kabanata xix. planadong kasakiman

99 10 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

PLANADONG KASAKIMAN
(part 2)

NABUBUHAY AKO SA paniniwalang hindi ganoon kamapanakit ang mga mortal -- na wala silang kakayahan na maging mas brutal pa kumpara sa aming lahi, sapagkat wala silang kapangyarihan katulad namin. Subalit iba ang hatid ng mapusok sa pangangailangan at kasakiman. Mas mapeligro. Mas kailangang mag-ingat.

"Nasaan ang mga pera at mga alahas?" tanong ng isa sa tatlong lalaki na nakapasok ng bahay. Nakatutok sa aking leeg ang bitbit nitong punyal. Nanlilisik ang dalawang mga mata nitong nakatitig sa akin.

Mahigpit ang kanilang pagkakagapos sa aking kamay. Nais ko mang kumalas ay hindi ko magawa-gawa. Pinilit nilang paupuin ako sa sofa sa may sala pagkatapos nila akong kaladkarin palabas ng aking silid. Natatanaw ko pa si Aling Medring na nawalan ng ulirat. At ang tanging pag-asa ko lamang ay si Vincent na hindi ko na alam kung nasaan ngayon.

Nagpakawala ako ng buntong-hininga nang maalala ang cellphone kong binasag nila sa aking harapan kanina. Pakiwari'y nawasak din ang aking puso dahil iyon pa naman ang unang regalo na binigay ni Vincent sa akin. Ngayon wala na, hindi ko na magamit. Kahit siguro bibili ako ng bago at mas mahal ay hindi pa rin nito mapantayan ang nauna.

Mga tampalasang mortal!

Sila ay wari'y nasa dilim ng pagpapahalaga at hindi nila maaninag kung ano nga ba ang bagay na dapat mas binibigyang diin at pinapahalagahan. Ganoon at ganoon pa rin sila kababaw.

"Uulitin ko ba, Miss, ang tanong ko? Nasaan -- Ang -- Mga -- Alahas -- At mga pera?!" Sinadyang binagalan nito ang pagbigkas. Mas mataas ang boses. Mas madiin ang pagkakasabi.

Napaangat ako ng tingin at wala akong balak na yumuko. Takot ang namayani sa aking katawan ngunit hindi ko iyon pinapahalata.

Kailangan kong maging mas matapang pa.

"Boss, walang pera sa kuwarto ng babaeng 'yan!" pahayag ng kasama sa may dulo ng hagdanan, at saka bumaba.

"Paanong walang pera? Anak ng inutil! Halughugin niyo pa!" padabog nitong bulyaw nang sinulyapan nito ang nagsalita. Sa tono nito ay hindi ito kumbinsido sa tinuran ng kasama.

Nilayuan ako ng lalaking may punyal at mabilis na hinampas ng kamay nito ang porselanang vase sa nakalagay sa gilid ng sala. Nabasag iyon nang tumama sa sahig at umalingawngaw ang ingay nito kabuuan ng sala.

"Naka-lock ang kabilang kuwarto. Ang hirap buksan!" ulat ng isa pa na kakasilip lang sa may hagdanan.

"Tanga! E 'di gawan mo ng paraan!" paghuhumerentado nito. "Lumang bahay lang 'to! Lumang pinto! Lumang kahoy! Sirain mo na!"

"Hindi, Boss," tutol ng isa, nakapakamot pa sa ulo. "Iba 'to. Ang tibay talaga. Parang kahoy lang sa harap pero bakal ang likod. Gano'n katigas."

"Putang ina!" pagmumurang sigaw ng kanilang lider. "Ako na ang titingin sa kuwarto na 'yan! Kayo na ang bahalang magbantay rito sa baba."

Nagpalit ang mga ito ng posisyon. Sinamahan ng isa ang lider ng mga ito papunta sa gawi ng kuwarto ni Vincent. Ang natira naman ay nagsilbing mga mata sa pagitan nang pagbabantay sa amin ni Aling Medring at pagsulyap sa labas kung may paparating.

Lumipas ang ilang minuto ngunit hindi pa rin nakakababa ang mga ito. Sinulyapan ko pa buhat sa aking tagiliran ang natira na nagawa pang magsigarilyo sa harapan ng sugatan na matanda. Kahit limang metro ang layo ko sa kanila ay nalalanghap ko pa rin ang amoy ng sigarilyo.

Maya-maya pa'y nakaramdam ako ng panlalamig sa ihip ng hangin at pagtaasan ng mga balahibo sa aking batok at mga braso.

Pigil ang aking paghinga nang isa-isang namamatay ang lahat ng ilaw sa bahay. Agarang bumabalot ang kadiliman sa aking katawan. Wala akong maaninag maliban sa ilaw ng buwan na sumisilip sa bintanang hindi kalayuan.

Palakas nang palakas ang simoy ng hangin na pumapasok sa loob. Malaya nitong tinatangay ang mga puting kurtinang nakasabit sa mga bintanang bukas. Umalingawngaw ang ingay ng larawan nang malaglag ito sa dingding at nabasag ang salamin sa sahig. Ang ibang mga gamit ay kusang gumagalaw. Dinig ko ang paggalaw ng mga iyon sa dilim.

Natigang ako sa aking kinauupuan. Nagpalinga-linga ang lalaki sa mga kababalaghan na naganap. Sabay kaming napatingala sa itataas ng kisame na malapit sa may bintana. Nanginginig ang katawan ng lalaking nakapokus sa isang pigurang nakalutang sa ere.

At bago pa man ako makahuma, nagsisigaw-sigaw na ito na para bang nawawala sa katinuan.

"Mu-Multo! M-May multo!" pautal-utal nitong sigaw. "D-Diyos ko po! May multo!

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon