Sunud-sunod na katok ang ginawa ni Sophia sa banyo. Kanina pa kasi nasa loob si Robert at kung magtatagal pa ito ay siguradong mahuhuli siya sa kanyang job interview. Matagal na panahon na rin noong huli siyang makatanggap ng tawag mula sa isang kumpanya na inaanyayahan siya para sa isang panayam.
"Robert! Matagal ka pa ba diyan? Mahuhuli na ako!" inis na sabi ni Sophia. Hindi niya alam kung bakit sa lahat ng araw ay ngayon pa naisipan nito na maligo ng maaga. Kadalasan naman pagkatapos nitong bumangon sa kama at mag-almusal ay hihiga uli ito sa mahabang sofa na nasa sala.
Makaraan ang ilang minuto ng walang humpay na pagkatok ni Sophia ay bumukas din ito.
"Ayan tapos na ako," asar na wika ni Robert.
"Aba! Ikaw pa ang may ganang magalit. Bakit ba kasi ngayon mo pa naisipang maligo eh wala ka namang pupuntahan?" galit na sabat ni Sophia.
Hindi na pinansin ni Robert si Sophia at pumasok na sa kwarto nila ni Mamu. Papasok na sana si Sophia sa loob ng banyo nang umalingasaw ang nakakasukang amoy.
"Ang baho!"
Mukhang ilang araw yata naimbak sa tiyan ni Robert ang kinain niya at ngayon lamang nagbawas. Hindi siya makatiis at iniwan munang nakabukas sandali ang pinto. Kinuha niya ang air-sanitizer at inispray iyon sa buong paligid. Pero sadyang matapang ang amoy at hindi agad iyon nawala. Inabot pa ng ilang minuto bago tuluyang nakapasok si Sophia sa loob ng banyo at makapaligo.
Matapos iyon ay nagmamadali siyang magbihis. Kinuha niya ang kanyang pang office attire na madalang pa sa patak ng ulan sa tag-araw kung isuot niya. Amoy cabinet na nga ito at mahirap na ring tanggalin ng plantsa ang marka ng pagkatupi nito. Itinali niya ng pataas ang kanyang buhok at nagsuot ng flat shoes sabay karipas ng takbo sa labas para makapara ng masasakyan.
"Manong! Sa Enterprise Tower tayo. Bilisan niyo!" abot langit ang pagdadasal ni Sophia na sana ay h'wag siyang maipit ng traffic. Kung maari lang sana magteleport at lumitaw sa harap ng opisina ng kanyang papasukang kumpanya ay ginawa na niya. Ayaw niyang magsimula sa kumpanya na masama na agad ang pinakita niya.
Ngunit mukhang hindi ito ang araw ni Sophia, nasabay siya sa dami ng papasok na estudyante. Usad pagong ang ginawang pag-andar ng taksi. Kitang kita niya kung paano lampasan ng bike ang taksing lulan siya, nilampasan din siya ng isang Nanay na tinutulak ang stroller ng anak niya, at kung hindi pa iyon masama, nilampasan din siya ng lumpong tinutulak ang kanyang wheelchair.
"Manong! Wala ba kayong alam na shortcut? Aabutan na yata tayo ng second coming ni Christ dito," ani Sophia.
"Ito na po ang pinakamaayos na ruta. Oras po kasi ng pasukan ng estudyante eh dadaanan po kasi natin ang Ubelt. Hayaan niyo ho't paglampas natin ng Taft eh gagaan na ho ang biyahe natin."
"Paglampas natin ng Taft, ilang kembot na lang Enterprise Tower na. Ano ba naman yan!" may pagkadismayang sabi ni Sophia.
Hindi na lang nagsalita si Manong driver at baka masama pa siya sa init ng ulo ni Sophia. Mukha yatang malas talaga sa trabaho si Sophia, minsan na nga lang siyang matawagan ng mga kumpanya, late pa siya. Ilang oras din ang ginugol nila sa byahe at nang makarating sa harap ng Enterprise Tower ay agad siyang nagmadaling bumaba. May sampung minuto pa siyang natitira bago magsimula ang job interview. Eksaktong paakyat ang elevator kaya't sumabay na siya.
"23rd floor ako," sabi niya sa elevator guy.
Pinindot ng elevator guy ang 23rd floor. May patapik tapik pa siya gamit ang kanyang flat shoes habang nakahalukipkip ang mga braso niya, halata sa kilos niya ang kanyang pagkabalisa. Paglabas na paglabas niya ay tinakbo niya ang opisina at nabangga pa niya ang isang Mama na nasa 45-50 anyos. Nakasimpleng damit ito na may kwelyo at may suot na salamin habang may binabasa. Natapakan pa ni Sophia ang paa ng lalaki sa sobrang pagmamadali.
BINABASA MO ANG
The Last Stop (Completed)
RomanceSi Sophia Velasco, 40 years old and still single. Ito na ang huling biyahe niya kung gusto niya pang makabingwit ng asawa. Pero paano kung sa biyahe niya ay isang binatang higit na mas bata sa kanya ang makasabay niya?