kabanata xxv. huling mahika

114 10 2
                                    

Takipsilim
Kyrian18

HULING MAHIKA
(part 2)

"KUMUSTA SI NANAY RESING?" dinig kong kaswal na tanong ni Vincent sa kaniyang pinsan. "Pasensiya na, Kuya. Hindi ko na nasamahan pa si Nanay. Kakabakasyon ko lang sa Leyte."

Wala akong imik na pinagmasdan silang lahat. Palipat-lipat ang aking tingin habang hindi pa rin ako mapalagay sa mga susunod na magaganap.

"Nakaka-miss ang lahat, ano?" sabad ni Yllaine. Pangiti pa itong dinampot ang orange juice sa mesa na si Vincent ang naglapag at namahagi. "Lalo na 'yong banda sa amin. Maganda at malinis ang ilog. Malapit sa bundok. Malapit sa dagat. Sariwa ang hangin. Mapayapa." Tuluyan na nitong nilagok ang kulay kahel na likido. Tatlong lagok lamang ang ginawa nito sabay muling ibinababa ang baso sa mesa.

"Hindi ko alam na taga-Leyte ka pala," ani Vincent. Napagitla pa ako nang dumaan pa ang paningin niya sa akin ng makahulugan bago tiningnan si Yllaine. "Wala namang sinabi si Kuya. Kababayan ka pala namin."

Tila ba'y namumula pa yata ang mga pisngi nito bago tumango kay Vincent. "Doon ako ipinangak. Nag-aral din ng elementary, pero rito na ako nagtapos. Transfer student na 'di na nakabalik. Oo nga pala, belated happy birthday. Hindi kita nabati sa mismong date. Kanina ko lang din nalaman. Si Henry na ang nagkuwento. Inaya niya ako rito."

"Gano'n ba? Salamat." Tinungga pa niya ang orange juice at saka muling nagsalita. "Hindi pala sinabi sa 'yo ni Kuya? Dapat mayro'n talaga tayong outing sa Laguna.Ah kaya pala hindi na halata."

"Hala! Hindi ko 'yan alam." Nasaksihan ko muli ang nangangamatis nitong pisngi habang napatingin sa gawi ni Henry na para bang walang reaksiyon ang mukha nito sa binanggit ni Vincent kay Yllaine. "Totoo ba 'to, Henry?"

Tumango lamang ito bilang pagtugon.

Patango-tango na rin ang aking katabi sa bandang kanan. "Kaso hindi natuloy. Actually, bayad na ang buong resort."

"Sayang naman. Hindi ba 'yon refundable?"

"Hindi ko sure, e. Sa totoo lang, hindi ko pa natatawagan ang resort. Isa pa, tapos na ang date. Pumunta man tayo o hindi, magbabayad pa rin. Di bale, may susunod pa naman siguro. Maiba ako, saan ka naman sa Leyte?"

"Plaridel"

"Talaga? Taga-Plaridel din kami. Sa Sitio Mahayahay."

"Ang lapit!" bulalas ni Yllaine na hindi maikakailang natutuwa ito sa kuwentuhan nila ni Vincent. "Taga-Sitio Suba kami. Nasa paanan kami ng bundok. Nakakatuwa. Alam mo ba nasa bandang itaas lang ang Sitio niyo sa amin pero hindi pa ako nakarating doon?"

"Gusto mo bang magbakasyon sa Leyte? Mag-set tayo ng date. Let's see kung available ka."

"Gusto ko sana kaso--"

"May sinabi pala si Nay Resing sa 'yo, Vincent," sabat ni Henry na para bang bigla na lamang din itong naging mas seryoso ang mukha. Kapansin-pansin na naglaho rin ang ngiti ni Yllaine sa mungkahi ni Vincent.

"Ano naman, Kuya?" Napalingon kaming tatlo sa gawi ni Henry.

Hindi pa rin ako nagsasalita habang kinukuha ang baso ng juice na nasa bandeha. Nakatitig ako roon. Ninamnam ang lamig na nanunuot sa aking balat, na hatid ng yelo na lumulutang sa loob ng baso.

"Ang sabi niya, gusto ka niyang puntahan dito nang mabalitaan namin ang nangyari kaso hindi niya kaya. Isa pa, bababa raw siya ng bundok para makasagap ng signal at matawagan ka."

"Hindi na dapat siya nag-abala pa. Naiintindihan ko naman si Nanay. Magpahinga na lang siya ro'n. Mas kailangan niya 'yon kaysa sa ma-stress pa siya rito." Kumuha na rin si Vincent ng isang baso ng juice at nagsimulang inumin iyon.

Mas napadiin ang pagkahawak ko sa baso. Sa gilid ng aking mga mata, pinagmasdan ko si Vincent. Isa na lamang ang baso na naroon. At malamang ay kay Henry iyon. Hindi pa nga ako nakakakainom ng juice ay napapalunok na ako ng laway.

"Kung may kailangan ka, tumawag ka lang, Vincent," suhesiyon ni Henry. "Alam mo namang tayo-tayo na lang din ang nagtutulungan. Sayang at natiyempuha pa ng kamalasan ang birthday mo. I-celeb na lang natin 'yan kung may pagkakataon."

Nahagip ko pa ang ngiti ni Vincent na agaran ding naglaho sa kaniyang mukha.

"Zatira," tawag naman sa akin ni Henry sa aking pangalan. Nagtagpo ang aming mga mata. "Pasensiya ka na rin at hindi kita natulungan kaagad. Siguro kung nailipat ka namin ni Vincent ng bahay, hindi mo naranasan ang lahat-lahat sa aming pamamahay." Dama ko ang katapatan sa kaniyang boses ngunit tipid na ngiti lamang ang aking itinugon.

"Hindi mo na kailangan pa ang isang paumanhin. Wala ka namang kasalanan at nababatid kong isa lamang din akong pasaway na tao. Kaya hindi ka na namin inabala pa," pagsisinungaling ko.

Ang totoo niyan, ilang araw din akong naghintay. Hinintay ko siyang makilala niya ako. Hinintay ko siyang magpakita. Magkagusto. Iibig. At maging akin. Subalit mahirap nang agawin ang pagmamay-ari na ng iba.

Hindi na katulad ng dati ang lahat. Wala na iyong pananabik kong marinig ang aking pangalan sa bibig nito. Wala na ang masidhing epekto ng presensiya nito sa akin. Naglaho ang kilig na dati'y wala nang masidlan. Wala na rin ang init ng pagmamahal na inakala kong walang hanggan.

"Ang weird," muling sabad ni Yllaine. Nakangiti ito na para bang aliw na aliw sa akin. "Ngayon ko lang napansin na ang lalim mo pa lang managalog. May ganiyan pa pala. Kakaiba ka, Zatira."

"Ayaw niya sa Ingles," ani Vincent na napasulyap sa akin. "Weird talaga ang babaeng 'to."

"Ayaw mo bang bumalik sa pamilya mo, Zatira? Tiyak hinahanap ka na nila." Tinititigan ko ang kaniyang mga mata habang iniisip ang minumungkahi nito sa akin. Kinuha na rin ni Henry ang kahuli-hulihang baso na nasa bandeha at saka muling nagsalita. "Hindi kita ji-na-judge kung bakit ka naglayas o kung bakit ayaw mong umuwi, pero kung gusto mong bumalik na sa Leyte, sabihin mo lang din."

Napatigil ako roon. Hawak-hawak ko pa rin ang aking basong hindi ko pa nauubos ang laman. Hindi ako nagkakamali, nasa huling baso inilagay ni Vincent ang aking pangatlong mahika. Ang mahikang paibigin ang sinumang makakakuha nito. At mas makamandag pa ang epekto nito kaysa sa gayuma. Sa oras na lalagukin ni Henry ang orange juice ay walang dudang iibigin na ako nito nang tuluyan. Maisakatuparan na rin ang aking misyon sa mundo ng mga tao, sa wakas.

At kasunod nito ay ang paglilinis ng aking pangalan sa aming kaharian -- na hindi ako taksil na prinsesa, na mali ang nakasaad sa aking kapalaran.

Mistulang bumagal ang oras nang unti-unting nilalapit ni Henry ang baso ng orange juice sa kaniyang mga labi. At sa bawat pag-iksi ng espanyo sa pagitan ng mahika ko at sa taong kailangan kong mapaibig ay siya namang pagkadurog ng aking puso. Ang maiksing distansiya na iyon ay nagbigay din sa akin ng pakiramdam na malapit na ring matuldukan ang anumang namamagitan sa aming dalawa ni Vincent.

Masaklap mang maituturing ang kahahantungang ito, ngunit sapat bang piliin ang buhay kung ito'y titimbangin laban sa tunay na pag-ibig?



Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon