Part 1

1.2K 64 0
                                    

Tokyo, Japan

"Aishiteru 'yo... Akira." 

Humimas ang kamay ng babaeng Geisha sa dibdib ni Copper. 

Nakapako ang kanyang paningin sa malamlam na mga mata nito. Subalit nanatiling hindi siya kumikilos mula sa pagkakadagan sa kanya ng Haponesa. 

Dumako ang palad nito sa kanyang pisngi. At ang isa ay sa baba ng kanyang tiyan. Sumasalat. Pumipisil. Inilapit nito ang mukha sa kanya. "Kire na 'kaho..." usal nito.

Pang-ilang beses niya na bang narinig 'yon mula sa iba't-ibang lengguwahe at sa iba't-ibang babae? Na binibigkas ang iba't-ibang pangalan niya? Lahat ay pare-pareho ng linya. They all said he had a beautiful face for a man. A soft feature of appearance that can fool a crowd. 

Isang mapagpanggap na anyo na ikinukubli ang tunay na sarili sa kadiliman na nasa mga mata niya. Sa pinid na mga labi niya. At sa puso niyang hindi nakakaramdam ng kahit na ano. Most of them told him that he got the face of an angel but eyes of a reaper. Isang kontradiksiyon na nagpapaahon ng interes ng mga kababaihang nais siyang angkinin at kontrolin.

"Yoko wakaranai keredo ishtai..." Tinawid nito ang pagitan ng kanilang mga labi. Dumaiti ang labi nito sa kanya subalit hindi siya nag-react. Wala siyang balak na tuminag sa posisyon niya hanggang sa maramdaman niya ang senyales. Para siyang bato na hindi nagawang pag-apuyin ng mga kamay at bibig nitong gumagawa ng mosyon sa kanyang katawan. 

Wala siyang pakialam dahil wala siyang pakiramdam. Sinanay siyang kontrolin ang pisikal na pangangailangan ng katawan na magiging balakid sa kanyang konsentrasyon. At di mahirap iyon para sa kanya dahil malamig ang dugo niya sa mga kriminal. Mapababae man o lalaki.

"Anata... korosuki?" 

Nanlaki ang mga mata nito sa sinabi niya. Lalo na't pigil-pigil niya ang kamay nitong may hawak ng patalim na balak sana nitong itarak sa leeg niya. 

"Sayonara," pamamaalam niya bago ito itinulak patagilid kung saan ang katawan nito ang sumalo ng umuulang bala. Agad siyang tumayo pagkatapos at tumalon paatras. Parang wala lang na maliksi siyang kumilos habang ibinubutones ang polo. Tumitining sa tainga niya ang ugong ng bakal na lumilipad sa hangin. 

Kasabay ng pagyuko ng ulo niya ay ang paglipad ng isang kunai. Ilang distansiya lamang ang pagitan no'n mula sa kanyang pisngi sa ginawa niyang pag-iwas. Tumusok iyon mula sa frame ng isang larawan ng migratory bird na nakasabit sa dingding ng kuwarto. Sa pagbukas ng Shoji o ang tawag sa Japanese sliding door na gawa sa kahoy at papel, sinalubong siya ng ilang mga yakuza na may hawak na katana at ang ilan ay baril.

Umangat ang sulok ng mga labi niya sa nararamdamang pagragasa ng dugo sa kanyang mga ugat. Mas kumukulo ang dugo niya sa mga ganoong sitwasyon. He slowly pulled out his weapon that was hidden inside his boots. 

Tama na sa mga ito ang isang kogatana. Tumalon siya at tumama ang paa niya sa dingding upang kumuha ng puwersa sa pagbuwelo. Bumulusok siya sa direksiyon ng mga kalaban. Kitang-kita niya sa gilid ng kanyang mga mata ang pagkilos ng apat na lalaki sa bungad na tila slow motion. Sa pagsayad ng isang paa niya sa sahig ay ang tunog ng paghampas ng talim ng espada sa hangin. 

Isang tauhan ang bumuwal. Gilit ang leeg. Ipuputok sana ng isa ang baril nito subalit nanlaki ang mga mata nito nang makitang putol na ang dulo. Umigkas ang kanang paa niya at sinipa ito. Mula sa likuran niya naman ay nagawa niyang sanggahin ang katana ng kanyang kogatana. Sa gilid niya ay papasugod ang isa na nakataas ang sandata. 

Itinaas niya ang kaliwang paa at mula sa suwelas ng boots niya nag-zing ang isang talim. Umitsa ang katana ng tamaan 'yon ng kanyang sini-style ripper boots. Umikot siya at tumama ang isa niyang paa sa ulo ng tauhan. Pa-vertical siyang naglanding sa likuran ng isa pa at maliksing pinilipit ang leeg nito. Sa isang iglap ay nagapi ang apat na kalaban.

LEL 2: Jet Larxel Suarez a.k.a. COPPER [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon