kabanata xxxv. nalimutang alaala

118 14 3
                                    

Takipsilim
Kyrian18

NALIMUTANG ALAALA

NANANAIG ANG PAGIGING emosyunal ng lalaking nais kong lapitan ngunit ayaw humakbang ng aking mga paa.

"Nananahimik kayo ngayon dahil totoo ang mga sinasabi ko!" singhal ni Vincent. "Makasarili at hindi masyadong iniisip ang kapakanan ng iba."

"Anak, utang na loob. Pakinggan mo kami ng mama mo," pagsusumamo ng kaniyang ama. Nanatili itong nakatayo sa tabi ng asawang humihikbi na rin.

"Hindi, Pa. Ayokong makinig. Ang akala ko kasi bihag kayo ni Mama sa mundong 'to kaya ginusto kong makarating dito, pero maling-mali pala ang inakala ko."

"Anak," pagsusumamo ng kaniyang ina. "Huwag mo naman kaming ganituhin ng papa mo. Mahal na mahal ka namin."

"Mahal na mahal pero pinabayaan lang." Ngumiti si Vincent ng mapakla at saka ako nilingon. Tiningnan niya ako nang makahulugan at saka nagbawi ng tingin. "Gusto ko nang umuwi."

Kay pait naman pagmasdan ng una nilang pagkikita pagkatapos ng mahabang panahon. Napakuyom ako sa aking kamao. Maiksi lamang ang oras nang itatagal ni Vincent sa aming mundo ngunit mas pinairal niya ang kaniyang sama ng loob at hinanakit.

"Ayaw mo bang manatili rito?" suhestiyon

"Maling tao ang sinisisi mo, mortal." Ang lahat ng tingin ay nakapokus sa haring nagsasalita ngunit kalmado pa rin ang maamong hitsura. "Hindi kasalanan ng iyong ama na manatili sa aming mundo. Produkto lamang siya ng isang sakripisyo."

"Ano'ng ibig mong sabihin?" kunot-noo kong tanong sa hari. "Paano naging isang sakripisyo ang ama ni Vincent?"

"Wala ka ba talagang matandaan?" patutsada ni Zubil. "Nasabi ko na sa 'yo sa biyahe ang katotohanan na 'yan."

"Ikaw, Prinsesa. Ikaw ang dahilan ng lahat."

Napagitla ako sa itinuran ng aking kapatid.

"Kailangan nang isauli ang mga nalimutan niyong alaala," suhestiyon ni Kuya Miel. Bago pa man ako makahuma sa mga salita nito, kusang gumagalaw ang tubig sa batis sa aming harapan.

May iilang patak ng tubig ang lumulutang sa ere at kasabay nito ay iwinagawayway ng kapatid ko ang kaniyang kamay. Sinadya nitong inihulog ang iilang patak na iyon sa aming uluhan ni Vincent.

Napatingala ako nang mapansin na ang tubig ay nagmistulang naging liwanag bago pa man ito makadampi sa aking buhok. Mainit sa pakiramdam. May kung ano'ng kakaibang enerhiya ang nakapaloob dito dahilan upang mapatigil ako habang ninanamnam ang kirot ng aking ulo.

Iba't-ibang imahe ang aking nakikita at naglalabasan sa aking kaisipan. Mga aalala patungkol sa akin at ng isang batang nanliligaw sa aming mundo -- si Vincent.

🍁🌺🍁

"PAKIUSAP MAHAL NA Prinsesa," pagsusumamo sa akin ng isang engkantog hindi pamilyar sa akin. "Parusahan mo na lang ako at hindi ang aking anak. Wala pa siyang kamuwang-muwang sa kaniyang ginagawa."

Ang batas ay batas. Hindi na dapat iyan mababali kahit na sino.

Napatingin ako sa batang mortal na nanginginig sa takot. Nakahandusay ito sa sahig pagkatapos ko siyang hambalusin ng aking hawak-hawak na latigo. Puno ng pasa ang buo nitong katawan. Sa mura nitong edad ay hindi ko ito nakitaan ng takot na mapatay. Nakikita ko iyon sa kaniyang mga mata na nakatitig sa akin.

"Isang kalapastangan sa aming batas ang pumuslit sa lagusan upang makarating dito nang walang pahintulot. Nararapat lamang na siya'y ikulong sa mundong ito bilang parusa."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon