si Vincent ng mga katrabaho niya na siyang nagpawala ng gana sa akin nang husto.

Padabog kong isinara ang pintuan ng aking kuwarto at ibinagsak ang aking katawan sa malambot na higaan na kakapalit lamang ng bedsheet. Isinubsob ko ang aking mukha sa unan at hinayaan na ganoon lamang ang aking posisyon nang ilang minuto.

Nalilito ang aking isipan. Naguguluhan sa aking ikinikilos. Hindi ko rin maipaliwanag ang mabilis na pabago-bago ng aking emosyon sa tuwing iniisip ko ang mortal na iyon.

Habang hindi pa ako tapos sa aking pagbulay-bulay, nadinig kong tumunog ang aking cellphone na nasa aking bulsa.

Matamlay ko 'yong kinuha at binasa.

One Message Received

Nag-aalangan akong buksan iyon. Simula nang binigyan ako ng cellphone ni Vincent ay hindi ko pa nagagawang tawagan si Henry. Nagdadalawang-isip pa rin ako. Sa tanang buhay ko, roon lamang ako nakaramdam ng kaduwagan -- harapin ang misyon, at alamin kung ako ma'y bigo o hindi.

Sana ko na lamang iyong puproblemahin kung ano ang aking magiging konkretong plano. Magkikita kami ni Henry sa Linggo. May ilang araw pa ako upang paghandaan ang lahat

Muling tumunog ang aking cellphone.

Humugot ako ng lakas ng loob sa kung saan at saka pinindot ang laman ng mensahe.

Vincent:

Nasaan ka?

Bakit bigla ka na lang nawala?

Hindi ka man lang nagpaalam.

Napataas ang aking kaliwang kilay sa nabasa. Nakapagtataka. Bakit niya ako hinahanap ngayon kung pinapauwi na niya ako kanina?

Mas lalo lamang akong naguguluhan at saka muling binasa ang kaniyang mga mensahe. Nagsimula akong hanapin ang mga letra sa keypad at pinindot-pindot iyon.

Zatira:

Nasa bahay.

Ganoon lamang kaiksi ang aking tugon. Hindi pa rin ako sanay na magpipindot ng kahit ano'ng letra rito. Mas madali pa rin ang magbasa kaysa sa magtipa.

Vincent:

Bakit?

Zatira:

Ano'ng bakit?

Vincent:

Ang gulo mo kausap, Zatira. Tatawagan na lang kita.

Napatahip ako ng mukha sabay napahagod ng buhok nang muling tumunog ang hawak-hawak ko pa ring cellphone.

Bigla na lamang bumilis ang pagtibok ng aking dibddib habang binabasa ang pangalan nito sa screen.

Vincent is calling . . .

Napakagat pa ako ng labi. Nag-aatubili mang pindutin iyon ngunit ginawa ko pa rin.

"Hello," sambit ng kabilang linya. Nakalagay ang cellphone malapit sa aking kanang tainga. Kay sarap pakinggan ng baritono niyang boses -- buo, kalmado, at maganda ang timbre. "Zatira?"

"Hello..."

"Ano'ng nangyari sa 'yo?"

"Ano'ng ibig mong sabihin? Hindi ko maunawaan ang iyong itinuran. Wala namang nangyari sa akin. Maayos kaming nakauwi ni Aling Medring."

"Bigla ka na lang nawala kanina. Hindi mo man lang ako hinintay para sabay na sana tayong uuwi. Napagastos pa kayo ni Aling Medring."

"Hindi nga kita maunawaan. Bakit kita hihintayin? Ang sabi mo raw ay may inuman kayo kaya mauuna na kaming uuwi."

"Ha? Sino ang may sabi?"

"Si Aling Medring," mabilis kong sagot. "Kayo itong nag-uusap, bakit mo ako ngayon tatanungin?"

Nagkasalubong ang aking dalawang kilay habang nakadikit pa rin malapit sa aking tainga ang cellphone.

Doon na ako nanahimik at pati na rin si Vincent sa kabilang linya. Napasulyap pa ako sa kisame na parang mas malayo pa roon ang aking tinatanaw.

"Zatira," seryosong turan ng aking kausap. "Nasaan ka sa bahay?"

Napakunot ang aking noo sa kakaiba nitong tanong.

"Nasa kuwarto," malamya kong tugon. "Saan ba ako dapat?"

Nakinig ako ng pagbuntong-hininga sa kabilang linya. "Pauwi na ako," aniya.

Pigil ang aking pahinga nang marinig ko iyon sa kaniya. May kung ano'ng lumandag sa puso ko. Lihim akong natutuwa.

"Hindi ka na magsasaya?" paninigurado ko. "Alam mo ang gulo --"

Napahinto ako sa aking pagsasalita nang madinig ang lakas ng kalabog buhat sa ibaba. May kung anong gamit na nabasag sa sahig at umalingawngaw iyon abot hanggang sa aking silid.

"Zatira? Nandiyan ka pa ba? Bakit ka napatigil? Ano'ng nangyayari?"

Pakiramdam ko ay natutuyuan ako ng laway. "O-oo. M-May naririnig akong ingay sa ibaba."

"Siguraduhin mong nakakandado ang kuwarto mo habang pauwi na ako. Huwag kang gagawa ng ingay. Itago mo ang phone mo. Huwag na huwag mong papatayin ang tawag ko, maliwanag?"

Napagitla ako sa boses niyang may bahid na pag-alala.

Pabilis nang pabilis ang pagpintig ng aking puso na wari'y nakadadarama na rin ng panganib.

Wala ako sa aking sarili nang bumalikwas ako sa aking pagkakahiga at mabilis na naglakad papunta sa gawi ng pinto. Ipipihit ko na sana iyon nang biglang may humarang na kamay sa awang ng pintuan at itinutulak iyon.

Nanlaki ang aking mga mata nang bumungad sa labas ng pinto ang dalawang kalakihan na hindi ko kilala. Kapwa ang mga ito ay mas matangkad sa akin at nababalutan ng itim na tela ang buo nilang mukha.

Sa hindi kalayuan ay natatanaw ko si Aling Medring na hinahawakan ang kanang braso nito ng isa pang lalaki. Hindi ako makahinga nang makita ang kalunos-lunos nitong kalagayan. Tumutulo ang presko nitong dugo sa mukha at iilang parte ng katawan.

Napaatras ako. Nakaalarma ng panganib. Umuurong ang aking dila habang nasa tainga ko pa rin aking cellphone.

"Zatira . . . nandiyan ka pa ba?"

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon