55: Church

133 9 4
                                    

Kabanata 55 : Church

"Kumusta na nga pala kayo ni Lovely?" putol ko sa nakakabinging katahimikang bumabalot sa amin. Narito kami sa loob ng kotse niya patungo sa unit ko at ang tanging nasa isip ko ngayon ay kung paano ako bababa nang walang nakakakita sa amin. 

Umisang tingin muna sa akin si Robber at agad din namang binalik ang tingin sa kalsada. "Okay lang." 

Parang may kung anong bumara sa lalamunan ko na pilit kong nilunok. Hindi ito ang tamang oras para magpaapekto sa sinabi niya. 

"Ah, kailan pala kayo kinasal? Sorry, ah. Wala kasi akong natanggap na balita mula kila Winter kaya hindi ko alam." 

Ilang segundo na ang lumipas pero hindi siya sumagot kaya bumuntong-hininga na lang ako. 

"Ikaw?" biglaang tanong niya. 

"Ako?" Hilaw akong tumawa. "Ayos lang naman. Tulad nga ng sinabi mo, hindi ko naman talagang pinangarap na maging artista. Ewan ko ba. Bigla na lang sumagi sa isip ko na mag-artista. Siguro may gusto akong patunayan at iyon ang napili kong industriya na tahakin. Ang hirap pala? Hindi ko akalain." Ngumiti ako. "Ikaw? Ilang taon ka ng nasa showbiz, hindi mo ba naisip minsan na mag-quit na lang? Ang hirap 'no? Ako ngang baguhan ay nahihirapan na, ikaw pa kayang beteran na dito." 

"Naiisip ko namang tumigil na lang kaso hindi ko maiwanan ang mga ka-banda't mga kaibigan ko. Gusto pa nilang mag-patuloy at hindi nila magagawa 'yun kung wala ako. Saka mahal ko ang pagbabanda, kahit anong gawin ko, hinding-hindi ko mabitawan. Alam mo 'yun? Parang parte na ng buhay ko at para bang mamamatay ako kapag nawala iyon. Saka dito ko nakilala ang sarili ko. Kung noon, walang patutunguhan ang buhay ko, ngayon meron na. At dito ko rin nakilala ang mga taong mahalaga sa akin." 

Napakagat-labi ako. "Sorry..." 

Kumunot ang noo niya nang saglit niya akong nilingon. "Ha?" 

"Sorry dahil doon sa ginawa ko sa 'yo noon. Alam kong career mo ang pinakanaapektuhan dahil sa nagawa ko kaya sorry. Oo, alam kong hindi mo na ako mapapatawad pa pero hayaan mo sana akong humingi ng dispensa sa 'yo. Kasi alam kong malaki ang atraso ko sa 'yo. Halos sirain ko ang career mo at maging sa mga kaibigan mo--"

"Golden, hindi ko alam ang sinasabi mo." 

Natawa ako. Patuloy pa rin siyang nagpapanggap na walang naaalala kahit bistado na siya. 

"Alam ko na, Robber. Alam ko na. Hindi mo na kailangang mag-panggap na wala kang naaalala." Nakita kong bahagya siyang natigilan. "Naiintindihan ko. Kung ako siguro ang nasa posisyon mo, ganiyan din ang gagawin ko. Naiintindihan kita, 'wag kang mag-alala."

"Golden..."

"Siguro gusto mo na akong kalimutan kaya mo ginawa 'yan, 'no?" Hilaw akong tumawa. "Kung 'yan ang gusto mong mangyari, hindi kita pipigilan. Dapat ngang kalimutan mo na ako. Puro pasakit lang naman ang dulot ko sa 'yo kaya dapat ngang lumayo na ako--"

Napatigil ako sa pagsasalita nang ihinto niya ang kotse sa tabi ng kalsada. "Kung hahayaan mo lang naman pala akong kalimutan ka, bakit ka pa bumalik? Bakit bumalik ka pa sa Pilipinas? Ano? Para ipakita mong masaya ka nang wala ako? Gano'n ba, Golden?" Tumaas ang boses niya. 

Paulit-ulit akong umiling upang itanggi ang paratang niya. "H-hindi, Robber... Hindi. Bumalik ako kasi akala ko mapapatawad mo ako. Bumalik ako para humingi ng kapatawaran mo. A-akala ko kasi, R-robber, pwede pa tayo..." Tuluyan nang lumabas ang luhang kanina ko pa pinipigilan. "Akala ko kasi m-mahal mo pa ako. Hindi na pala..." 

Hinampas niya nang malakas ang steering wheel at  nanlilisik ang mga matangt binalingan ako. "Bakit ka ba kasi umalis?! Hindi ka man lang nagpaalam! Hindi ba't sinabi ko sa 'yo noon na kahit anong dahilan mo, tatanggapin ko?! Pero anong ginawa mo? Iniwan mo akong tangang-tanga, Golden! Wala naman akong pakialam kung masira ang career ko dahil sa ginawa mo, eh. Ang inaalala ko ay 'yung dahilan mo! 'Yung dahilan ng pag-alis mo!" 

Stolen HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon