kabanata xxix. kapirasong alaala

126 16 0
                                    

author's note: Maraming salamat sa pagbabasa ng Takipsilim. Wala na lamang itong limang kabanata. Sa wakas, makakatapos na rin ng isa pang nobela. Expect daily updates until Epilogue.

Kung nais niyong mabasa ang istorya nina Henry at Yllaine, basahin ang "Dapit-hapon".

Happy reading!

- Te Ky

Takipsilim
Kyrian18

KAPIRASONG ALAALA

MAHINANG TUGTOG ng musikang Tagalog ang aking unang nadinig nang magkaroon ako ng ulirat. Nakaupo pa rin ako ngunit sa iba ng upuan. Umuuga ang paligid. Nanunoot ang lamig sa aking balat hatid ng aircon na nakatutok sa aking uluhan. Palinga-linga ako sa kabuuan ng bus na mabilis ang pagtakbo dala na rin ng walang trapiko. Sinadyang pahinaan ng tsuper ng sasakyan ang mga ilaw at karamihan ng mga pasahero ay tulog  na.

Nasa bandang gitna ako ng bus -- sa tatlong upang magkakadikit. Namamawis ang salamin na nasa aking kaliwa dulot ng sobrang lamig. Napansin ko rin ang makapal na kumot na nakatabon sa aking katawan. Napatingin ako sa aking kanang bahagi at napagtanto katabi ko roon sa upuan ang walang hiyang si Zubil na napagitnaan namin ni Yixon, ang kaniyang kasabwat.

Kung ganoon ay sumama sila . . .

Isa lamang ang dahilan na pumapasok sa aking isipan -- ang makabalik din ang mga ito sa aming mundo.

Muli akong sumulyap sa salamin ng bus. Nakalapat pa ang aking kanang kamay doon. Tinititigan ko nang maiigi ang labas ng bus -- purong mga puno ang nadadaanan,  walang ilaw o bahay man lamang akong napansin, at pakiwari ko'y lampas na ng hatinggabi.

Delikado kung mag-iisip akong tatakas sa mga ito. Baka mas lalo ko lamang ipahahamak ang aking sarili lalo na't hindi ko na batid kung saang eksaktong lugar na kami ngayon.

"Saan niyo ko dadalhin?" yugyog ko kay Zubil na nakapikit pa rin ang mga mata. Nayayamot pa rin ako ngunit mas nanaig sa akin ang magtimpi. "Papunta ba ito ng Leyte? Sagot! Gumising ka, tampalasan!"

Nagpatuloy ako sa pagyugyog sa matipuno niyang balikat.

"Gising ka na pala, Prinsesa." Nakita ko pang nag-unat-unat ang prinsipe ng mga braso nito habang nakatingin sa akin. "Ang hina na ng iyong katawan. Sa isang simpleng pampatulog, isang araw kang walang ulirat."

Isang araw?

Ganoon na katagal?

"Baka hindi ka papayag kung hindi kami sasama kaya pinaiglip ka na muna namin," ngisi pa nitong dagdag. Inirapan ko ito.

Napahalumikipkip ako sa labis na inis. "Akala niyo ba ay natutuwa ako? Hindi niyo ako kailangang patulugin. Maaari niyo namang itanong sa akin kung ayaw ko o hindi."

"Kilala na kita, Prinsesa Zatira. Kung ayaw mo, ayaw mo. Kung gusto mo, ginagawa mo ang lahat makuha lamang ang iyong nais. At kung hindi ka nakatulog, sigurado akong hindi tayo makakasakay ng bus." Kinakalikot muna ni Zubil ang kaniyang mga mata na wari'y bagong gising at ako pa itong gumambala.

Hindi pa rin ako kumbinsido. "At ikaw naman ang kanang kamay ng dating hari na planado kung kumilos. Hindi mo ako maloloko, Zubil. May iba kang dahilan."

Ngumisi ito sa akin.

"Nasaan na nga pala ang aking ama? May balita ka ba?" pag-iiba ko ng tanong. Bakit ngayon ko lamang ito natanong?

Masyado na ba akong naging makasarili at nagpokus ako sa iisang bagay lamang?

Simula nang maglaho ang dating hari ay naging palaisipan sa buong kaharian ang dahilan ng pagkawala nito. Pinilit naming hanapin si Ama subalit bigo kaming lahat. Mistula siyang naging parte ng hangin na hindi na makita kahit ano pa ang aming gagawin.

"Buhay pa ba ang aking ama, Zubil?"

"Kamuntik na iyon," sabad ni Yixon na nag-iba ng paksa. Kung hindi ka nakatulog, malamang nakuha ka na ni Vincent."

Si Vincent.

Nag-iba bigla ang pagpintig ng aking puso nang madinig ko ang kaniyang pangalan. Nagkatinginan nang makahulugan ang dalawa. Duda kong may tinatagong sikreto ang mga ito na ayaw mabunyag.

"Nakarating siya sa terminal. Hinanap ka niya," dagdag pa nito na kinuha ang maliit na bote na laman ay tubig at mabilis na nilagok iyon.

Inabot ni Zubil ang isang plastik at kinuha ang isa pang bote ng tubig. "Heto, inumin mo muna, mahal na Prinsesa, nang sa gayo'n ay magkaroon ng laman ang tiyan mo."

Matatalas ang aking mga matang nakatingin sa kaniya. "Minsan na akong nagtiwala sa iyo at pinatulog mo ko. Paano mo ngayon masasabi na wala kang nilagay na kakaiba sa aking inumin?"

Nginusuan ko siya. Ni magsasambit ng paumanhin ay wala akong madinig sa mga labi niya.

"At patungkol naman sa iyong ama, matagal na kaming nag-iba ng landas. Ang tangi kong masasabi sa iyo ay buhay pa rin ang iyong ama hanggang sa ngayon."

Nagpakawala ako ng malalim ng buntong-hininga. May pagkakataon pa kayang makita ko si Ama?

At si Vincent . . .

Bakit niya ako hinahabol? Hindi ba ayaw niya akong makausap? Mas lalo lamang akong naguguluhan sa mga nagaganap.

"Nakakatuwa ang dalawang kaluluwang itinadhana sa magkaibang mundo," ani Zubil. Malayo ang tanaw nito buhat sa labas. "Nagtagpo ang inyong landas sa pangalawang pagkakataon, mahal na Prinsesa."

Napatitig ako sa perpektong mukha ni Zubil na walang emosyon. "Ano'ng ibig mong sabihin? Nasambit mo dati na nagkita na kami noon ni Vincent datapuwat pareho kaming walang maalala. Ipaliwanag mo ang iyong winika."

"Wala ka ba talagang naalala, Prinsesa Zatira? O ayaw mo lamang alalahanin? Si Vincent ang batang naligaw sa ating mundo noon. Siya rin ang nagligtas sa iyo nang minsan ka nang dagitin ng ibang elemento. Ninais mo siyang mabuhay kahit labag sa batas ng mga elemental ang kaniyang pagtunton sa ating mundo. Sa huli, ang ama niya ang nagbigay ng buhay bilang alay upang makauwi pa siya sa mundo ng mga tao."

Nanlaki ang aking mga mata sa sinambit nitong kagimbal-gimbal na rebelasyon. "Si Henry, hindi ba? Si Henry ang nagligtas sa akin. Bakit mo iyan sinasabi na si Vincent iyon?"

Naguguluhan ako. Sumasakit ang aking ulo. Sumagi sa aking isipan ang mga salita ni Dalikamata sa akin. Si Vincent ba ang ipinapahiwatig ng diyosang napupuno ng madaming mga mata, at hindi si Henry?

"Kamatayan ang maghihintay,
Pagkatapos ng mga luha't lumbay,
Kung magkakamali ka nang pagpili,
Ng pusong hindi natatangi.

"Ang mortal na itinakdang magiging tambalan at magmamahal ng isang engkanto ay tinanggalan ng mga mata at alaala, Prinsesa Zatira."

"Buhay sa buhay ang magiging pasya.
Sakripisyo dapat ang manguna.
Huwag gamitan ng mga mata,
Ang puso ay marunong umalala."

Hindi ko na maipaliwanag pa ang aking nararamdaman sa samo't saring impormasiyon na napagtagpi-tagpi ko na rin. Ang puso ko'y natutuwa. Pakiwari ko'y nakahinga ako nang maluwag ako sa aking mga nalalaman.

Si Vincent dapat at hindi si Henry sa una pa lamang. Masarap hambalusin si Zubil sa kaniyang pinapahayag sa mga oras na ito. Sana nasambit niya ito noong una kaming magtagpo kasama ni Vincent. Sana nalaman namin kaagad, e di sana hindi ganito ang sinapit ko. Hindi ko sana nagamit ang ikatlo kong mahika. Hindi sana nagalit ang taong ayaw kong kagalitan. At hindi sana kami nagkaroon ng masidhing tampuhan.

Subalit napatigil ako.

"Kung si Vincent iyon, kagaya ng iyong itinuran, bakit nandito ako sa bus? Bakit hindi niyo hinayaan na magkita kaming dalawa upang mailigtas ako?"

Kapwa silang dalawa nananahimik sa kanilang kinauupuan. Kung gayun, wala silang pakialaman kung mabubuhay man ako. May iba silang inaasam na maganap.

Nais kong bumalik. Ihinto ang bus. Kitain si Vincent. Magpaliwanag. May pag-asa pa pala akong mabuhay. May pag-asa pa kaming dalawa. Pero paano nga ba ito mangyayari kung ako'y palayo nang palayo sa gawi ng taong pinakamamahal ko?

"Sumunod ka na lamang sa amin, Kamahalan," kalmadong sabi ni Zubil na para bang nababasa na niya ang aking isipan. "Wala ka rin namang magagawa pa."

Takipsilim ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon