Part 9

589 56 1
                                    

Pagod na tinungo ni Heidi ang elevator. Subalit kahit pata ang katawan ay nagawa niya pa ring ngitian ang nurse na nakasakay niya sa loob.

"O Heidi... anong oras na?" Sumulyap ito sa relos. 

Ala-una na ng madaling araw pero dumaan pa rin siya ng ospital para dalawin ang kapatid.

"Okay lang, Nurse Gwen. Gusto kong makita si Joseph bago ako umuwi ng bahay."

Concern na nginitian siya nito. "Mabait ka talagang ate."

Nahihiyang yumuko siya at napakamot sa ulo. "Siya na lang ang kaisa-isa kong pamilya. Hindi ko siya magagawang pabayaan."

Naramdaman niya ang paghawak nito sa kanyang balikat. "Malalampasan niyo rin 'to. Kahit pa ganoon ang kalagayan niya, lumalaban siya para sa'yo. Lumalaban at nagtitiis ka naman para rin sa kanya. Nagiging dahilan niyo ang isa't-isa para lumakas."

"Salamat, Nurse Gwen."

Kumaway ito sa kanya nang lumabas ito ng elevator. Nang nasa eight floor na siya ay sabik na tinungo niya ang pasilyo. Huminto siya mula sa panlimang pintong nadaanan niya. Huminga siya ng malalim. Ipinaskil niya ang pinakamatamis na ngiti sa kanyang labi. Binuksan niya ang pinto.

"Hi, Joseph!" masiglang bati niya sa labing-dalawang taong batang lalaki na nakahiga sa kama. May kasama itong nurse sa loob na kasalukuyang tinuturukan ng gamot ang suwero ng kapatid niya. Magalang na bumati ito sa kanya bago lumabas ng kuwarto.

"Kumusta ang araw ng baby brother ko?" Lumapit siya sa kama. Masuyong ginulo ang buhok nito. "Naging mabait ka ba, ha?"

Hindi ito nagsalita. Kumurap lang ang nakadilat na mga mata. Umungol at nanginginig na itinaas ang payat na mga braso.

May bumikig sa lalamunan ni Heidi. Parang sinasaksak ang kanyang puso sa tuwing makikita niya ang kalagayan ng kapatid. Joseph was able to live his four years on that bed. Comatose ito noon. Nang magising naman ito pagkatapos ng tatlong buwan ay tila isang lantang gulay.

Tinamaan ito ng bala sa ulo. Nagawang ialis ang bala nang sumailalim ito sa isang operasyon pero hindi na nagawang gamutin pa ang naging pinsala sa nerves nito sa utak. Di nito nagagawang magsalita, maglakad o tumayo, at hirap ito sa paggalaw. Wala itong pinagkaiba sa isang batang may cerebral palsy.

Ginagap at hinalikan niya ang mga kamay na iniaabot nito sa kanya. Tumaas ang gilid ng mga labi nito na waring ngumiti. Pinigilan ni Heidi ang mapaiyak. Halos araw-araw ay sumasakit ang dibdib niya dahil naiipon doon ang lahat ng damdaming hindi niya ipinapakita sa kapatid. Mas malala ang lungkot at paghihirap kaysa pagod. 

May panahong sinisi niya ang Diyos sa lahat ng nangyari sa buhay niya at sa pamilya niya. Pero dito rin siya tumatakbo at nanawagan sa tuwing inaatake ng kombulsiyon si Joseph. Di niya ito magawang ialis sa ospital dahil masyadong sensitibo ang kondisyon nito. Minsan ay bigla na lang titirik ang mga mata nito at mangingisay na tila epileptic. Kaya hangga't maari ay gusto niyang malapit ito sa mga taong may kakayahang magbigay-lunas sa paghihirap ng nito. 

Kaya pinipilit niyang magtrabaho para dito. Hangga't maari ay sa mga oras na libre siya. Kahit ilan pang trabaho ang pasukin niya basta matustusan lang niya ang pangangailangan ng kapatid niya sa pampribadong ospital na 'yon. Di biro ang halaga ng kuwarto nito pati na rin ang mga gamot. At may binabayaran rin siyang private nurse nito. Gusto niyang gawin ang lahat para kahit papaano ay maging komportable ang kapatid niya.

"May dala si Ate para kay Joseph!" Muli ay masiglang pahayag niya matapos itong pupugin ng halik sa pisngi. Inilabas niya sa kanyang backpack ang stuff toy na si Spongebob. Paborito ng kapatid niya ang naturang Nickelodeon cartoon character. Inilapit niya 'yon dito at kahit hirap ay kinabig 'yon ng isang braso nito. 

LEL 2: Jet Larxel Suarez a.k.a. COPPER [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon