Chapter 41

1.4K 99 19
                                    

Chapter 41: One day
Zanashi

Hindi pa naglilimang minuto bago ko ipikit ang mga mata ko ay agad din akong napabangon at napalingon sa paligid. Ang puso'y naghaharumentado at ang isip ay gulong-gulo habang nakatingin sa mga taong takot na takot ang mga mukha. Noong una'y hindi ko pa maintindihan ang mga nangyayari ngunit nang bumagsak ang tingin ko kay baby Treyton na tinititigan ni Dalia ay tila doon naging malinaw ulit sa akin ang lahat.

"Matulog ka pa, Sayyana. Siguradong pagod ka," saad ni Dalia pero sa tono ng boses niya'y mukhang pagod na pagod na rin siya. Ang mata niya'y namamaga, namumula pa ang kanyang ilong, at ang labi niya'y nanginginig pa.

"May balita na ba?" tanong ko.

Kahit na nakatulog lamang ako sa loob ng ilang minuto, hindi malabong may mga balita nang dumating. Lumingon-lingon ako sa paligid pero maliban sa mga taong nagkakagulo, mga medical staff na nag-aayos pa rin ng kanilang mga gamit, at mga sundalong patuloy pa rin sa pagbubuhat ng mga makina at kama, ay wala na akong ibang nakita pa. Ang pangyayaring ito ay siya ring huli kong nakita bago pa ako tuluyang lamunin ng antok ko.

"Si Denver? Hindi pa ba dumarating?"

"Hindi pa," tumikhim siya. "I called my parents and they said there's a big commotion in our city. Lalong-lalo na sa lugar malapit sa hospital."

Nasa Visayas pa ang mga magulang ni Dalia pero kung nalaman nila ito agad, ibig sabihin ay malala na nga ang ginawa ng AFFO.

"AFFO?" paninigurado ko kahit na ngayon pa lang ay alam ko na ang sagot.

Malungkot na tumango si Dalia. Napahawak ako sa ulo dahil sa panibago na namang sakit na dulot ng nalaman ko. Alam kong sila ang may pakana nito at sanay na sanay na ako sa ginagawa nila pero hindi ko maintindihan kung bakit nahihirapan pa rin akong tanggapin na nagagawa nila ang bagay na ito.

Siguro'y dahil ilang buwan na silang nananahimik, inisip kong baka nga tuluyan na silang huminto sa mga kalupitang ginagawa nila.

Pagsapit ng gabi ay halos hindi pa rin natutulog ang lahat. Ang mga pagsabog ay dinig na dinig na ngayon na tila ba konti na lang ay maabot na ang lugar na ito. Kada isang pagsabog ay napapayuko ang bawat isa at napapadasal na naman. May mga sundalong nakapalibot sa amin at maya't maya rin ang paglabas pasok ng mga iba pang sundalo sa lugar kaya maya't maya rin ang pagtingin ko sa kanila, umaasang isa sa kanila ay ang asawa ko.

Kinabukasan, halos walang umiba sa mukha ng mga taong naririto ngayon. Imbes ay lalo pang tumindi ang takot nila dahil hanggang ngayong oras ay may mga pagsabog pa ring naririnig.

Tanghali nang mamataan ko ang pagdating ng mga sundalo sa labas. Iniwan ko muna si baby Treyton kasama si Dalia para tingnan kung isa ba sa mga dumating si Denver. May tatlong nakahilerang military truck sa labas at imbes na mga sundalo ay mga nakahilerang katawan ang laman nito.

Namataan ko si Lucas na kasalukuyang nagbubuhat ngayon ng isang bangkay kasama ang isang sundalo. Sumaklolo ang iba pang mga sundalo sa kanila at dinala ang mga bangkay sa field na medyo malapit lang sa evacuation center kung nasaan kami ngayon. 

Halos mapaatras ako nang dumaan ang dalawang sundalo sa akin, buhat-buhat ang isang bangkay na natatakpan ng puting tela, ang dugo'y nababakas mula sa tela na ito, at ang malansa nitong amoy ay namutawi sa ilong ko. Napahawak ako sa puso ko nang magsimula itong manikip.

"Lucas!" tawag ko nang mailapag na nila ang bangkay.

Gulat siyang napatingin sa akin at agad akong nilapitan. Tumingin muna siya sa paligid bago yumuko para bumulong.

"Ba't nandito ka sa labas, Sayyana?"

Hindi ko siya pinansin. Sa halip ay napako na naman ang paningin ko sa panibagong bangkay na inilapag sa tabi lamang no'ng bangkay na buhat-buhat kanina nila Lucas.

The Nation's OutcryWhere stories live. Discover now