Part 23

533 58 1
                                    

Pasulyap-sulyap si Heidi sa isang direksiyon. Hindi talaga siya makapaniwala. Halos anim na buwan na hindi sila nagkita ni Jet. Ang binatang itinuring niyang kaibigan na ngayon ay tila hindi siya kilala. Bakit nito iniignora ang presensiya niya? Wala siyang ideya.

"Jet..." sambit niya. Huminto siya sa harap nito. Pero nanatiling hindi siya tinitingnan ng binata. Deretso ang pagkakatayo nito at hindi niya alam pero parang tumigas ang ekspresyon nito. Bakit ito naroon?

Kasulukuyan silang dinala ng mga ilang kalalakihan sa gymnasium matapos i-surrender ang mga gamit at cellphone nila. Magkakaroon yata sila ng orientation. Siyam silang mga baguhan. Anim na lalaki at tatlo silang babae. Pinapakiramdaman niya ang lahat ng taong naroon. Una pa lang ay may mali na sa sitwasyon. Di niya inaasahang magiging ganoon kalaki ang training camp ng Zeltics. 

Parang dadaigin pa no'n ang mga training sessions na naranasan niya sa Camp Crame. At lalo na ang mga nakikita ng mga mata niya. Armado ang lahat ng tauhang nakakalat sa paligid. Di niya gusto ang tabas ng mga mukha na parang mabagsik at nakangingilag kausapin. Pero hindi niya magawang magtanong dahil sa namumuong tensiyon sa paligid. 

Masama ang kutob ko dito.

Tumikhim ang lalaking nasa harap nila na nakasuot ng training gear. Malaking lalaki ito pero nangingibabaw pa rin ang height ni Jet. May bigote at mukhang nasa late thirties 

"I am Wind. Iyon ang alias ko. Ako ang magiging instructor niyo sa hand combat at stamina solidification. Fourteen days ang magiging training niyo. Isang araw ang test at sa ikalabing-anim na araw ang actual job na i-a-assign namin para malaman namin kung maganda ang resulta at magiging ahente kayo ng ahensiya. Sa loob ng labing-apat na araw na pagsasanay, ilabas niyo ang mga tinatago niyong kakayahan. Bago kayo dumiretso sa mga kanya-kanyang cabin, ipakita niyo muna ang mga itinatago niyong galaw. Sa commencement ng mga nag-apply sa internet hindi namin nasubukan ang kakayahan niyo. Usually, ang mga taong hinahanap namin ay may ekspiryensiya o may alam sa basics ng pakikipaglaban. Itaas ang kamay kung sino ang natanggap via e-mail."

Kusang tumaas ang kamay ni Heidi. At napataas ang kilay niya nang mapansing nakataas din ang kay Jet. 

So, nag-apply din siya sa online? 

Bukod sa kanila ay isa sa kasama niyang babae ang naka-angat din ang kamay sa ere. Una itong nilapitan ng instructor. Sumenyas ito at isang lalaki ang pumasok sa loob. Naka-army fatigue ito at nakasulat ang trainer sa likod ng t-shirt. Walang salitang sinugod nito ang babae at sinuntok sa sikmura. Di nakailag ang babae at nakaigik na napaluhod. Gulantang si Heidi! Sinipa nito ang babae at tinamaan sa mukha. Sumubsob ang dalaga sa sahig. Namimilipit sa sakit.

Gimbal na tiningnan niya ang mga kasamahan niya. Balewalang nakatayo lang ang mga ito habang binubugbog ang babae. Tahimik na nanonood. Walang mga reaksiyon ng pagkagulat sa mga mukha ng mga ito. Nang dumako ang mga mata niya kay Jet ay parang wala lang na nakapamulsa ito. 

Kumuyom ang mga kamay niya. Di niya alam kung ano ang nangyayari. Pero hindi siya puwedeng tumahimik na lang sa isang tabi habang may sinasaktan sa mismong harap niya na parang hayop. And it was even a girl for Godsake! Ano bang nasa isip ng mga taong ito? Orientation ba 'yon?

Akmang sisipain ulit ng trainer ang babaeng ngayon ay umiiyak na tuptop ang tiyan nang yumuko siya para kumuha ng buwelo. Tumalon siya sa ere at sinipa ang lalaking akmang muling bibigwasan ang recruit. Mukhang mas nagulat ang lahat sa ginawa niyang pag-awat. Nakangiwing sapo ng trainer ang pisnging tinamaan ng suwelas ng sneakers niya. 

Pumosisyon siya upang makipaglaban. "Tama na 'yan. Ako na ang susunod."

Masama ang pagkakatingin sa kanya ng lalaki. Dumura ito pagkatapos ay itinaas ang dalawang kamao. "Hiyaaahhh!!!" sigaw nito na papasugod sa direksiyon niya.

Nahulaan niya ang direksiyon ng galaw nito sa pagtingin lamang sa mga pag-apak ng mga paa nito. Straigh jab. Yumuko siya at nahuli ang kanang braso nito. Subalit hayun ang libreng kaliwang kamay nito. Intensiyonal na dumulas ang sapatos niya sa sahig. Naiwasan niya ang suntok at lumusot mula sa ilalim nito na tila nag-rainbow rack. 

Dinig niya ang paghiyaw nito dahil hila niya ang braso nitong naulinigan niya ang pagkabali ng buto. Kumuha siya ng buwelo sa pagpitik at nag-vertical sa ere na parang isang professional gymnast. Ang magkabila niyang kamay na nasa balikat ng trainer ay tumaas sa leeg nito. Nang sumayad ang mga paa niya sa sahig, kasabay rin no'n ang pagtama ng ulo nito sa sahig habang ang siko niya ay nakakipit sa leeg nito. Huminga siya ng malalim nang mawalan ito ng malay.

"Wuhoooohhh!!!"

Inangat niya ang mukha nang marinig ang sipol at hiyawan. Iyon ang reaksiyon ng mga recruits. They were cheering and clapping. Taliwas sa malamig na sulyap ni Jet sa kanya. Umiling siya at pilit pinalis ang lungkot sa dibdib dahil mukhang nagagalit sa kanya ang lalaki. At hindi niya alam ang dahilan. Nilapitan niya ang babaeng nasaktan. 

Inabot niya ang kamay at nginitian ito. "Okay ka lang ba?"

Ngumiti ito sa kanya na waring nakakita ng kakampi. "Salamat." Akmang aabutin nito ang kamay niya nang isang putok ang biglang umalingawngaw sa loob ng gymnasium.

Naiwan ang kamay ni Heidi na nakabitin sa ere. Wala siyang kakilos-kilos kahit tumalsik ang bahid ng dugo sa kanyang pisngi. Her eyes were fixed on the sight of the girl who was smiling at her seconds ago. Na ngayon ay nakahundsay sa harap niya. Dumudugo ang dibdib. Dilat ang mga mata. Subalit hindi na humihinga. 

Parang isang palabas ang lahat na tumitining sa utak niyang walang maarok sa sitwasyon. Patay na ang babae sa harap niya. Tulad noong binaril sa harap niya ang Chinese. Naroon siya pero hindi niya nagawang protektahan ang sino man. Buhay na sa isang iglap ay natapos na mismong nasaksihan niya. Unti-unting nanlambot ang mga tuhod niya. Tumiklop paluhod. At ang kamay ay tila walang buhay na bumagsak sa kanyang tagiliran.

"Number one rule in here. Mamatay ang mga mahihina. At ang mga tumutulong sa mahihina." Naulinigan ni Heidi ang mga yabag. Pero hindi siya tuminag dahil kinakain pa rin ang isip niya ng mga pangyayaring hindi niya lubusang mapaniwalaan.

~~~~~~~~~~~~~~~

PAK!!! 

Isang sampal ang nagpabiling sa kanyang mukha at bumalandra siya sa sahig. Umagos ang dugo sa kanyang bibig. Wala siyang pakialam. Wala siyang nakikita. Wala siyang naririnig. Walang nararamdaman na pisikal na sakit. Blankong espasyo na tila gustong magpamanhid sa buo niyang katawan. 

Ayaw niya makapanakit at ayaw niyang masaktan. Iyon ang nasa isip ng lahat, hindi ba? Ngunit bakit may mga taong gumagawa pa rin ng masama at may mga tao pa ring patuloy na nagdurusa?

"I'll spare your life. Kundi dahil sa potensiyal mo, tapos na rin ang buhay mo. Matuto ka na sa susunod." Boses iyon ng instructor at naaninag niya ito sa harap niya. Nakita niya ang pag-igkas ng paa nito. Sisipain siya nito at wala siyang balak kumilos mula sa kinasasadlakan at hindi niya rin kayang utusan ang sariling katawan. She just didn't care anymore. They could kill her—

"Kung nakita mo ang potensiyal niya, huwag mo siyang saktan at sayangin ang lakas at kakayahan niya," anang isang malamig na tinig. Pamilyar si Heidi sa flat na tono na 'yon. Pinilit niyang aninagin ang nasa harap niya. Hawak ni Jet ang paa ng instructor. "Di niya mailalabas ang buong lakas niya sa training kung dito pa lang sasairin mo na."

Kumunot ang noo ng instructor. "Sino ka para makialam sa pamamaraan 'ko?"

"A nobody." Kumislap ang itim na mga mata ni Copper. There was nothing on his face that signified anger or rage. Pero naramdaman ni Wind ang masamang aura na isinisigaw ang natural na pagkatao ng kaharap. Na para bang bumubulong na nasa kamay ko ang buhay mo. Napalunok ang instructor at pumiksi.

"H-huwag kang makikialam sa susunod," banta nito bago umalis.

Naramdaman ni Heidi ang paghaplos ng binata sa kanyang pisngi. Nakatingin sa kanya si Jet habang nakaluhod. Wala pa ring emosyon ang mukha nito pero nababakas niya sa itim na mga mata nito ang munting ningas ng apoy. 

"You really are a fool!" mariing sambit nito.

****

- Amethyst -

LEL 2: Jet Larxel Suarez a.k.a. COPPER [COMPLETED & PUBLISHED UNDER PHR]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon