kabanata xvii. iwas kamangmangan

110 9 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

IWAS KAMANGMANGAN

SA ILANG ARAW kong pamamalagi sa teritoryo ni Vincent, may ilan na akong natututunan at naooserbahan. Nakakasabay na ako sa iilang banyagang salita na madalas ay nababanggit dahil sa kakapanood ng TV, ang pagluto ng simpleng lutuin kagaya ng pritong itlog at magsaing na si Vincent mismo ang nagturo, at ang paggamit ng iilang teknolohiya sa bahay kagaya ng pagpatay ng ilaw, electric fan, panunood ng DVD, paggamit ng microwave oven, pagsaing sa rice cooker, at iba pa.

Sa aking sapantaha ay nagbabago ako nang paunti-unti -- naging mas maalam sa gawaing mortal at hindi na ganoon kapabigat sa puder ng pansamatalang tirahan ko. Salamat sa kaniyang sermon at pagtatiyaga.

Ang puso ko'y nagagalak sa maliit na pagbabago na ito at nais ko pang matuto nang matuto. Pakiramdam ko ay isa itong malaking hakbang upang hindi magmukhang mangmang sa mundong ito.

"Pag-aralan mo nang maigi ang cellphone na regalo ko sa 'yo," turan ni Vincent.  "Chat and calls. Kahit doon na muna ang aralin mo para mas mabilis mo akong makontak. Hindi iyan kamahalan. At hindi ko ginamit ang pera mo."

Nasa sala kaming pareho. Naabutan niya akong seryosong nanunuod ng movie sa bago niyang downloaded sa usb. Movie, download, at usb ay iilan lamang sa mga salitang natutunan sa paglipas ng panahon.

Tuloy-tuloy pa rin ang eksensa ng palabas subalit nakapokus na ang aking atensiyon sa binigay niya sa akin.

Isang beses ko lamang siya tiningnan na halatang kararating lamang din ng bahay. Inusisa kong mabuti ang kauna-unahang regalo ng isang mortal sa akin. Malamig at medyo may kabigatan ang maliit at parisukat na cellphone na aking hawak-hawak.

Apat lamang ang nasa harapan ng screen; phonebook, messages, camera, at messenger.

Pinindot ko ang phonebook, dala ng aking kuryosidad. Dalawang pangalan lamang ang naisulat doon -- pangalan ni Vincent at kay Henry. Sa ibaba ng kanilang mga pangalan ay may mga numbero.

Nilapitan niya ako at sinipat-sipat kung ano ang aking napindot.

"'Yan ang phonebook. Nilagyan ko na ng pangalan ni Kuya Henry. Kung nais mo siyang kilalanin o kakausapin, p'wede na."

"Talaga?"

"Bakit? Duda ka? Subukan natin. Pindutin mo ang pangalan ko," suhestiyon niya.

Nagdadalawang-isip man, pinindot ko pa rin ang kaniyang pangalan.  

Kaagad tumunog ang cellphone ni Vincent na nakalagay sa harapang bulsa ng kaniyang itim na pantalon.

Kinuha niya ito at pinakita sa akin at nakarehistro roon ang aking pangalan na tumatawag. Sumilay ang kaniyang mainit na ngiti. Pantay-pantay ang mga ngipin ni Vincent, na siyang nagpadagdag sa angkin nitong kaggwapuhan.

Pinindot niya ito at sabay inilapit sa kaniyang tainga. "Hello . . . Uhm. Gayahin mo 'ko."

"Hello?" wika ko habang tinitingnan lang ang cellphone sa aking palad.

"Hindi ganiyan," pagtatama niya. Napasinghap ako nang dumampi ang kaniyang palad sa aking kamay na may hawak ng cellphone. Dahan-dahang nilapat niya ito sa aking kanang tainga. "Ayan . . . ganiyan. Tapos saka ka magsabi ka ng hello."

"Hello," isa pa niyang sambit na pinanlakihan ko ng aking mga mata.

"Mahabaging Langit! Nadidinig kita!"

"Oo naman," aniya. "Kahit lalayo pa ako sa iyo, madidinig at madidinig mo ako."

"Ang galing naman ng teknolohiya na ito. Kamangha-mangha!" patutsada ko, habang nakikita ko si Vincent na lumabas ng sala at patungo sa may veranda.

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon