kabanata xxvii. lihim ng nakaraan

110 14 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

LIHIM NG NAKARAAN

HINDI KO LUBOS akalain na muli akong hahawak ng ticket sa bus at magamit ang ID na kasama kong ginawa sa una kong mahika.

Mahigpit kong niyayakap ang aking bag na nakalapat sa aking mga hita at marahang nakapatong ang ulo ko roon sa dis-oras ng gabi. Pakiramdam ko mabibiyak na ang aking ulo sa labis-labis na pag-iisip. Nakaupo ako sa plastik na upuan na nakahilera sa gilid ng terminal ng bus at ramdam ko ang tiyan kong kumakalam na sa gutom.

Wala pa pala akong tanghalian at hapunan. Kahit hindi ako kinakausap ni Vincent ng ilang araw ay palagi siyang nag-iiwan ng pagkain sa mesa. Subalit dala na rin ng sama ng loob ay hindi ko magawang kumain.

Bukas pa ng umaga ang biyahe kaya wala akong magawa kung 'di ang magpalipas ng gabi rito. Habang iniiisip ko ang tagal ng oras ay mas lalo akong nakakaramdam nang panghihina ng katawan. Kailangan ko nang magpahinga at makahanap ng pagkain. Kailangan ko ng makapal na kasuotan para matakluban ang manipis kong shorts at T-shirt at nang hindi na ako lalamigin sa malamig na simoy ng hangin. Ngunit, ang totoo niyan, wala akong ibang kailangan sa mga oras na ito kundi si Vincent. Si Vincent na may galit sa akin. Si Vincent na hindi ako maintindihan. At si Vincent na hindi pinapahalagahan ang mga natitirang araw ko.

"Ang buhay mo'y tila ba pinaglalaruan ng tadhana." Dinig ko ang pamilyar na baritonong boses na iyon. "Nag-iisa ka na naman, mahal na Prinsesa."

Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang dating tamawo na minsan nang nagkrus ang mga landas naming dalawa.

"Kabiguan ba ang iyong natamo kaya ika'y magbabalik sa ating mundo?" usisa pa niya.

Sobrang lapit niya nakatayo sa aking harapan. Mistulang naging bato ang aking katawan sa labis na nerbiyos. Naalarma. Dama ko ang panganib. Bakit ngayon pa?

Bakit ayaw akong tantanan ng kamalasan?

Palinga-linga akong naghahanap ng mga taong sa paligid upang mahingian ng saklolo. Wala ng Henry. At mas lalong wala na rin Vincent. Mas kumirot ang puso kong inaalala ang lalaking iyon.

"Hindi ka na dapat nandito pa sa mundong ito, Prinsesa Zatira. Ang mundo ng mga tao ay mundo ng samot-saring hinagpis, masidhing kalungkutan, kaliwa't kanang pagtataksil, at labis-labis na kahirapan. Hindi ito ang ang nababagay sa katulad mong maharlika." Marahan ang pagkakawika nito. Kalmado ang boses na para bang wala itong ginawa sa akin noon.

Nakahinga ako nang mapagtantong wala itong nilalabas na punyal upang takutin ako. Mali rin ang inaakala kong kakaladkarin ako ng tamawo palayo at pipiliting isama sa mundo ng mga engkanto. Kataka-takang umupo ito sa aking tabi, bandang kaliwa. Nakakuyom ang mga kamao niya na hindi ko maunawaan. Wala na rin iyong dati niyang nanlilisik na mga mata. Nakakapanibago.

"Papatayin mo na ba ako?" direkta kong tanong hatid ng kuryosidad. "Payuko akong nagsalita. Tinititigan ang mga paa kong nakasuot lamang ng tsinelas na kulay asul. "Wala na akong kinatatakutan ngayon. Kung nais mo akong paslangin, sige lang."

Sapagkat nasa bingit na rin ng kamatayan ang aking buhay . . . wika ko sa aking sarili.

"Bakit ko papaslangin ang prinsesang nag-aagaw-buhay na?"

Napagitla ako sa kaniyang sinambit. Nakikiramdam pa rin ako sa kaniyang presensiya na tila ba'y malaki ang pagbabago, hindi kagaya noong unang araw nang pagtapak ko sa terminal na ito.

"Paano mo nalaman?" bulalas kong tanong.

"Ang kaluluwa mo'y humihiyaw. Dinig na dinig ko."

Kumunot ang aking noong lumingin sa kaniyang gawi. "Masyado kang malalim, tamawo."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon