kabanata xxv. huling mahika

112 11 0
                                    

Takipsilim
Kyrian18

HULING MAHIKA
(Part 1)

GANITO BA DAPAT magtatapos ang lahat sa pagitan naming dalawa ni Vincent?

Ilang beses kong pinapaintindi ang aking sarili kung ano ba dapat o mas importane sapagkat naghuhurementado ang puso ko sa aming naging plano.

Titig na titig ako sa ginawa kong orange juice para sa aming apat -- sa akin, kay Vincent na minamatyagan ang aking bawat kilos, kay Yllaine na inaya niya sa bahay, at kay Henry na siyang pinagplanuhan namin ni Vincent na makarating sa condo.

"Kailangan mong mabuhay," untag ni Vincent habang nasa kusina kaming dalawa. Sinundan niya pala ako rito. "Naiintindihan mo naman ang sinasabi ko, 'di ba?" Sumasalok ito ng tubig sa water dispenser gamit ang bitbit niyang babasaging baso. Hindi niya ito pinuno at mabilis na ininom iyon.

Nanginginig ang aking mga kamay. "Paano mabubuhay ng tama kung magsisimula sa isang paglilinglang? Hindi kita maunawaan, mortal! Nais mo akong mabuhay pero hindi mo naman pinapakinggan ang hinihiyaw ng aking puso. Ano'ng klaseng nilalang ka?" nagtatagis ang mga bagang na sikmat ko.

"Saka ka na magdrama, Zatira. Huwag ka rito. Pumunta ka sa sala. Nandoon si Kuya Henry," sambit niya na may malamig na tono ng boses. Tinulak-tulak pa niya ako palabas ng kusina. "Huwag kang magsasayang ng oras."

"Pero--"

"Wala ng pero-pero!" asik niya. "Nagamit mo na ang pangatlo mong mahika. Pitong araw na lang ang itatagal mo. Huwag ka nang mag-inarte pa."

Inirapan ko siya.

"Ako na ang magdadala ng tray ng juice," suhestiyon pa ni Vincent. "Hinahanap ka ni Kuya Henry."

"Ano ngayon kung hinahanap niya ako? Hindi ko na nga siya kailangan!"

"Heto na naman tayo. 'Di ba pinag-uusapan na natin 'to?"

"Oo nga," sagot ko habang napahalumikipkip na sa kaniyang harapan. "Pero pinilit mo ako. Hindi ito ang aking nais bagkus ay kabaliktaran."

Ibinaba ni Vincent ang hawak-hawak niyang baso na halos pabagsak pa sa tiles ng lababo. "Zatira, ibabalik na naman ba natin ang usapan? Sige na. Alis na rito."

"Bakit ayaw mo akong intindihin? Ayaw ko nga, e. Ayaw ko. Hayaan mo na ako sa mga nais ko." Naninikip na naman ang aking dibdib sa aking mga tinuran. "Hindi ko kailangan si Henry. Ang kailangan ko ay ikaw."

Natigilan si Vincent sa aking tinuran na walang halong pag-iimbot. Ang akala ko'y mauunawaan niya rin ako na siya lamang ang hinihilng kong makasama subalit mas nanaig ang panlalamig ng mga titig nito sa akin.

"Sa tingin mo bang papayagan ko 'yan, Zatira? Hindi ka mamamatay. Kung may paraan naman, gawin na natin."

Nagtama ang aming mga mata. Pursigido siya kahit ilang beses kong pinagdidiinan na hahayaan ko na si Henry. Na hindi ko na hahabulin. Na hindi na ako aasa. Subalit ayaw niyang intindihin kung anuman ang nais kong ipaintindi.

Bagsak ang aking dalawang balikat. Napayuko ako sa sahig.

"Hanggang dito na lamang ba tayo?"

Narinig ko pa ang malalim niyang buntong-hininga. "Walang tayo, Prinsesa. Walang hanggang dito kasi wala naman talagang umpisa. Kalimutan mo na ang lahat sa pagitan nating dalawa. Magpokus ka sa kung ano ang dapat. At hindi ako 'yon. Hindi ako ang kailangan mo. Kaya umalis ka na sa kusina. Ituloy natin ang plano. 'Di ba may pangako ako sa 'yo? Hindi ko 'yon nakalilimutan."

"Vincent--"

"Zatira," tawag niya sa aking pangalan na may halong pagsusumamo. "Hindi ko kayang pati ikaw ay mamamatay pa. Ikaw na lang ang meron ako. Pakiusap. Pumunta ka na sa sala at harapin si Kuya Henry."

Pinamimigay na ba niya ako?

Pakiramdam ko ay tutulo na ang aking mga luha anumang sandali. Nakatitig ako sa kaniyang mga mata na nasasalamin ng kalungkutan. Nais ko siyang hawakan ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Natatakot ako na kapag mahawakan ko si Vincent ay baka hindi na ako bibitiw at aalis sa kaniyang tabi.

"Umalis ka na sa kusina . . . "

Napatigil ako.

Hindi lamang kusina ang pinupunto ni Vincent. Gusto niyang aalis ako pati sa buhay niya -- palayo sa kaniyang bisig, sa kaniyang mundo. Pailing-iling ako habang binabagtas ang palabas ng kusina na mabigat ang puso at lapitan ang dalawa na tila ba'y nagkamabutihan na.

Tipid ang aking ngiti habang palipat-lipat pa ang aking tingin kina Henry at Yllaine na napahinto ang masarap nilang pag-uusap ng dahil sa akin. Umupo ako sa isang sulok ng sala, katapat ni Henry at katabi ng babaeng iniirog niya.

Ilang segundo rin ang katahimikan. Umuurong ang aking dila. Sinulyapan ko ang kusina, ngunit hindi ko natatanaw si Vincent.

"Kumusta ka na?" Si Henry na ang nagbasag ng katahimikan sa sala. "Nabalitaan namin ang nangyari. Kaso wala ako sa Manila nitong mga nakaraang araw. Kakauwi ko lang kahapon."

"Ganoon ba? Saan ka ba nagtungo?"

"Sa Leyte," tugon niya. "Hinatid si Nanay Resing. 'Di kasi ako mapakali kapag siya lang ang mag-isang babiyahe."

Tatango-tango lamang ako. Mistula akong bato roon na nawawalan ng pakialam sa lalaking ito, hindi kagaya noong mga nagdaang araw. Ni minsan ay hindi ko naiisip na hihinto ako sa paghahabol sa kaniya. Na susukuan ko ang gusto ko sanang mangyari. At tataliwas sa mga napagkasunduan namin ni Riyon.

Pinagmasadan ko siya nang palihim. Ganoon at ganoon pa rin ang kaniyang mukha na palagi kong tinititigan sa repleksiyon ng mahiwagang batis. Walang binago ito sa paglipas ng panahon, liban lamang sa mas naging matipuno at makisig ang katawan.

"Miss Zatira, kumusta ka na?" sambit ni Yllaine. "Nakaka-trauma ang nangyari sa 'yo. Mabuti na lang at hindi ka napa'no."

"Hindi ko aakalain na halal ang kaluluwa ni Aling Medring," dagdag ni Henry.

"Iba na ang kinikilalang diyos kung pera na ang pag-uusapan," ani Vincent na umupo na sa aking tabi pagkatapos niyang inilapag ang orange juice sa mesa na nasa aming harapan.

Nagpalipat-lipat ang aking tingin sa pagitan ng magpinsan. Walang kamalay-malay si Henry sa aming plano. Hindi na ako mapakali.

(Itutuloy....)

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon