NABIBINGI si Heidi sa lakas ng tibok ng puso niya. Lakas-loob niyang nililibot ang buong building ng cabin. Nasa annex siya kung saan bawal silang pumasok na mga recruits. Iyon ay kabilang wing kung saan tumutuloy ang mga agents, instructors, at trainers ng ahensiya. Isang bagay lang ang gusto niya—telepono.
Kung saan makakatawag siya sa labas. Hindi siya tanga para humingi ng tulong sa labas. Walang makakatulong sa kanila mula sa lokal na pamahalaan dahil daraan 'yon sa mga pulis. She didn't want to take a risk to call a possible snake in the service. Di siya puwedeng magtiwala tulad noon!
Nag-aalala siya kay Joseph. Dinalaw siya ng masamang panaginip ng nakaraang gabi at di siya mapalagay. Pakiramdam niya ay napakalayo niya sa kapatid. Siguradong nagtataka na rin ang ilang empleyado sa ospital sa di niya pagtawag ng ilang Linggo. Kinumpiska ang gamit nila magmula sa unang araw at tanging mga damit lang ang itinira.
Nais niyang makasiguro na nasa mabuting lagay ang kanyang kapatid. Safe and sound. Kahit hindi ito nakakapagsalita, gusto niyang marinig ang maingay na paghinga nito—na ayos lang ito. Sa impiyernong kinalalagyan niya, kailangan niya ng isang konkretong pag-asa para magkaroon ng tapang na umalis sa lugar na 'yon.
Agad na nagtago siya sa gilid ng pader nang may ilang taong dumaan sa pasilyo. Lumunok siya nang huminto ang isa sa mga trainer.
Napansin niya ba ako? Lumapit ito subalit may pinulot lamang mula sa sahig. Ilang pulgada lang ang layo mula sa kanyang paanan ng ballpoint na nalaglag. Nakahinga siya ng maluwag nang hindi dumiretso ang tingin ng ahente sa direksiyon niya.
Tinuptop niya ang dibdib habang patingkayad na tumuloy sa pasilyo.
ZELTICS AGENTS OFFICE AFFAIRS.
Iyon ang nakasulat sa pinto sa pinakadulo ng mga kuwartong nadaanan niya. Opisina iyon. Ibig sabihin posibleng may landline sa loob. Pinihit niya ang seradura. Naka-lock. Tinanggal niya ang isang pin sa buhok. Hindi niya pa nagagawang magbukas ng lock gamit ang isang pin pero iyon ang napapanood niya sa mga pelikula. Nagbunyi siya ng mag-click iyon.
So movies aren't just movies... Iniawang niya ang pinto at sumilip sa loob. Madilim. Wala siyang maaninag. Pinatalas niya ang kanyang pakiramdam nang pumasok siya sa kuwarto. Wala siyang naririnig na paghinga. Magaan ang mga yabag na humakbang siya. Sinasalat ang mga bagay na puwede niyang mabunggo.
Bumangga siya sa table. Mabilis na nangapa ang mga kamay niya sa ibabaw no'n. Folders. Splinter box. Papel. Ballpen holder. Ashtray. At telepono! Marahas siyang napahingal. Sinunggaban niya ang awditibo. Agad siyang nag-dial at halos pangapusan siya ng hininga nang marinig niya ang pagri-ring mula sa kabilang linya.
"St. Luke's Medical Center. Yes? May I help you?" anang sumagot sa information desk.
"J-joseph Serrano. R-room 104. Puwede bang makausap ko ang private nurse niya?" Di maiwasang manginig at tumulo ng mga luha niya sa oras na 'yon. Nagiging emosyonal siya sapagkat parang napakatagal na simula nang makarinig siya ng boses mula sa labas.
"Kayo po ba ang ate niya? Ms. Heidi Claire Serrano?"
"Ako nga."
Ilang segundong katahimikan ang namagitan bago ito nagsalita. "Kahapon pa po namin kayo kinokontak pero walang sumasagot sa mga tawag namin. I'm sorry Ms. Serrano. This might be a terrible news for you. Pumanaw na po ang kapatid niyo kahapon ng madaling araw. Inatake po siya ng matinding kombulsiyon na di nakayanan ng kataw—"
Huh? Tulalang nabitawan ni Heidi ang awditibo. Bumagsak iyon sa mesa. Kasabay ng awtomatikong pagbagsak ng mga patak ng likido sa kanyang mga mata.
BINABASA MO ANG
LEL 2: Jet Larxel Suarez a.k.a. COPPER [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]
RomanceCopper despised criminals more than anyone in the world. Isang masakit na pangyayari sa buhay niya ang pagkamatay ng unang babaeng pinahalagahan niya dahil sa isang serial killer. He vowed to eliminate murderers especially the one who killed Ayano...