Kabanata 8

51 5 57
                                    

Kabanata 8

"Ayos ka lang ba r'yan, anak? Sinabi sa'kin ng Mama mo 'yong nangyari."

Bigla akong nanlumo nang sabihin niya 'yon. Ayun na naman kasi ang pag-aalala niya, at alam ko namang gustong gusto niyang makasama ako pero kailangan niyang magtrabaho.

"Ayos lang ako, Pa. Kumusta po kayo r'yan sa Dubai?" pag-iiba ko agad sa usapan.

Kumuha ako ng isang throw pillow at inipit iyon sa aking tyan. Ginising na naman ako ng sakit at nagsusuka ako sa banyo. Nagkataon namang gising no'n si Mama na kausap si Papa sa laptop.

"Magpa-chemo ka na anak," wika niya na nagpapaintindi ang kanyang tono.

"Ayaw ko 'yang pag-usapan." Pagod na akong pag-usapan 'yon.

"Gel, buhay mo ang pinag-uusapan natin dito."

"Wala naman 'yon magagwa. Masasayang lang lahat ng pera na pinaghihirapan niyong makuha."

"Gel, pera lang naman 'yon."

"Pa, magagamit niyo pa 'yon kapag wala na a–"

"Huwag mo 'yan ituloy, Geliana!" Napatikom na lang ako ng bibig nang magsimulang tumaas ang kanyang boses. "Ginagawa namin ang lahat para sa'yo, mahal na mahal ka namin anak ng Mama mo, huwag mo naman sanang isipin na mawawala ka na."

"Tanggap ko na. Huwag niyo naman po sanang bigyan ako ng pag-asa, ayaw kong umasa, sana po matanggap niyo na rin. Ayaw ko kayong iwan na may pagsisisi na hindi niyo nagawa ang lahat nang makakaya niyo. Dahil sa totoo lang, ginawa niyo na, pero wala na kayong magagawa roon."

Nagsimula na namang mangilid ang aking mga luha. Narinig ko na rin ang impit na hikbi ni Mama galing sa kusina.

"Geliana, nakikiusap ako sa'yo, pumayag ka nang magpa-chemo."

"Umiinom pa rin naman ako ng gamot."

"Ang chemotherapy mo, Geliana. Parang awa mo na."

Parang nawasak naman ang puso ko nang magsimula nang umiyak si Papa.

Umiwas ako ng tingin, pilit na hindi pinapakita ang mga luha ko.

Hindi ako sumagot, nanatili lang akong nakaupo sa sofa.

"Anak, sige na."

Lumapit na rin sa'kin si Mama para kumbinsihin ako. Napabuntong hininga ako at napapikit ng mariin.

"Sige po," labag sa kalooban kong sagot.

Kahit na ayaw ko ay gagawin ko na lang para sa mga magulang ko. Ayaw kong iwan sila na may pagsisisi sa kanilang sarili.

"Mahal na mahal ka namin, anak. Tandaan mo 'yan, hayaan mo baka sa pasko makauwi na ako r'yan." Tumango na lang ako at nagpaalam nang ipagpapatuloy ang pagtulog.

Pasko? Napakalayo pa noon, kasisimula pa lang nga ng taon. Hindi ko alam kung may maabutan pa siya.

Hindi na ako nakatulog pagkatapos no'n. Sa halip na makipagtitigan sa pader ay sinubukan ko na lang iguhit 'yong magiging costume nina Raea. Pero kahit anong subok ko ay ang pangit ng mga ginagawa ko.

Paano ba 'to nagagawa ni Elie? He makes it look so easy.

Napanguso ako at tinitigan lang ang mga nagkalat na papel sa lamesa ko. Inayos ko ang unan na nakaipit sa aking tyan at muling pinulot ang lapis.

Napapangiwi ako paminsan minsan dahil kumikirot ang aking tyan, mas lalo ko namang inipit ang unan para mawala na 'yon.

Inisa-isa ko 'yong ginawa kong sketches, wala ni isa ro'n ang nagustuhan ko.

Love in SyncTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon