Nanatiling nakatayo si Sophia at Diosa sa harap ng bahay nila Joseph. Hindi niya alam kung magaan bang tatangapin ni Cecilia ang sasabihin niya. Parang may kung anong malamig na hangin ang bumabalot sa kanyang buong katawan.
"Gaga! Papasok ba tayo o tatanga na lang tayo dito sa labas ng bahay. Kung hindi ka naman papasok umuwi na lang tayo," inip na sabi ni Diosa, nangangalay na siya ng katatayo, maliban pa doon nasa ilalim sila ng init ng araw.
"Ano kayang magiging reaksyon niya?" kinakabahang sabi ni Sophia
"Kung aayaw ba siya, iiwan mo si Joseph?" tanong sa kanya ni Diosa
"Hindi."
"Eh hindi naman pala. Pumasok ka na. Gagang ito!" sabay tulak niya kay Sophia.
Nagsimulang maglakad si Sophia papasok ng bahay nila Joseph. Pinapasok agad sila ng guard at magiliw na binati na parang natatawa sa paraan ng paglalakad ni Sophia. Para bang bawat hakbang niya ay matutumba siya, pakiramdam niya ay bumabaon ang kanyang paa sa lupang tinatapakan. Ilang sandali pa nang makarating sila sa harap ng pintuan nila Joseph.
"Bukas na lang kaya." Aktong tatalikod si Sophia ng sabunutan siya ni Diosa.
"Nandito na tayo, ang arte-arte mo." Sabay hatak niya sa kaibigan habang hawak ang buhok nito.
Wala nang nagawa si Sophia kung hindi ang sumunod kay Diosa, masakit yata ang mahawakan sa patilya. Papasok sila ng bahay ng salubungin sila ng kasambahay at sinabing maghintay na lang sa may hardin at palabas na si Cecilia.
Dumiretso sila sa may hardin kung saan mayroong mga bakal na upuan na may puting pintura. Nasa gitna iyon ng hardin, pakiwari ni Sophia ay doon nag-aagahan si Cecilia para matanaw ang maganda nilang hardin.
Mayamaya pa ay bigla nang dumating si Cecilia para paunlakan sila. Gaya ng dati pormal pa rin ito, kahit naman sabihing naging maayos na sila ni Sophia ay hindi pa rin nawawala ang pagiging mataas nito.
"Para namang nadadalas ka na dito Sophia. Tungkol saan ba ang bagay na ito?" Hindi pa nauupo si Cecilia ay tinatanong na nito si Sophia.
Kasunod ni Cecilia ang kasambahay na may dalang inumin na inilagay sa ibabaw ng mesa na gawa sa salamin. Agad ininom ni Sophia ang laman ng baso para makaligtas muna sa sasabihin kay Cecilia.
"Si Sophia ho kasi, may sasabihin tungkol daw sa kanila ni Joseph," sabi agad ni Diosa, muntik na tuloy maibuga ni Sophia ang iniinom niya sa mukha ni Diosa.
Umupo si Cecilia sa upuan na nasa tabi ni Sophia.
"Sophia, if this is about the immaturity of Joseph, hindi kita matutulungan diyan. Una pa lang, sinabihan na kita, matigas lang talaga ang ulo mo," sermon sa kanya ni Cecilia.
"Hindi naman ho tungkol sa away ito. Kasi po may balak ho sana ako pagkatapos na niyang maka-graduate." Sabay lunok niya ng kanyang laway na nagsisimula ng matuyo ng dahil sa kaba.
"Isa pa nga pala iyan. Sinabi ko sa kanya na kumuha ng Master's Degree sa England. Kung anu-anong dahilan ang sinasabi niya sa akin pero ang alam ko naman ay ikaw ang dahilan kung bakit ayaw niyang umalis."
"Po? Mag-aaral siya abroad?"
"Oo naman, kailangan niyang magkaroon ng ibang perspective, ma-exposed sa ibang teaching methods at sa ibang environments. Bata pa naman siya at kailangan marami siyang matutunan. Sophia, pwede mo ba akong tulungan? Alam mo naman siguro na para rin naman sa kinabukasan niya ito at sasang-ayon ka rin naman, di ba?" tanong nito kay Sophia
Parang nahuli sa gitna ng patibong si Sophia, wala siyang pwedeng isagot kay Cecilia kung hindi ang tumango. Magmumukha siyang makasarili sa oras na humindi siya dito. At tama din si Cecilia para sa kinabukasan ito ni Joseph.
BINABASA MO ANG
The Last Stop (Completed)
RomanceSi Sophia Velasco, 40 years old and still single. Ito na ang huling biyahe niya kung gusto niya pang makabingwit ng asawa. Pero paano kung sa biyahe niya ay isang binatang higit na mas bata sa kanya ang makasabay niya?