Ikalabing-apat na Kabanata: Ang Mabilis na Pangyayari

4.2K 119 46
                                    

Lumabas sandali si Gil para magkaroon ng pribadong pag-uusap ang dalawa. Hindi naman sa pinipilit niyang magka-ayos ang dalawa, nais niya lamang magkaroon ito ng pagkakaintindihan. Maya-maya pa nang sila Sophia at Joseph na lamang ang nasa loob ng bahay ay niyaya niyang umupo sa sofa si Joseph.

"I'm sorry, hindi ko inakala na ganoon ang magiging dating sa iyo ng ginawa ko. I'm really sorry," tuloy lamang sa paghingi ng tawad si Joseph, umaasa na maiintindihan ni Sophia ang posisyon niya.

Hinawakan ni Sophia sa kamay si Joseph, tiningnan niya ito at napangiti, ngunit nagsimulang mamuo ang luha sa mata niya.

"Alam mo sa edad kong ito, hindi ko inisip na may dadating pa pala. At ang mas nakakatawa, dalawang dekada ang tanda ko sa kanya. Noong nasa 29 na ako, palagi akong nagdadasal na sana dumating na 'yung para sa akin kasi ayokong tumanda ng mag-isa, nakakatakot. Pero walang dumating, kasi 'yung hinahanda niya pala para sa akin hindi pa pwede," k'wento ni Sophia.

Kinuha ni Joseph ang kamay ni Sophia at hinalikan, nakinig lang siya sa gustong sabihin ni Sophia.

"Ngayong 40 na ako, dumating ka nga. Sinabi mo sa akin na mahal mo ako. Alam mo bang hindi ko inisip noon kung seryoso ka o hindi? Bigla na lang akong kinabahan, hindi ko alam kung natatakot ako na malaman na mahal na pala kita o natatakot ako na makipagrelasyon sa isang kagaya mo," patuloy pa ni Sophia.

"Bakit ka naman matatakot? Di ba sinabi ko sa iyo sa chat na bigyan lang ako ng isang pagkakataon, papatunayan ko sa iyo na kaya kitang ipagmalaki?" Dinama niya ang palad ng dalaga at nilagay sa pisngi niya.

"Hayaan mo muna kasi akong magsalita," paki-usap sa kanya ni Sophia. "Kasi mukhang hindi pa rin pwede yung hinanda niya sa akin."

"No! Handa na ako. H'wag mong sabihin yan. Hindi ko sinasadya yung ginawa ko." Naramdaman ni Joseph ang kakaibang takot ng marinig iyon kay Sophia.

"Sandali. Naiintindihan ko iyong ginawa mo, kasi nga bata ka pa. Hindi lang naman ito dahil sa nangyaring paglilihim mo sa akin, naglihim din naman ako. Pero sabi nga ng Mama mo, yung mga nasa edad mo masyadong binabase 'yung desisyon nila sa nararamdaman nila, nakakalimutan nila yung nararamdaman ng iba. Kung itutuloy pa natin ito,magkakasakitan lang tayo. Hindi tayo pwede." Nasabi rin sa wakas ni Sophia ang matagal ng bumabagabag sa dibdib niya. Masakit, pero iyon ang nararamdaman niya. Tuluyan ng pumatak ang luha ni Sophia, para bang nagpapaalam siya sa isang posibleng pag-ibig na hindi na mangyayari.

"Please, No." Niyakap niya si Sophia at umiyak na rin. Ayaw niya itong pakawalan.

"Makinig ka muna. Isipin mo kung tayong dalawa ang magkakatuluyan, halos ka-edad ko na ang Mama mo. Pagtanda natin, ganito ka pa lang sa edad ko, kulubot na ang balat ko. Gusto mo ba iyon?" tanong niya kay Joseph na hindi pa rin bumibitiw sa pagkakayakap sa kanya.

"Sa tingin mo, hindi ko iniisip iyon? Gabi-gabi napupuyat ako habang iniisip na tumatanda kasama ka. Inaayos ang gamot mo sa highblood, Minamasahe ang binti mo kapag kumikirot, nilalagyan ka ng mainit na bimpo kapag sinusumpong ka ng rayuma. Hayaan mo namang alagaan kita." Tuloy lang sa pag-agos ang luha ng dalawa, alam nilang dalawa na oras na para maghiwalay pero wala silang lakas para bitawan ang isa't-isa.

"Tama na! H'wag mo nang gawing mas mahirap ito para sa ating dalawa. Alam mo na hindi tayo pwede. Sige na, umuwi ka na. Ituloy mo na ang buhay mo at itutuloy ko ang buhay ko." Tinulak niya papalayo si Joseph.

"One chance, please. Isa lang, maawa ka naman." Patuloy pa rin sa paki-usap si Joseph, alam niya na sa oras na lumabas siya sa pintuan ng bahay nila Sophia ay tapos na ang pangarap niyang makasama si Sophia.

"Hindi ko kayang makipag-relasyon sa iyo, Joseph. Hindi ko alam kung kakayanin ko ba ang mga sasabihin ng tao sa akin. Hindi ko alam kung gaano ko katagal mapagtitiisan ang pagka-childish mo."

The Last Stop (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon