kabanata x: mga kamalasan

136 12 2
                                    

Takipsilim
Kyrian18

MGA KAMALASAN

NADUDUROG ANG AKING puso habang papalit-palit ako ng tingin sa pagitan nina Henry at ng babaeng kasama niya.

"Vincent, okay lang naman na dito muna si Zatira, 'di ba? Mas ligtas din siya rito kaysa sa iba pang mga lugar," suhestiyon ni Henry.

"Magagalit si Nanay Resing," pagtutol ni Vincent, katabi ko.

"Mas magagalit si Nanay kung isasama ko siya nang wala pang nahahanap na bagong bahay."

Napabusabos ang aking mukha. Ayaw niya talaga akong kunin dito. Lihim kong sinusulyapan ang babaeng dinala ni Henry na hindi rin nagsasalita.

"Sana sinabi mo na lamang na ayaw mo, Henry. Hindi iyong magdadala ka pa ng babae," wika ko sapagkat hindi na ako nakapagtiis.

"Hindi rin namin kasalanan, Miss, kung naligaw ka sa Pasay at kami ang nakapulot sa 'yo."

Tumigil ang puso ko sa pagtibok dahil dito.

"Hindi ba dapat magpasalamat ka na lang na kami ang nakakita sa 'yo at hindi ka natuluyan?" rektahan pa nitong dagdag.

"Tama na 'yan, Kuya Henry!"

Pero huli na ang lahat, nanuot na sa aking puso ang masasakit na salita na iyon na tila ba'y matalas na patalim.

Napapikit ako sa sakit.

"Tutulungan ka namin, huwag kang mag-alala," ani Henry. Nanatili akong nakayuko at nakapokus sa sahig. "Mas maganda kung makahanap ka kaagad ng malilipatan."

Hindi na ako kumibo pa. Pakiwari ko'y may iba sa katauhan ng lalaking ito na hindi ko nahinuha sa umpisa.

Ito pa rin ba ang mortal na nagligtas ng aking buhay noon?

"Mauuna na kami at ihahatid ko pa si Yllaine."

Bumalik ako sa aking wisyo.

Tumayo na si Henry sa pagkakaupo at ganoon din ang babae. Hindi ako makakilos. Nauutal ang aking dila. Hinayaan kong samahan ang mga ito ni Vincent papalabas ng bahay. Hinatid ko na lamang silang lahat ng tingin, at saka umakyat sa may hagdanan at patungo sa aking kuwarto.

At doon sa kadiliman, niyakap ko ang aking sarili. Naghihinagpis. Nasasaktan. Nawawalan ng pag-asa.

"Zatira," tawag sa aking pangalan.

Kapansin-pansin ang pigura ni Vincent sa may awang ng pintuan.

Hindi na ako nagsalita at nanatili sa gano'ng sitwasyon -- nakaupo sa sahig, nakasandal sa may dingding, at nakapulupot ang mga kamay sa aking mga tuhod.

"Zatira," muli niyang tawag habang nagsimula nang maglakad papasok sa loob.

May pinindot siya sa may dingding at bigla na lamang lumiwanag ang kabuuan ng silid.

"Patayin mo ang ilaw," saad ko. "Ayoko ng liwanag. Ayoko ng kahit na ano."

Nakahinga ako nang maluwag nang sinunod niya ang utos ko.

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon