39: Care

149 12 0
                                    

Kabanata 39 : Care

Pareho kaming walang imik sa loob ng kotse niya. Tanging ugong lang ng sasakyan at mga busina ang naririnig ko. Walang nagtangkang pumutol ng katahimikan. Hindi naman na siya nagtanong pa tungkol sa kung anong nangyari na siyang ipinagpasalamat ko.

Itinaas ko ang dalawa kong paa sa upuan at mahigpit na niyakap iyon. Nakita kong napatingin sa akin si Robber pero hindi naman kumibo. Ipinatong ko ang aking sentido sa tuhod ko at 'saka bumaling sa bintana. Hindi na napigilan ng mga luha kong bumagsak nang maalala ang nangyari kanina.

Hindi pa rin talaga ako makapaniwala. Hindi ako makapaniwalang nagawa nila sa akin iyon. Nagawa nila akong pabilugin sa loob ng mahabang panahon. Wala akong kaalam-alam na sinasaksak na pala nila ako patalikod. Wala akong alam na niloloko na pala nila ako.

Hindi ko maiwasang magtanong, bakit sila pa? Bakit kung sino pang mga kaibigan ko, sila pa ang nanloko sa akin? Kung sino pa ang taong pinakapinagkakatiwalaan ko, sila pa ang nanloko sa akin?

Matatanggap ko pa kung sa ibang tao ako pinagpalit ni Kris kaso hindi, eh. Sa bestfriend ko. Sa kaibigan ko na tinuring ko na parang kapatid ko.

Anim na taon kami ni Kris. Higit naman doon ang pagkakaibigan namin ni Ivy. Ang tagal naming magkaibigan pero nagawa nila akong lokohin. Bakit? Ano bang meron sa akin? Bakit kailangan akong lokohin? Gano'n ba ako kadaling bilugin? Gano'n ba ako katanga?

Dapat ba akong matuwa sa pagpapahiram niya sa akin kay Kris? Dapat ba akong matuwa kasi kahit papaano nakaramdam naman ako ng pagmamahal kahit hindi totoo? Dapat ba akong magpasalamat kasi sumaya ako sa loob ng anim na taon sa piling ni Kris? Dapat ba?

Utang na loob ko pa iyon kung ang sayang iyon, hinigitan ng sakit na dinulot nila sa akin ngayon? Tila sinasaksak ang puso ko nang paulit-ulit, eh. Pakiramdam ko labis na iyong nagdurugo at gusto nang mapagod. Gusto nang tumigil. Ayaw nang tumibok.

Nawalan ako ng kaibigan... Nawalan na naman ako...

Sino pa bang mawawala sa akin? Sana umalis na... para isahan na lang 'yung sakit...

"Nandito na tayo..." dinig kong sabi ni Robber. Mahinahon na ang boses niya ngayon at malambing. Ibang-iba sa tono niya kanina. Nakakatakot. Parang papatay ng tao.

Hindi ko rin alam kung paano napunta si Robber doon. Kung paano niya nalamang naroon ako. Sinundan niya kaya ako? Kung gano'n, salamat. Maraming salamat. Hindi ko alam ang gagawin ko kung hindi siya dumating. Siguro kung wala siya, naroon pa rin ako. Nasa sahig at umiiyak pa rin.

Imbes na sumagot ay humikbi ako sa mga tuhod ko. Hindi ako gumalaw at gano'n din naman siya.

"Golden..." tawag niya pero nanatili akong nakahalukipkip.

"N-nawalan ako ng kaibigan, Robber... Nawalan ako... ako na naman mag-isa... naiwan na naman ako..." sabi ko sa pagitan ng mga hikbi.

Naramdaman kong malamyos niyang hinagod ang buhok ko. "Nandito ako, Golden. Nandito ako. Hindi ka nag-iisa. Hindi kita iiwan..." bulong niya.

Mas lalo akong napaiyak dahil sa sinabi niya. Mas humigpit ang yakap ko sa tuhod ko at humagulgol na.

Sana nga, Robber... Sana nga...

Binitawan niya ang ulo ko at tinanggal ang seatbelts namin. Lumabas siya ng kotse at binuksan ang pinto sa tabi ko. "Tara na, Golden. Lilinisin ko ang sugat mo."

Pero nanatili akong nakaupo. Nanghihina ako at hindi ko kayang tumayo.

Hindi na ako nagulat nang naramdaman kong umangat ako, tanda na binuhat ako ni Robber. Ang isang kamay niya ay sumusuporta sa mga binti ko habang ang isa ay nasa likod ko. Walang imik akong nagparaya.

Stolen HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon